Mga Istratehikong Usapin

Gaming War ng Kremlin: Target ang isipan ng kabataan

Ginagawang kasangkapan ng Russia ang video games para sa panghihikayat (Indoctrination), isama ang propaganda at militarismo sa mga mundo ng digital kung saan milyun-milyong kabataan ang naglalaro.

Naglalaman ang online gaming platform na Roblox ng mga laro na likha ng mga developer na nagpo-promote ng mapanganib na propaganda ng Kremlin, tulad ng pagbibigay-dangal sa mga sundalo ng Russia. Warsaw, Oktubre 20. [Olha Hembik/Kontur]
Naglalaman ang online gaming platform na Roblox ng mga laro na likha ng mga developer na nagpo-promote ng mapanganib na propaganda ng Kremlin, tulad ng pagbibigay-dangal sa mga sundalo ng Russia. Warsaw, Oktubre 20. [Olha Hembik/Kontur]

Ayon kay Olha Hembik |

WARSAW -- Wala ka sa isang labanan. Nasa iyong sofa ka -- naka-headset, hawak ang controller -- nalulunod sa liwanag ng video game. Ngunit sa gitna ng mga pagsabog at misyon, maaaring nakasali na ang Kremlin sa iyong laro.

Ang propaganda na nakatago sa anyo ng laro ay hindi nagwawagayway ng watawat o nag-uutos. Ito ay dahan-dahang sumisingit sa pamamagitan ng mga kwento, disenyo ng mga karakter, at mga binagong kasaysayan, na ginagawang tahimik na panlilinlang ang mismong libangan.

Iilang manlalaro lang ang inaasahang makakakita ng nakatagong mensahe o mga exaggerated na kalaban sa kanilang paboritong first-person shooters, pero nandoon ito, ayon kay Lingva Lexa, isang Kyiv-based na nonprofit na nagsasagawa ng open-source na imbestigasyon sa mga krimen ng digmaan at nagbabantay sa online na hate speech.

Noong Oktubre 8, naglabas ang Lingva Lexa ng ulat na may pamagat na “Bagong Sandata sa Dilim: Paano Ginagamit ng Kremlin ang Video Games para sa Propaganda ng Digmaan.” Ipinaliliwanag sa pananaliksik kung paano ginagamit ng Moscow ang video games upang hubugin ang kultura, impluwensyahan ang kabataan sa pananaw at asal militar, at ikalat ang kanilang mga pahayag sa digmaan sa mundo ng digital.

Naglalaman ang online gaming platform na Roblox ng mga laro na likha ng mga developer na nagpo-promote ng mapanganib na propaganda ng Kremlin, tulad ng pagbibigay-dangal sa mga sundalo ng Russia. Warsaw, Oktubre 20. [Olha Hembik/Kontur]
Naglalaman ang online gaming platform na Roblox ng mga laro na likha ng mga developer na nagpo-promote ng mapanganib na propaganda ng Kremlin, tulad ng pagbibigay-dangal sa mga sundalo ng Russia. Warsaw, Oktubre 20. [Olha Hembik/Kontur]

Mga laro ng Kremlin

Nagiging kasangkapan ng proganda ng estado ang industriya ng gaming sa Russia, gamit ang pondo at regulasyon ng pamahalaan upang makagawa ng mga "tamang" laro at hubugin ang mga manonood, sabi ni Anna Vishnyakova, isang international criminal lawyer at tagapagtatag ng Lingva Lexa, sa Kontur, kapatid na publikasyon ng Global Watch.

Sinabi niya na estratehiya ng Kremlin na targetin ang mga bata mula sa murang edad, nagsisimula sa simpleng laro at mga youth movement sa elementarya, at nagpapatuloy hanggang sa kabataan sa pamamagitan ng mga radikal na online na komunidad. Ayon kay Vishnyakova, kumakalat ang propaganda "mula sa itaas" sa pamamagitan ng mga institusyon at grant ng estado, at "pahalang" sa pamamagitan ng mga gaming community, livestream, at clans.

Kabilang sa mga natukoy na laro ang Squad 22: ZOV, na ipino-promote ng hukbo ng Russia bilang kasangkapan sa pagsasanay ng mga cadet, at Best in Hell, na nagbibigay-dangal sa grupong mercenary na Wagner. Natuklasan din ng mga mananaliksik ang mga tema ng propaganda sa Dota 2, Runeterra, Free Fire, PUBG Mobile, at World of Tanks Blitz.

Ginagamit ng Kremlin ang gaming upang gawing normal ang militarismo at palakihin ang paghanga sa mga sundalo sa kanilang "special military operation." Ayon kay Vishnyakova, nire-recruit ng Young Army movement ang mga batang 8 taong gulang at nag-oorganisa ng esports tournaments para sa mga kabataan, pinaghahalo ang ideolohiya at laro.

Sa Peresvet military-patriotic club, na itinatag ng Sretensky Cossack community, ginamit ng mga bata ang Squad 22: ZOV bilang kasangkapan sa pagsasanay upang matutunan ang mga taktika sa labanan at koordinasyon.

Sinabi ng mga organizer na ang pagsasanay ay "hindi lamang nakatutulong sa pag-unlad ng intelektuwal na kakayahan, kundi sa pag-unawa rin kung paano kumikilos ang mga sundalo ng Russia sa zone ng special military operation.”

Pagiging agresibo sa game at indoctrination

Sinasamantala ng mga propagandista ang kawalan ng tiwala sa sarili at paghahanap ng pagkakakilanlan na karaniwan sa kabataan upang bumuo ng mga online na komunidad kung saan, para mapabilang ka, kailangan mong tanggapin ang isang ideolohiya, ayon kay Vishnyakova.

Binanggit niya ang PMC Kinder, isang Minecraft community para sa mga bata at kabataan kung saan ang mga miyembro ay nakikilahok sa combat simulations na ginagawang normal ang di-makataong pananaw sa mga kaaway at ang militarisadong kultura.

Sinabi ni Vladislav, isang sixth-grader sa First Ukrainian School sa Warsaw, na nakakasagupa siya ng propaganda ng Russia sa tuwing naglalaro siya ng Roblox, isang online platform kung saan maaaring gumawa at magbahagi ng sariling laro ang mga user. Sabi niya, nakikilala niya ang mga larong gawa ng Russia sa pamamagitan ng cover art nito, na nagpapakita sa Ukraine na hindi kasama ang Crimea, at sa mga username na may letrang Z, O at V.

Natuklasan ng mga mananaliksik ng Lingva Lexa na ang mga user mismo ang lumilikha ng "Z-content" -- sa mga username, avatar, slogan, at meme na nagbibigay-dangal sa mga sundalo ng Russia at nagpapalaganap ng mga mapanirang pahayag laban sa mga Ukrainian. Sa mga teritoryong sinakop, ayon sa grupo, ang ganitong laro ay ginagamit bilang kasangkapan para impluwensyahan ang isipan ng mga lokal na kabataan.

Binigyang-diin ni Vishnyakova na madalas ituring ng mga bata ang mga laro bilang ligtas sa online, kaya mas madali ang pagtangap nila sa mga nakatagong mensahe. Binanggit niya ang halimbawa kung saan gumawa ang Russian intelligence services ng mobile games na inakit ang mga batang Ukrainian na sumali sa mga "intelligence-gathering quests" na nakatago sa anyo ng laro.

Matapos ang malawakang pananakop ng Russia sa Ukraine at ang pagkakahiwalay nito mula sa mga Western market, naging kontroladong daluyan ng opisyal na ideolohiya ang industriya ng video game ng bansa, ayon sa Lingva Lexa. Ngayon, sumasalamin ang mga laro sa mga pahayag ng estado tungkol sa "mga misyon ng paglaya," "laban sa Nazismo," at "historikal na pagkakaisa.”

Ayon sa ulat, sinusunod ng mga bagong proyekto ang direktiba ng Kremlin tungkol sa mga tema at karakter. Plano ng pamahalaan ng Russia na mamuhunan ng hanggang $50 bilyon pagsapit ng 2030 para sa pagbuo ng mga lokal na studio. Naglaan na ang Internet Development Institute (IDI) ng bilyun-bilyong ruble upang pondohan ang produksyon ng laro, kabilang ang 1.57 bilyong RUB (mga $19.4 milyon) noong 2024 para sa mga video game na inaasahang ilalabas sa 2025–26.

Binanggit ng Lingva Lexa si Alexey Goreslavsky, head ng IDI, na nagsabi sa Saint Petersburg International Economic Forum na mamumuhunan ang ahensya ng humigit-kumulang 3.4 bilyong RUB (mga $42 milyon) mula 2025 hanggang 2027 upang palawakin ang industriya. Ang merkado ng gaming sa Russia, na tinatayang nasa 170 hanggang 200 bilyong RUB ($2.1 hanggang $2.5 bilyon), ay maaaring umabot sa 237 bilyon ($2.9 bilyon) pagsapit ng 2030.

Simbolo ng paglaban

Sinabi sa Kontur ni Igor, isang Kyiv-based na open-source intelligence analyst, na maaaring labanan ang propaganda sa mga video game sa pamamagitan ng mas matibay na programa sa media at gaming literacy. Hinimok niya ang mga pamahalaan na gamitin ang diplomasya upang itaguyod ang internasyonal na pamantayan para sa pananagutan ng mga platform at magbahagi ng datos tungkol sa mga larong nagpapalaganap ng propaganda.

Dagdag pa niya, dapat mas maging responsable ang mga may-ari at developer ng platform sa kanilang content sa pamamagitan ng pagbabawal sa propaganda ng estado at pagpupuri sa krimen sa digmaan, at sa pamamagitan ng regular na paglalathala ng mga ulat sa moderasyon.

Inirerekomenda ng Lingva Lexa ang pagsuporta sa mga laro na nagpo-promote ng counter-narratives, tulad ng S.T.A.L.K.E.R. 2: Heart of Chornobyl, na naging simbolo ng paglaban ng kulturang Ukrainian.

Matapos ang malawakang pananakop ng Russia, itinigil ng developer na GSC Game World ang pagbenta sa Russia, inalis ang lokal na bersyon sa wikang Russian, at hinarap ang mga cyberattack at kampanya ng disinformation, ayon kay Vishnyakova.

Isa pang halimbawa ang Glory to the Heroes, isang tactical shooter na kasalukuyang dine-develop, na ipinakikita ang digmaan mula sa pananaw ng Ukraine at "nagsisilbing pangkontrol sa mga larong propaganda ng Russia na sinusubukang bigyang-katuwiran ang agresyon.”

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *