Mga Istratehikong Usapin
Krisis sa populasyon ng Russia: Kremlin nanawagang paramihin ang mga anak
Itinuturing ni Pangulong Vladimir Putin na ang lumiliit na populasyon ng Russia ay isang banta sa kinabukasan ng bansa. Bilang tugon, nagpatupad siya ng mga polisiyang sumusuporta sa pagkakaroon ng pamilya.
![Isang pamilyang tumatawid sa harap ng mga bagong apartment sa Moscow noong Hunyo 11. Ang patuloy na pagbaba ng bilang ng kapanganakan sa Russia ay isa sa mga pangunahing alalahanin ni Pangulong Vladimir Putin sa loob ng kanyang 25-taong pamumuno. [Alexander Nemenov/AFP]](/gc7/images/2025/07/24/51233-russia_pop-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
MOSCOW -- Bagong kasal sa isang pulis, naudyok si Angelina Alexeyeva, isang office manager, ng panawagan ni Pangulong Vladimir Putin sa mga Russian na dagdagan pa ang mga anak, bahagi ng makabayang kampanya ng Kremlin sa gitna ng nagpapatuloy na opensiba sa Ukraine.
Ang patuloy na pagbaba ng bilang ng kapanganakan sa Russia ay isa sa mga pangunahing alalahanin ni Putin sa loob ng kanyang 25-taong pamumuno.
At dahil sa pagpapadala ng Moscow ng libu-libong kabataang lalaki sa digmaan sa Ukraine sa nakalipas na tatlong taon, lalo lamang lumala ang krisis sa demograpiya.
Itinuturing ng pinuno ng Kremlin na ang lumiliit na populasyon ng Russia ay isang banta sa kinabukasan ng bansa. Bilang tugon, nagpatupad siya ng mga polisiyang sumusuporta sa pagkakaroon ng pamilya.
"Nawawala na ang ating lahi," babala ni Putin sa isang pagpupulong ng gabinete noong Disyembre, habang hinihikayat ang mga Russian na gampanan ang kanilang makabayang tungkulin at magkaanak nang marami.
Naantig si Alexeyeva sa mensahe, na ngayon ay nagpaplanong bumuo ng pamilya kasama ang kanyang bagong asawa.
"Mas pinahahalagahan na namin ngayon ang aming bansa, ang aming bayan; mas makabayan na kami kaysa dati,” sinabi ng 34-anyos sa panayam ng AFP.
"Gusto ko ng hindi bababa sa tatlong anak."
Ang opisyal na bilang ng kapanganakan ng Russia noong 2023 ay 1.41 kada babae -- mas mababa kumpara sa 2.1 na itinuturing ng mga demographers na kinakailangan para mapanatili ang populasyon.
Nagbabala ang ilang demographer na maaari pang itong lumala.
“Bababa nang 40 porsyento ang bilang ng mga Russian na nasa edad para magkaanak mula 2010 hanggang 2030,” ayon kay Alexei Raksha, isang independent demographer na tinaguriang “dayuhang ahente” sa Russia, sa panayam ng AFP.
"Ang bilang ng kapanganakan ngayong taon ay inaasahang magiging pinakamababa sa nakalipas na 225 taon,” dagdag niya.
Batay sa datos ng Rosstat, ang opisyal na ahensiya ng estadistika ng pamahalaan, ang populasyon ng Russia ay 145.6 milyon -- kabilang ang 2.5 milyon sa Crimea, ang peninsulang sinakop ng Moscow sa paraang labag sa batas mula sa Ukraine noong 2014.
Sa ulat ng Rosstat noong nakaraang taon, tinatayang bababa ng 15 milyon ang populasyon ng Russia sa susunod na dalawang dekada.
'Pambansang sumpa'
Habang bumababa ang bilang ng kapanganakan sa mga maunlad na bansa, mas kapansin-pansin ang pagbaba ng populasyon sa pinakamalaking bansa sa mundo.
Ang inaasahang haba ng buhay ng mga kalalakihan -- na matagal nang apektado ng alkoholismo -- ay partikular na mababa sa Russia, na nasa 68.04 taon ayon sa opisyal na datos ng 2023, 12 taon na mas mababa kaysa sa mga kababaihan.
Ngunit sinabi ni Raksha na lalo pang pinababa ng kampanya ng Kremlin sa Ukraine ang bilang na iyon, na tinatayang nasa “bahagyang higit sa 66” na taon na lamang.
Hindi isinasapubliko ng Russia kungilang lalaki na ang nasawi sa pakikipaglaban sa Ukraine, ngunit tinatayang libu-libo na ang bilang.
Ayon sa BBC at ng independent Russian outlet na Mediazona, hindi bababa sa 111,387 sundalo ang nasawi mula nang ilunsad ng Moscow ang opensiba noong Pebrero 2022.
Maliban sa epekto ng digmaan, ang laganap na alkoholismo ay patuloy na nagpapabagsak sa demograpiya ng Russia.
Hindi na ito bago para kay Yelena Matveyeva, isang 58-anyos na tagalinis.
Anim na buwan na ang nakalipas nang matagpuang patay ang kanyang asawang si Yuri, na 35 taon niyang naging kabiyak, sa loob ng kanyang sasakyan habang mag-isang umiinom. Malapit na sana siyang mag-60.
"Ngayon ko lang napagtanto, sa lahat ng panahong iyon na namumuhay ako kasama ang isang lasinggero, isinakripisyo ko ang sarili kong buhay," sinabi niya sa AFP.
Tinawag ng balo ang alkoholismo na “pambansang sumpa ng Russia."
Si Galina, isang 66-anyos na retiradong mananahi na tumangging ibigay ang kanyang apelyido, ay nagsabing ramdam din niya ang ganito.
"Karamihan sa mga kaibigan kong nasa 60s ay mga balo na," sinabi niya sa AFP.
Sinuportahan niya ang mga hakbang ni Putin.
"Dapat tayong magparami ng anak para hindi tayo tuluyang maubos. Ang bunso kong anak na babae ay may pitong anak na," pinagmamalaki niyang sinabi.
Malalaking benepisyo
Matagal nang nagbibigay ang pamahalaan ng mga benepisyong pang-ekonomiya bilang insentibo sa mga Russian na magparami ng anak.
Isa sa mga pinakabagong hakbang -- pagbibigay ng $1,200 sa mga babaeng mag-aaral na manganganak -- ang nagdulot ng malaking pagtutol mula sa mga grupong feminist.
Nagdulot ng tinatayang dagdag na 2.5 milyong kapanganakan mula 2007 ang mga malalaking benepisyong maternity allowance at housing subsidy para sa mga pamilyang may maraming anak, ayon kay Raksha.
Ngunit nananatili ang ugat ng problema.
Isinulong ng mga awtoridad ang paghihigpit ng mga batas sa aborsyon, kahit na ayon sa mga analyst, hindi nito nakatutulong sa pagtaas ng bilang ng kapanganakan. Noong nakaraang taon, nilagdaan ni Putin ang isang batas na nagbabawal sa "child-free propaganda."
Ang lider ng Russia -- na bihirang nagbabahagi tungkol sa kanyang pribadong buhay -- ay matagal nang isinusulong ang tinatawag niyang “hindi nagbabagong pagpapahalaga sa pamilya” at ang konsepto ng pamilyang Russian na may ina, ama, at marami pang anak.
Ang kampanyang ito ay naging mas matindi habang nagpapatuloy ang opensibang militar sa Ukraine.
Bagamat sumusuporta ang ilan sa mga Russian sa ideyang ito -- gaya ni Alexeyeva -- nananatiling hamon kung mapipigilan nito ang matagal nang pagbaba ng bilang ng kapanganakan.