Mga Istratehikong Usapin

Duty-free na ‘kasunduan’ ng Tsina pinalalalim pagdepende ng Africa

Maaaring magmukhang tulong ang naturang polisiya, ngunit sa halip ay lalo nitong ikinakandado ang Africa sa pagsuplay ng mababang-halagang kalakal habang pinalalawak ang hawak ng Beijing sa ekonomiya at politika ng kontinente.

Nakipagpulong si Chinese Vice President Han Zheng kay South African Deputy President Paul Mashatile sa Beijing, Tsina, noong Hulyo 17, 2025. [LIU Weibing/XINHUA/AFP]
Nakipagpulong si Chinese Vice President Han Zheng kay South African Deputy President Paul Mashatile sa Beijing, Tsina, noong Hulyo 17, 2025. [LIU Weibing/XINHUA/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Ang desisyon ng Beijing na bigyan ng 100 porsiyentong duty-free access ang mga kalakal mula sa 53 bansa sa Africa simula Mayo 1, 2026, ay itinuturing na isang malaking tagumpay.

Inanunsyo ni Pangulong Xi Jinping sa African Union summit noong Pebrero, na inaalis ng polisiya ang mga taripa sa lahat ng produkto para sa mga bansang may diplomatikong ugnayan sa Tsina.

Ngunit sa likod ng mga balita tungkol sa pinalakas na pag-export ay nakatago ang estratehiyang patatagin ang dominasyon ng Tsina sa halip na itaguyod ang tunay na pag-unlad ng Africa.

Ang lohikang iyan ay akma sa mas malawak na padron kung saan ginagamit ng Beijing ang kalakalan, imprastraktura at multilateral na diplomasya nang sabay-sabay upang palalimin ang impluwensya nito, na ipinakikita ang sarili bilang kampeon ng South-South cooperation habang hinuhubog ang mga institusyon at mga rutang pangkomersyo sa sarili nitong interes.

Makikita ang litratong kuha noong Hunyo 12, 2025 ang mga panauhing nag-uusap bago ang opening ceremony ng ika-apat na China-Africa Economic and Trade Expo sa Changsha, lalawigan ng Hunan, sa gitnang Tsina. [Jin Liangkuai/XINHUA/AFP]
Makikita ang litratong kuha noong Hunyo 12, 2025 ang mga panauhing nag-uusap bago ang opening ceremony ng ika-apat na China-Africa Economic and Trade Expo sa Changsha, lalawigan ng Hunan, sa gitnang Tsina. [Jin Liangkuai/XINHUA/AFP]

Umabot sa $348 bilyon ang kalakalan sa pagitan ng Tsina at Africa noong nakaraang taon, ngunit hindi pantay ang padron.

Nagluluwas ang Africa ng mga hilaw na mineral, langis, at di-naprosesong kalakal habang nag-aangkat ng mga produktong gawang Tsina, na nagtamo ng $60 bilyong deficit. Pinapabilis ng polisiyang zero-tariff ang kawalan ng balanseng ito nang hindi tinutugunan ang mga depekto.

Lumalalim na pagdepende sa hilaw na mineral

Binibigyang-diin ng karamihan sa balita ang mga kita para sa mga magsasaka at minero.

Hindi gaanong nabibigyang-diin ang banta na manatiling tagatustos lamang ng mga murang materyales ang Africa.

Nagbabala ang eksperto ng Brookings Institution na si Yun Sun noong Enero: "Maliban kung magbibigay-daan ang polisiya sa pagpapalakas ng kapasidad at industriyalisasyon, ang polisiyang zero-tariff ay maaaring magbaon lamang sa katayuan ng Africa bilang tagatustos ng mga hilaw na materyales."

Nananatiling pinangungunahan ng mga mineral (40 porsiyento) at hilaw na materyales ang mga iniluluwas ng Africa.

Ang mga kargamentong pang-agrikultura, sa kabila ng "green channels," ay bumubuo lamang sa maliit na bahagi ng kalakalan.

Kung walang pamumuhunan sa mga planta, kasanayan, at paglilipat ng teknolohiya, ang polisiya ay sadyang nagpapababa ng halaga ng pagkuha ng Tsina sa kobalt, tanso, at langis — habang nawawala sa Africa ang mga trabahong may mas mataas na kita mula sa lokal na pagproseso.

Ang sariling modelo ng Beijing na Belt and Road ay inilarawan sa kaugnay na pag-uulat bilang isang paraan na nagpapadali sa pagluwas ng mga hilaw na materyales ng mas mahihirap na bansa patungong Tsina, na nagbibigay-diin kung bakit ang pagbawas lamang ng taripa ay hindi garantiya ng pag-unlad ng industriya.

Binibigyang-diin ng mga kritiko na ang mga nakaraang kasunduan ay hindi nakapagsiklab ng paglago ng industriya dahil sa kakulangan ng pagpapatupad para sa pagdaragdag ng halaga sa lokal na antas.

Nakikipagkumpitensya na ang mga tagagawa sa Africa laban sa mga murang kalakal mula sa Tsina; ang mga bagong insentibo ay mas pabor sa pagluwas ng mga hilaw na produkto kaysa sa pagtatatag ng mga lokal na industriya.

Kompanyang Tsino, nanalo ng dalawang beses

Sa mga supply chain tulad ng mga minahan ng cobalt sa Democratic Republic of Congo, kinokontrol ng mga kompanyang Tsino ang mga operasyon sa pamamagitan ng pamumuhunan.

Inilukuwas nila pabalik ngayon ang hilaw na mineral nang walang taripa, kung kaya't kumikita sila nang doble: bilang tagabenta at tagabili.

Ayon kay Bonnie Girard ng The Diplomat, "ang kabalintunaan ay nakikinabang ang mga kompanyang Tsino sa magkabilang panig ng transaksyon."

Kaya ang pagdadagdag ng halaga sa mga kalakal at ang mga trabaho ay lumilipat sa Tsina.

Ang mga isyu sa kalikasan at paggawa sa mga minahang ito, kabilang ang mga kaso ng child labor, ay nahaharap sa mas kaunting pressure para sa reporma sa ilalim ng malayang pagdaloy ng kalakal.

Pinalalawak nito ang impluwensya ng Beijing nang higit pa sa kalakalan. Pinalalakas ng pagdepende sa ekonomiya ang impluwensyang pampulitika, mula sa mga boto sa UN hanggang sa polisiyang "one China."

Ang pagbubukod sa Eswatini, na kumikilala sa Taiwan, ay naghahatid ng malinaw na senyales.

Makabuluhan ang mga pangmatagalang panganib.

Kung walang pag-unlad sa industriya, maaaring pahinain ng polisiya ang mga layunin ng Continental Free Trade Area ng Africa at ilantad ang kontiente sa mga pabago-bagong presyo ng kalakal.

Ang kontrol ng Tsina sa mga mahahalagang mineral ay nagpapatibay sa kapangyarihan nito sa malinis na enerhiya, na nag-iiwan sa mga bansa sa Africa bilang tagasunod lamang ng itinakdang presyo sa halip na maging tagagawa ng mga baterya o solar.

Ang mga inisyatibo ng Kanluran tulad ng US African Growth and Opportunity Act ay nagtatakda ng mga alituntunin para sa lokal na pagproseso. Sa kabilang banda, pinananatili ng modelo ng Tsina ang kasalukuyang kalagayan na angkop sa mga pabrika at ugnayang pampulitika nito.

Tama lamang na tinatanggap ng mga pinuno ng Africa ang pagbukas ng merkado.

Ang panganib ay ang mapagkamalang ganap na pagbabago ang panandaliang pakinabang. Gaya ng babala ng mga analyst, ang tunay na pakikipagtulungan ay nangangailangan ng pagpapalakas ng kapasidad na nararapat lamang na ipaglaban ng Africa.

Sa kawalan nito, ang "handog" sa kasalukuyan ay nanganganib na maging hadlang sa kinabukasan, na magpapatibay sa gapos ng Tsina sa kabuhayan at pamamahala habang naglalaho ang mga pangarap ng Africa para sa sariling industriya.

Gusto mo ba ang artikulong ito?