Pandaigdigang Isyu

Pag-asa ng artileriya ng Russia: Tumitinding pagdepende ng Moscow sa North Korea

Ang lumalawak na paggamit ng Moscow sa mga sandatang gawa ng North Korea -- tulad ng mga multiple-rocket launcher -- ay senyales ng tumitinding kakulangan sa suplay at hamon sa muling pagdaragdag ng sariling arsenal, ayon sa mga analyst.

Bumisita sina Russian President Vladimir Putin at North Korean leader Kim Jong Un sa Vostochny Cosmodrome sa Amur province, Russia, noong Setyembre 13, 2023, bilang paghahanda sa mga pag-uusap ukol sa mga sandata. [Vladimir Smirnov/Pool/AFP]
Bumisita sina Russian President Vladimir Putin at North Korean leader Kim Jong Un sa Vostochny Cosmodrome sa Amur province, Russia, noong Setyembre 13, 2023, bilang paghahanda sa mga pag-uusap ukol sa mga sandata. [Vladimir Smirnov/Pool/AFP]

Ayon kay Olha Chepil |

KYIV -- Sa umaga ng Abril 24, isang missile ang tumama sa isang residential area sa kabisera ng Ukraine na Kyiv, na ikinasawi ng 12 katao at ikinasugat ng 90 katao. Ang missile ay hindi isang karaniwang sandata ng Russia -- ito ay isang KN-23 ballistic missile mula sa North Korea, ayon kay Pangulong Volodymyr Zelenskyy.

Ang mga intelihensiya ng Ukraine ay kasalukuyang nagsasagawa ng pagsusuri upang tiyakin ang mga detalye. Kung mapapatunayan, ang paggamit ng mga sandatang gawa sa North Korea ay magpapakita ng lumalawak na ugnayan sa suplay mula Pyongyang-patungong-Moscow, na dulot ng internasyonal na isolasyon at pangangailangan sa digmaan.

"Magkasama nilang pinapatay ang mga tao at nilalapastangan ang buhay -- iyon lamang ang kahulugan ng kanilang kooperasyon," isinulat ni Zelenskyy sa kanyang Telegram channel matapos ang pananalakay.

Para sa Kremlin, ang suporta ng North Korea ay itinuturing na pag-asa -- bagaman alanganin -- habang nahaharap sa matinding hamon ang militar nito dahil sa matagalang digmaan.

Isang lalaki ang nanonood ng balita sa pagsubok sa missile ng North Korea, sa istasyon ng tren sa Seoul noong Marso 10. [Jung Yeon-je/AFP]
Isang lalaki ang nanonood ng balita sa pagsubok sa missile ng North Korea, sa istasyon ng tren sa Seoul noong Marso 10. [Jung Yeon-je/AFP]
Noong Enero 20, nag-post si Pangulong Volodymyr Zelenskyy ng isang video ng isang bihag na North Korean na inilalarawan ang mataas na bilang ng mga nasawi at nagsabing hindi siya naturuan sa paggamit ng mga kagamitan ng Russia. [t.me/V_Zelenskiy_official]
Noong Enero 20, nag-post si Pangulong Volodymyr Zelenskyy ng isang video ng isang bihag na North Korean na inilalarawan ang mataas na bilang ng mga nasawi at nagsabing hindi siya naturuan sa paggamit ng mga kagamitan ng Russia. [t.me/V_Zelenskiy_official]

Tumitinding pagdepende

Sa kabila ng mga internasyonal na sanksyon, matagal nang pinauunlad ng North Korea ang mga ballistic missile. Noong 2024, sinimulang gamitin ng Russia ang mga ito, kabilang ang KN-23 at KN-25, na kahalintulad ng mga Russian Iskander. Ang mga suplay na ito ay nakatulong upang maipagpatuloy ng Moscow ang mga pag-atake sa imprastruktura ng Ukraine sa kabila ng kakulangan sa sarili nitong mga high-precision missile.

"Kung wala ang suporta ni [North Korean dictator Kim Jong Un], hindi magagawang ipagpatuloy ni President Vladimir Putin ang kanyang digmaan sa Ukraine," sinabi ni Hugh Griffiths, dating chairman ng United Nations panel na nagbabantay sa mga sanksyon laban sa North Korea, sa The Guardian noong Abril 25.

Mula noong Setyembre 2023, mahigit 15,000 shipping container ang naipadala ng North Korea sa Russia, na pinaniniwalaang naglalaman ng higit sa 4 na milyong bala at missile, ayon sa pagsusuri ng satellite ng Open Source Center at Reuters. At sa pagsapit ng unang bahagi ng 2025, naipasa rin ang 148 KN-23 at KN-24 ballistic missile mula Pyongyang, ayon sa intelihensiyang militar ng Ukraine.

"Ang kontribusyon ng North Korea ay nagiging susi. Noong nakaraan, umaabot lamang ito ng 40%. Sa ilang mga pagkakataon, umabot hanggang 80% ng mga medium- at large-caliber na bala ay gawa sa Korea. Ngayon, naniniwala ang mga eksperto na higit sa 60% ng mga ammunition ng Russia ay gawa sa [North] Korea," sinabi ni Pavlo Lakiychuk, director ng mga proyektong tungkol sa seguridad sa Strategy XXI Center for Global Studies, sa Kontur, isang kapatid na publikasyon ng Global Watch.

Pagtugon sa kakulangan

Ang mga bala ng artileriya, partikular ang mga 122mm at 152mm na ginagamit sa mga sistemang Soviet, ay patuloy nang nagiging bihira sa mga lugar ng labanan. Dahil hindi natutugunan ng industriya ng depensa ng Russia ang kasalukuyang pangangailangan, ang North Korea, na kilala sa pagkakaroon ng malalaking reserba ng mga kagamitang pandigma na disenyong Soviet at sapat na kapasidad sa produksiyon,ay itinuturing na pangunahing pinagkukunan ng suplay.

"At nagkataon na ang [North] Korea ay may sapat na 'kayamanang' ito. Napanatili nito ang kapasidad sa produksiyon at kasalukuyang gumagawa ng [mga armas] at nagsusuplay sa Russia. Sa ngayon, tumaas na ang dami ng suplay mula sa Korea," sinabi ni Mykhailo Gonchar, president ng Strategy XXI Center for Global Studies, sa Kontur.

Ang mga padalang ito ay nakatulong upang mapanatili ng Russia ang madalas na pagsasagawa ng mga operasyong militar, sa kabila ng patuloy na pagkaubos ng mga reserba ng bala, na ayon sa mga analyst, ay matagal palitan.

"Halos naubos na ng Russia ang mga reserba nito. At nakatulong dito ang sandatahang lakas ng Ukraine. Kapansin-pansin ang kalakarang ito, lalo na kung titingnan kung anong uri ng mga kagamitan ang ipinadadala at kung bakit lalong dumidepende ang Russia sa North Korea. Kasama rin sa mga suplay ang mga sistemang may hindi karaniwang kalibre," ani Gonchar.

Itinuro niya ang pagpapadala ng mga sistemang may hindi karaniwang kalibre, kabilang ang M-1978 Koksan, isang 170mm na self-propelled gun na tanging ang North Korea lamang ang gumagamit.

"Ito ay likha ng dinastiyang Kim. Ganito rin ang kalagayan ng 240mm multiple-rocket launcher, na maaari lamang gamitan ng armas na ipinadadala mula sa mga arsenal o pabrika ng North Korea," ani Gonchar.

Sa oras na hindi na kayang matugunan ng industriya ng depensa ng Russia ang mga pangangailangan sa larangan ng labanan, napipilitan ang Moscow na humingi ng suplay mula sa Iran o North Korea, ayon kay Lakiychuk.

Anuman ang maipagkaloob ng Iran, ito ay binibili ng Russia mula sa Tehran, at kapag hindi kayang magpadala ng Iran, ang Russia ay lumalapit sa Pyongyang.

Mapanganib at palyado

Habang nagbibigay ng suporta, ang mga palyadong armas mula sa North Korea ay nagdudulot ng malubhang problema sa larangan ng digmaan. Ayon sa mga analyst ng militar, madalas na nagugulat ang mga sundalo ng Russia sa hindi maayos na mga balang North Korean, na sumasabog sa loob ng baril o agad, pagkatapos magpaputok. Sa ilang pagkakataon, hindi nila magawang magpakawala ng mga bala.

"[T]uwing tinutukoy na ang mga bala ay mula sa Korea, itinuturing itong mababa ang kalidad," ani Lakiychuk. "Ang isang warhead o bala ay higit sa 20% off ng standard specification."

Ang pag-asa sa mababang kalidad na bala ay nagpapahina sa kakayahang artileriya ng Russia at inilalagay sa mas malaking panganib ang mga sundalong Russian at North Korean. Humigit-kumulang 11,000 tauhan mula sa Pyongyang ang ipinadala upang makipaglaban sa panig ng puwersang Russian, itinaya ng mga analyst.

"Kailangan nila ang lahat ng mga North Korean na ito bilang panangga lamang sa mga desperadong opensiba," sinabi ni Alexander Kovalenko, isang correspondent ng InfoResist, sa panayam ng Kontur.

Habang tumatagal ang digmaan, maaaring magbigay ang North Korea ng mas makabagong mga sandata, kabilang ang mga guided antitank missile, antiaircraft missile, medium-range ballistic missile, at mga drone na pinaunlad nila katuwang ang Russia, ayon sa mga analyst.

"Sa kasalukuyan, ang Ukraine ang naging kauna-unahang bansa sa mundo na nakaharap sa mga tauhang militar ng North Korea sa labanan at ginamit bilang testing ground para sa tinatawag na mga "miracle weapon" ng ugnayang militar-industriyal ng North Korea," ani Kovalenko.

"Walang ibang bansa sa rehiyon ang nakaranas ng ganitong mga hamon sa nakaraang kalahating siglo o higit pa."

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *