Mga Istratehikong Usapin
Matinding panganib: Babala ng North Korea sa nuklear na ambisyon ng Japan
Ayon sa North Korea, kung magkakaroon ang Japan ng mga sandatang nuklear, “magdurusa ang mga bansa sa Asya sa isang kakila-kilabot na nuklear na sakuna at haharap ang sangkatauhan sa isang malaking kapahamakan.” Walang binanggit ang pahayag tungkol sa sariling programang nuklear ng North Korea.
![Nakaupo ang mga tao sa harap ng isang telebisyon na nagpapakita ng balitang may file footage ng missile test ng North Korea, sa isang istasyon ng tren sa Seoul noong Nobyembre 7. [Anthony Wallace/AFP]](/gc7/images/2025/12/25/53261-afp__20251107__83ca88b__v1__highres__skoreankoreaconflictweaponry-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Sinabi ng North Korea noong Disyembre 21 na ang mga ambisyong nuklear ng Japan ay “dapat pigilan sa anumang paraan,” matapos umanong magmungkahi ang isang opisyal ng Tokyo na dapat magkaroon ng sandatang atomiko ang bansa.
Naglabas ng reaksiyon ang Pyongyang matapos iulat ng Kyodo News noong Disyembre 18 ang pahayag ng isang hindi pinangalanang opisyal sa tanggapan ng prime minister na nagsabing, “Sa tingin ko, dapat tayong magkaroon ng sandatang nuklear.”
Iniulat na ang naturang opisyal ay kasama sa pagbuo ng polisiya sa seguridad ng Japan.
Ayon rin sa ulat ng Kyodo, sinabi ng source na, “Sa huli, maaari lang nating pagkatiwalaan ang ating sarili,” bilang paliwanag sa naturang pangangailangan.
Sinabi ng Pyongyang na ipinakikita ng mga pahayag na ito na “hayagang inilalantad ng Tokyo ang ambisyon nitong magkaroon ng sandatang nuklear, na lampas na sa pulang linya.”
Sinabi ng direktor ng Institute for Japan Studies sa ilalim ng foreign ministry ng North Korea sa isang pahayag na inilathala ng opisyal na Korean Central News Agency noong Disyembre 21 na, “Ang pagtatangkang magkaroon ng nuklear na sandata ang Japan ay dapat pigilin sa anumang paraan dahil magdudulot ito ng malaking kapahamakan sa sangkatauhan.”
Ayon sa hindi pinangalanang opisyal ng North Korea, “Hindi ito isang pagkakamali o padalus-dalos na pahayag, malinaw na ipinakikita nito ang matagal nang hangarin ng Japan na magkaroon ng mga sandatang nuklear.”
Dagdag pa ng opisyal na kung magkakaroon ang Japan ng mga sandatang nuklear, “magdurusa ang mga bansa sa Asya sa isang matinding nuklear na sakuna at haharap ang buong sangkatauhan sa malaking kapahamakan.”
Hindi binanggit sa pahayag ang sariling programang nuklear ng Pyongyang, na kabilang ang isang atomic test na isinagawa noong 2006 na labag sa mga resolusyon ng UN.
May sandatang nuklear
Pinaniniwalaang may dose-dosenang nuclear warhead ang North Korea at paulit-ulit nitong ipinahayag na pananatilihin ang mga ito sa kabila ng maraming internasyonal na sanction, dahil kailangan umano ang mga ito upang hadlangan ang inaakalang banta ng militar mula sa US at mga kaalyado nito.
Sa isang talumpati sa United Nations noong Setyembre, sinabi ni Kim Son Gyong, vice foreign minister ng Pyongyang, na hindi kailanman isusuko ng kanyang bansa ang mga sandatang nuklear.
“Hindi namin isusuko ang aming sandatang nuklear, na bahagi ng batas ng aming estado, pambansang polisiya, at kapangyarihang soberanya, pati na rin ang karapatang mabuhay. Hindi namin kailanman iiwan ang paninindigang ito, anuman ang mangyari," sabi niya.
Sinabi rin ng lider ng North Korea na si Kim Jong Un na bukas siya sa pakikipag-usap sa Washington, kung papayagan ang Pyongyang na panatilihin ang kanilang mga sandatang nuklear.
Samantala, kapansin-pansing dumalas ang mga missile test ng Pyongyang nitong mga nakaraang taon. Ayon sa mga analyst, layunin nito na pahusayin ang kakayahang tumama nang eksakto sa target, hamunin ang US at South Korea, at subukan ang mga sandata bago posibleng i-export sa Russia.
Noong Nobyembre, nagpakawala ang North Korea ng isang hindi natukoy na ballistic missile patungo sa East Sea, na kilala rin bilang Sea of Japan, ayon sa Joint Chiefs of Staff ng South Korea.
Ayon sa militar ng South Korea, pinakawalan ang missile mula sa isang lugar sa hilaga ng Pyongyang at lumipad ito ng humigit-kumulang 700 kilometro (435 milya).