Mga Istratehikong Usapin

Russia lalong dumedepende sa North Korea sa pananakop sa Ukraine

Nakapagpadala na ang Pyongyang ng libu-libong sundalo upang tulungan ang Russia na pigilin ang mga puwersang Ukrainian sa border region. Ngayon, magpapadala pa ang North Korea ng dalawang karagdagang brigadang militar.

Sinalubong ni Ri Song Chol, North Korean vice minister ng public security si Vitaly Shulika (kanan), Russian interior vice minister sa Pyongyang International Airport noong Mayo 26. Nagpulong sila upang palawakin at magpalitan ng kooperasyon, ayon sa ulat ng state media ng North Korea. [Kim Won Jin/AFP]
Sinalubong ni Ri Song Chol, North Korean vice minister ng public security si Vitaly Shulika (kanan), Russian interior vice minister sa Pyongyang International Airport noong Mayo 26. Nagpulong sila upang palawakin at magpalitan ng kooperasyon, ayon sa ulat ng state media ng North Korea. [Kim Won Jin/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Pumasok na sa bagong yugto ang lalong lumalalim na pagdepende ng Moscow sa North Korea, habang naghahanda ang Pyongyang na magpadala ng libu-libong tauhang militar upang tumulong sa muling pagbangon ng Kursk province na napinsala ng digmaan.

Sinurpresa ng mga puwersang Ukrainian ang Russia nang pumasok sila sa Kursk province noong Agosto. Kontrolado nila ang malaking bahagi ng probinsya sa loob ng pitong buwan. Noong Mayo, muling inatake ng Ukraine ang lugar.

Ang pinakabagong tulong mula sa North Korea, na isiniwalat sa pagbisita ni Sergei Shoigu, pinuno ng Russian Security Council, sa Pyongyang noong unang bahagi ng Hunyo, ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang suporta ng North Korea sa kampanya ng Kremlin laban sa Ukraine.

Nakapagpadala na ang North Korea ng libu-libong sundalo para tulungan ang Russia na pigilin ang mga puwersang Ukrainian mula sa border province. Ayon kay Shoigu, magpapadala pa ang Pyongyang ng "isang dibisyon para sa konstruksiyon, dalawang brigadang militar -- 5,000 sundalo" at 1,000 mine clearance personnel sa Kursk.

"Ito ay isang pagkakapatirang tulong mula sa mamamayang Koreano at kay lider Kim Jong Un para sa ating bansa," ayon kay Shoigu na kinapanayam ng state media ng Russia.

Nais umano ng dalawang bansa na patuloy pang palawakin ang kanilang kooperasyon, ayon sa kanya.

Ang pinalawak na tulong na ito ay kasunod ngisang mas malawak na kasunduang militar na nilagdaan ng dalawang bansa noong 2024, na may kasamang mutual defense clause at nagbukas ng pinto sa malawakang kooperasyon.

Nagsimula ang malawakang pananakop ng Russia sa Ukraine noong Pebrero 2022.

Mga shipping container ng mga bala at missile

“Kung wala ang suporta ni [Kim], hindi magagawang ipagpatuloy ni Pangulong Vladimir Putin ang kanyang digmaan sa Ukraine,” ayon kay Hugh Griffiths, dating tagapangulo ng United Nations panel on North Korea sanctions, sa isang panayam ng The Guardian noong Abril.

Malaki ang naging ambag ng North Korea sa tulong-militar. Ayon sa pagsusuri ng satellite imagery ng Open Source Center at Reuters noong Abril, nakapagpadala na ang North Korea ng mahigit 15,000 shipping container mula Setyembre 2023, na pinaniniwalaang may lamang mahigit sa 4 na milyong bala at mga missile.

Ipinahayag ng militar ng Ukraine na inilipat din ng North Korea ang 148 KN-23 at KN-24 na ballistic missile -- mga sandatang katulad ng Iskander system ng Russia -- na inumpisahang gamitin ng Moscow noong 2024 upang punuan ang kakulangan sa mga high-precision weapon.

Sinabi ni Pavlo Lakiychuk, direktor ng mga proyekto sa seguridad sa Strategy XXI Center for Global Studies sa Ukraine, sa Kontur -- kapatid na publikasyon ng Global Watch -- noong Abril, na higit 60% ng suplay ng bala ng Russia ay nagmumula na sa North Korea. Sa ilang pagkakataon, aniya, “umaabot pa sa 80% ng mga medium- at large-caliber na bala ang gawang [North] Korea.”

Nagkita sina Kim at Shoigu noong Hunyo upang pagtibayin ang tinawag ng KCNA, ang state news agency ng North Korea, na "makapangyarihan at komprehensibong strategic partnership."

“Habang pumapasok na sa ikaapat na taon ang digmaan ni Putin at lalong nilalayuan ng Kanluran ang Russia, lalong nagiging mahalaga ang naturang ugnayan.”

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *