Mga Istratehikong Usapin

Pinalalim ng krisis sa populasyon ng Tsina ang mga estratehikong kahinaan

Malubha ang naging epekto ng reverse population bomb ng Tsina, na sinisira ang pangarap ng Beijing na maging superpower na may sariling kakayahan at nagbubunsod ng mas malalim na pagdepende sa dayuhan na siya namang nagpapahina sa pakikipagtulungan nito sa Russia.

Nagtatrabaho ang mga manggagawang Tsino sa isang halos walang laman na pabrika ng pagbuburda sa Guangzhou, Tsina. [Qiao Junwei/IMAGINECHINA/AFP]
Nagtatrabaho ang mga manggagawang Tsino sa isang halos walang laman na pabrika ng pagbuburda sa Guangzhou, Tsina. [Qiao Junwei/IMAGINECHINA/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Ang pagbaba ng bilang ng mga ipinanganak sa Beijing at ang mabilis na pagtanda ng populasyon, na nangyayari sa isa sa pinakamabilis na antas sa kasaysayan ng tao, ay nagpapahina sa lakas-paggawa na nagpalakas sa pag-angat nito, na lumilikha ng agarang mga suliraning pang-ekonomiya at pangmatagalang hamon sa mga pandaigdigang ambisyon nito.

Dahil nasa pinakamababang antas sa kasaysayan ang fertility rate at patuloy na lumiliit ang populasyong nasa edad ng paggawa, nahaharap ang Tsina sa isang suliraning demograpiko na maaaring magpalala ng pagdepende nito sa ibang bansa para sa lakas-paggawa, teknolohiya, at mga pamilihan.

Ang pagbabagong iyon ay nagpapahirap sa naratibong self-reliance superpower nito at maaaring muling hubugin ang balanse ng kapangyarihan sa Europa at sa iba pang lugar.

Tumitinding kakulangan sa lakas-paggawa

Ang legasiya ng patakarang "one-child" ng Tsina ay nagdulot ng biglaang krisis sa populasyon na hindi inaasahan ng marami.

Inaalagaan ng isang batang mag-asawang Tsino ang kanilang sanggol sa Qingdao, Tsina. [Huang Jiexian/IMAGINECHINA/AFP]
Inaalagaan ng isang batang mag-asawang Tsino ang kanilang sanggol sa Qingdao, Tsina. [Huang Jiexian/IMAGINECHINA/AFP]

Nagtala ang bansa ng 7.9 milyong kapanganakan noong 2025, ang pinakamababang naitala, habang ang fertility rate ay nasa humigit-kumulang 1.0, mas mababa sa 2.1 na replacement level para sa pangmatagalang katatagan.

Bumaba ang populasyon nito sa loob ng apat na magkakasunod na taon, at patuloy na lumiliit nang husto ang pangkat ng mga nasa edad ng pagtatrabaho (15-64) matapos ang pinakamataas na bilang nito noong 2015.

Pagsapit ng 2035, mahigit 450 milyong katao ang magiging edad 60 pataas, humigit-kumulang isang-katlo ng kabuuang populasyon.

Ramdam na ang mga epekto.

Nahihirapan ang mga pabrika na punan ang mga posisyon, tumataas ang sahod sa pagmamanupaktura at bumabagal ang paglago ng produktibidad.

Nahaharap ang mga sistema ng pensiyon at pangangalagang pangkalusugan sa tumitinding presyur habang mas kaunting manggagawa ang sumusuporta sa lumalaking bilang ng mga retirado.

Inaasahang aabot sa halos 52 porsyento ang old-age-dependency ratio pagsapit ng kalagitnaan ng siglo, ibig sabihin ay humigit-kumulang isang retirado para sa bawat dalawang nasa edad ng pagtatrabaho.

Nagbabala ang mga analyst ng RAND Corporation na ang trend na ito ay "nagbabanta na guluhin ang kakayahan ng Tsina na palaguin ang ekonomiya nito, pahirapan ang mga sistema ng pensiyon at pangangalagang pangkalusugan nito, at magbanta sa pambansang seguridad nito."

Binanggit ng eksperto sa demograpiko na si Wang Feng ng University of California, Irvine, ang mga limitasyon ng kasalukuyang pro-natalist na mga patakaran: "Ang mga kabataan sa Tsina ay nakulong sa isang ekonomiyang post-hypergrowth, na may lubhang mataas na gastos sa pamumuhay na sinamahan ng bumabagal na pagtaas ng sahod."

Kahit ang malalaking subsidiya para sa pangangalaga sa bata, pabahay, at IVF ay nabigong baligtarin ang pagbaba, habang tinutukoy ng mga batang mag-asawa ang kawalan ng katiyakan sa ekonomiya at pabago-bagong pamumuhay.

Namamayaning pagkakadepende

Sa hinaharap, malamang na muling hubugin ng krisis ang katayuan ng Tsina sa mundo.

Tinataya ng United Nations na maaaring bumaba ang populasyon sa humigit-kumulang 1.26 bilyon pagsapit ng 2050 at mas mabilis na bababa pagkatapos noon.

Maaaring bumagsak ng halos 40 porsyento ang bilang ng mga nasa pangunahing edad ng pagtatrabaho (15-49) mula sa antas nito noong 2010.

Malamang na makakaapekto ito sa paglago ng GDP - tinataya ng mga ekonomista sa BMI Country Risk ang taunang pagbawas ng hanggang 1 porsyento sa susunod na dekada - at magpapahirap sa pagsusulong ng Beijing ng teknolohikal na kasarinlan at modernisasyon ng militar.

Ang lumiliit na recruitment pool ang magiging hamon sa People's Liberation Army, na magpaphirap sa pagpapanatili ng laki at kalidad ng mga puwersa nito at magpapaigting ng kompetisyon para sa talento at mga mapagkukunan.

Kasabay nito, maaaring humina ang lokal na konsumo habang mas maliit ang ginagastos ng pangkat ng mga matatanda, na magpapahina sa pagsisikap na kumawala sa pag-unlad na nakasalalay sa pagluluwas ng mga kalakal.

Ang mga presyur na ito ay tumutukoy sa mas malalim na pagkakadepende sa isa’t isa.

Hindi makapag-angkat ang Tsina ng sapat na manggagawa upang punan ang pagliit ng populasyon sa ganito kalawak na antas, at ang paglipat ng mga tao mula sa kanayuan patungong lungsod ay nagbibigay lamang ng bahagyang lunas.

Sa halip, malamang na mas umasa ito nang husto sa mga dayuhang merkado, pagbabahagi ng teknolohiya, pakikipagtulungan sa pamumuhunan, at pandaigdigang supply chain.

Ikinakatuwiran ng mga analyst mula sa Council on Foreign Relations at Oxford Economics na ang pagtanda ng populasyon ay malamang na mas magpabagal sa per-capita growth sa Tsina kaysa sa Estados Unidos, na magpapahina sa kapangyarihang pang-ekonomiya nito at magpapahirap sa pagpapanatili ng mga estratehiyang nagbubukod sa sarili.

Para sa Ukraine at mga katuwang nito sa Kanluran, ang mga implikasyon ay maaaring maging makabuluhan sa aspeto ng estratehiya.

Ang suliranin ng Tsina sa populasyon ay maaaring maglimita sa kakayahan nitong suportahan ang pakikidigma ng Russia sa pamamagitan ng kalakalan at mga produktong may dalawang gamit sa parehong antas sa loob ng mahabang panahon.

Ang isang mas mahina at higit na nakadepende sa ibang bansa na Beijing ay maaari ring maging mas maingat sa pagsuporta sa mga katuwang na awtoritaryan at mas bukas sa praktikal na pakikipag-ugnayang sa ekonomiya.

Maaari itong magbukas ng daan para sa Kyiv na mapatibay ang ugnayan sa mga umuusbong na pamilihan sa Asya habang ang "walang hangganang" pakikipagtulungan ng Russia at Tsina ay nagsisimulang magpakita ng mas malinaw na lamat sa pundasyon.

Kinikilala ng mga pinuno ng Beijing ang bigat ng hamon.

Binanggit ni Pangulong Xi Jinping ang tungkol sa "bigat ng pasanin ng isang malaking populasyon at ang mga hamong hatid ng pagbabago sa istruktura ng populasyon."

Gayunpaman, ang pagpapataas muli sa antas ng panganganak matapos ang mga dekada ng pagbaba nito sa pamamagitan lamang ng mga batas ay napatunayang mahirap makamit, gaya ng makikita sa mga katulad na suliranin sa buong Silangang Asya.

Ang bitag sa populasyon ng Tsina ay hindi na lamang isang malayong pagtaya - binabago na nito ang ekonomiya sa kasalukuyan at nililimitahan ang mga hakbangin nito sa daigdig para sa hinaharap.

Ang higit na pagkakadepende sa isa't isa sa loob ng pandaigdigang komunidad na may sinusunod na mga patakaran ay maaaring isa sa iilang mabisang landas pasulong, na nag-aalok ng kapwa panganib at pagkakataon para sa mga bansang humaharap sa panahon ng nagbabagong kapangyarihan sa daigdig.

Gusto mo ba ang artikulong ito?