Mga Istratehikong Usapin

Dinudukot na kabataang Ukrainian ipinadadala ng Russia sa giyera dahil kulang sa sundalo: ulat

Tinatayang 35,000 kabataan ang dinukot mula sa mga sinakop na silangang teritoryo ng Ukraine mula 2014, at sa kasalukuyan ay naiulat na natagpuan ang mga bangkay ng mga kabataang nasawi sa gitna ng digmaan.

Isang litratong walang petsa ng isang 10-taong-gulang na batang lalaki habang naglalakad sa bakuran sa harap ng kanilang apartment sa Chernihiv, Ukraine, na nawasak sa isang air strike. [UNICEF]
Isang litratong walang petsa ng isang 10-taong-gulang na batang lalaki habang naglalakad sa bakuran sa harap ng kanilang apartment sa Chernihiv, Ukraine, na nawasak sa isang air strike. [UNICEF]

Ayon sa Global Watch |

Sapilitang pinalalaban ng Russia ang mga dinukot na kabataang Ukrainian sa sarili nilang bansa, pagdating sa edad na 18 bilang tugon sa lumalalang kakulangan sa sundalo habang isinasagawa ang sikolohikal na digmaan laban sa mga Ukrainian, ayon sa ulat ng The Times of London.

Tinatayang 35,000 kabataan ang dinukot mula sa mga sinakop na silangang teritoryo ng Ukraine mula 2014, kadalasan tinututukan ng baril, ayon sa ulat na inilathala noong Hulyo 24 na kumukuha ng impormasyon sa mga opisyal ng Ukraine. Ipinahayag ng mga opisyal na marami sa mga kabataang ito ay sapilitang isinama sa militar ng Russia at ipinadadala bilang frontliners sa mga labanan, kung saan posible nilang makalaban ang sariling mga kaibigan o kapamilya.

Bagamat walang tiyak na bilang, tinatayang libu-libong kabataan ang ipinasok sa sapilitang serbisyo militar, ayon sa ulat ng The Times. Nakakuha ang Ukraine ng matibay na ebidensya tungkol sa gawaing na ito, kabilang ang mga dokumento ng conscription, sinabi ni Andriy Yermak, chief of staff ni Pangulong Volodymyr Zelenskyy, sa isang podcast ng The Times.

Kinumpirma ni Yermak na natatagpuan ng mga puwersang Ukrainian ang mga bangkay ng mga kabataan sa mga lugar ng labanan.

'Nakakalungkot'

"May nahanap na kaming mga ebidensya tungkol dito, oo," pahayag niya sa podcast. "Isa itong matinding babala sa buong mundo dahil pinapatunayan nito na ang Russia ngayon ay isang teroristang rehimen."

Ayon sa mga opisyal ng Ukraine, ang polisiya ay may dalawang layunin: upang tugunan angkakulangan sa mga tauhang militar ng Russia -- na tinatayang halos isang milyon ang nasugatan at nasawi, ayon sa Kyiv -- at upang magdulot ng trauma sa mga Ukrainian sa pagpipilit sa kanilang mga dinukot na anak na lumaban sa kanila.

"Hangad ng mga Russian na wasakin ang bagong henerasyon ng mga Ukrainian,” sinabi ng isang opisyal sa The Times. "At ngayon ay lumilikha sila ng mga bagong sundalong laban sa bansang kanilang sinilangan. Nakakalungkot.”

Nagsimulang dumukot ang Russia ng mga kabataang Ukrainian matapos sakupin ang Crimea at Donbas noong 2014, unang target ang mga ampunan, ayon sa The Times. Lumawak ang operasyon matapos ang malawakang pananakop noong 2022. Bagaman may ilang bata na inilagak sa mga pamilyang Russian, tinataya ng mga independent researcher na 95% ng mga bata ay ipinadadala sa mga “re-education” camp, ayon sa ulat.

Mula roon, inililipat ng mga Russian ang marami sa mga kabataang Ukrainian sa mga pasilidad ng pagsasanay militar pagdating nila sa huling bahagi ng kanilang kabataan, ayon sa The Times. Dagdag din ng mga opisyal ng Ukraine na ang programang ito ay pinamumunuan ng Federal Security Service (FSB) ng Russia, patunay sa kahalagahang ibinibigay sa Kremlin ng pagdukot ng mga kabataang Ukrainian.

Binanggit ng International Criminal Court (ICC) ang mga kaso ng pagdukot bilang batayan sa paglalabas ng mga arrest warrant laban kay Russian President Vladimir Putin at kay Maria Lvova-Belova, ang kanyang commissioner para sa karapatan ng mga bata.

Tinutukan ng baril saka dinukot

Nakapanayam ng The Times si Vlad Rudenko, isang 19-anyos na binatang dinukot mula sa Kherson noong 2022 sa edad na 16. Tinutukan siya ng baril saka dinukot ng mga sundalong Russian habang nagtatago siya sa apartment ng kanyang ina, ani Rudenko. Na-detain siya ng mga Russian sa isang “re-education camp” sa Crimea sa loob ng 18 buwan bago siya inilipat sa isang naval academy kung saan siya sumailalim sa pagsasanay militar.

Sinagip siya ng kanyang ina mula sa academy noong 2024.

"Pinapakanta kami ng pambansang awit ng Russia tuwing umaga," sinabi ni Rudenko sa The Times. "Pagkatapos ay may pisikal na pagsasanay -- talon, squat, takbo, gapang -- at tinuruan din kami kung paano bumaril. Ang mga edad 16 at 17 ay binigyan ng mga pekeng rifle, habang ang mas matatanda ay gumamit ng totoong bala."

"Habang tumatagal, lalo akong kinakabahan na baka ipadadala kami sa labanan" aniya. "Wala naman silang nakuha sa akin kundi ang pagkabata ko lang. Swerte ako kasi may mga Ukrainian ngayon na lumalaban pa rin laban sa sariling nilang bayan.”

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *