Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Ulat: Kemikal na armas N. Korea huling depensa bago gumamit ng nukleyar sa South
Umaasa ang Pyongyang na ang pagkakaroon ng sandatang kemikal ay magsisilbing panakot sa kalaban bago sumiklab ang digmaan, ayon sa isang ulat mula sa isang South Korean news site.
![Isang lalaki ang nanonood sa telebisyon sa isang istasyon ng tren sa Seoul noong Pebrero 28 na nagpapalabas ng balita tungkol sa pagsubok ni North Korean leader Kim Jong Un ng estratehikong cruise missile. [Jung Yeon-je/AFP]](/gc7/images/2025/07/22/51174-korea_missiles-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Iniulat na pinalalakas ng North Korea ang produksyon ng sandatang kemikal bilang pangunahing bahagi ng estratehiyang pandigma nito, at itinuturing na huling depensa bago magpakawala ngsandatang nukleyar sa isang ganap na digmaan laban sa South Korea.
Ipinakikita sa mga dokumentong pang-militar lamang na ang sandatang kemikal ay itinuring na "pinaka-epektibong paraan ng agarang pagtugon bago humantong sa paggamit ng mga sandatang nukleyar," iniulat ng South Korean news site na Daily NK noong Hulyo 9 ayon sa isang hindi pinangalanang mataas na opisyal mula sa North Korea.
"Ang mga sandatang kemikal ay kinikilala bilang praktikal at aktwal na magagamit sa paghahanda para sa malawakang digmaan,” ayon sa source. "Naniniwala ang mga awtoridad na ang sandatang kemikal ay isang estratehikong sandata upang pahinain ang punong himpilan at mahahalagang pasilidad militar ng kalaban bago humantong sa paggamit ng mga sandatang nukleyar."
Sa pananaw ng Pyongyang, ang pagkakaroon ng sandatang kemikal ay magsisilbing panakot sa kalaban bago sumiklab ang digmaan, na magiging dahilan upang sila ay mag-alinlangan, ayon sa ulat.
Iniulat na kabilang sa mga planong pandigma ng North Korea laban sa Seoul ang mga senaryong paglulunsad ng mga sandatang kemikal malapit sa hangganan ng dalawang Korea hanggang 48 oras bago sumiklab ang ganap na digmaan, ayon sa Daily NK. Ang mga target: mahahalagang pasilidad militar tulad ng Blue House (tanggapan ng pangulo ng South Korea), mga punong himpilan sa pangunahing linya ng depensa, at mga paliparan -- lahat ay tatamaan gamit ang mga precision-guided missiles at mga bala ng artilerya na may kemikal na warhead.
Mga isinarang pasilidad
"Naisakatuparan na ng North Korea ang mga pagsubok sa paglulunsad ng mga ballistic missile na may kargang mga sandatang kemikal," ayon sa naturang source. "Naghahanda rin itong maglagay ng sandatang kemikal kasama ang ilang yunit na frontliners."
Ang mga pasilidad ng North Korea para sa produksyon at pag-iimbak ng sandatang kemikal ay matatagpuan sa matataas na lugar malapit sa Hamhung, Hungnam, Sinpo, Munchon, at Kanggye, ayon sa source ng Daily NK. Karamihan ay ikinukubli bilang mga pabrika ng pataba, pestisidyo, at mga produktong medikal, dagdag pa nito.
Ang mga pasilidad ay mahigpit na isinara at inihiwalay sa mundo, maging ang mga matataas na opisyal ay kinakailangang magpakita ng single-use pass na may mga encryption protocol na ina-update kada tatlong buwan, dagdag ng source.
Sa pagitan ng 2022 at 2024, iniulat na dinagdagan ng North Korea ang mga precision mixing system at awtomatikong kagamitan sa ilang pasilidad, na nagdulot ng makabuluhang pagdami ng mga linya ng produksyon ng sandatang kemikal na ganap na awtomatiko.
"Ipinagmamalaki ng North Korea ang kanilang arsenal ng nukleyar, ngunit tahimik nitong pinabibilis ang pagbuo ng mas tahimik at nakamamatay na sandatang kemikal,” ayon sa source. “Sa loob ng rehimen, paulit-ulit nilang binibigyang-diin na handa na sila sa maraming hindi nakikitang banta.”
Bagong ballistic missile
Kasabay ng ulat ng Daily NK ang pangakong ipagpapatuloy ni North Korean leader Kim Jong Un ang programang nukleyar dahil ang tunggalian laban sa mga kaaway ay "hindi maiiwasan."
Ang mga pahayag ni Kim, na iniulat ng mga state-run media noong Enero, ay ginawa habang siya ay bumibisita sa isang pasilidad ng produksyon ng nukleyar na materyales.
Sinabi ni Kim na magiging “mahalagang taon” ang 2025 para palakasin ang mga puwersang nukleyar ng North Korea, ayon sa ulat ng Korean Central News Agency (KCNA) na kontrolado ng gobyerno.
"Ito ang ating matatag na paninindigan sa larangan ng pulitika at militar, at ang ating palagian at marangal na tungkuling patuloy na paunlarin ang posisyon ng bansa sa nukleyar na panlaban,” ani Kim, ayon sa KCNA.
Ang ulat, pati ang pagbisita ni Kim sa pabrika ng armas nukleyar, ay kasunod ng test firing ng Pyongyang noong Enero 25 sa paglulunsad ng mga sea-to-surface strategic guided cruise missile.
Noong nakaraang taon, sinubukan ng North Korea ang iba’t ibang sistemang may kakayahang nukleyar, kabilang na ang bagong solid-fuel intercontinental ballistic missile. Ang mga missile na ito ay may pinakamababang naaabot na 5,500 km at idinisenyo upang magpadala ng mga nukleyar na warhead.
Ayon sa North Korea, layunin nilang magkaroon ng mga sandatang nukleyar upang harapin ang mga banta mula sa United States at mga kaalyado nito, kabilang ang South Korea.
Ang dalawang Korea ay nananatiling may digmaan pa rin mula nang matapos ang labanan noong 1950-1953 sa pamamagitan ng isang tigil-putukan at hindi isang kasunduang pangkapayapaan.
Ang ugnayan ng Pyongyang at Seoul ay nasa isa sa pinakamababang antas sa mga nakaraang taon,dahil sa sunud-sunod na paglulunsad ng North Korea ng mga ballistic missile noong nakaraang taon na lumalabag sa mga sanction ng United Nations.