Mga Istratehikong Usapin

Mga bansang nuklear, nag-uunahan sa lakas-diplomasya matapos magwakas ang kasunduan sa armas

Nagwakas noong Pebrero 5 ang kasunduang nuklear na New START.

Ang yunit ng mga nuklear na missile ay lumahok sa parada ng militar sa Beijing, kabisera ng Tsina, noong Setyembre 3, 2025.
Ang yunit ng mga nuklear na missile ay lumahok sa parada ng militar sa Beijing, kabisera ng Tsina, noong Setyembre 3, 2025.

Ayon sa AFP |

Mas tumindi ang palitan ng pagbabanta ng mga pangunahing bansang may mga sandatang nuklear matapos magwakas ngayong linggo ang New START, ang kasunduan ng US at Russia sa pagbabawas ng mga sandatang nuklear.

Gusto ng Washington na kasama ang Beijing sa susunod na kasunduan, habang iginigiit naman ng Moscow na dapat ding isama ang Paris at London.

Ngayong malaya na sa mga limitasyong itinakda ng kasunduang New START ang dalawang pangunahing bansang nuklear, may mga eksperto na nangangamba sa panibagong karera sa armas.

Layunin ng bawat partido na makakuha ng pakinabang mula sa kabilang panig nang hindi sila nagbibigay ng kapalit.

Narito ang tatlong paulit-ulit na tema sa usapan hanggang ngayon.

Itinatago ng Tsina ang kanilang kakayahan

Tinatanggihan ng Tsina ang paglahok sa usapan para sa bagong kasunduan sa paglilimita ng mga sandatang nuklear.

Ayon sa isang diplomat mula sa Kanluran, sinasadya ng Beijing na “maging malabo” sa lawak ng kanilang pagsisikap na makahabol sa dalawang pinakamakapangyarihang bansang may mga sandatang nuklear.

May humigit-kumulang 600 sandatang nuklear ang Tsina, mas mababa kaysa sa humigit-kumulang 1,700 na kasalukuyang nakadeploy ng US at Russia nang magkakasama -- at mas kaunti pa kaysa sa kabuuang bilang ng mga sandatang nuklear na nasa imbakan ng dalawang pinakamakapangyarihang bansang nuklear sa mundo.

Ngunit naniniwala ang karamihan sa mga nagmamasid na pinalakas ng Tsina ang produksyon ng mga sandatang nuklear nito. Ayon sa pagtataya ng US, maaaring umabot ito sa 1,000 pagsapit ng 2030 at posibleng 1,500 pagsapit ng 2035.

Noong Pebrero 3, sinabi ni Charles A. Richard, retiradong admiral at dating pinuno ng US Strategic Command (STRATCOM), sa Armed Services Committee ng US Senate na dapat pang itaas ang pagtataya sa kakayahan ng Tsina, higit kaysa sa ipinapahiwatig ng mga ulat-paniktik.

“Kung dodoblehin o titriplihin ninyo ang bilang, malamang mas malapit iyon sa totoong bilang,” sabi niya.

Ayon kay Ja Ian Chong, eksperto sa politika sa National University of Singapore, nagdudulot ng problema ang hindi malinaw na impormasyon mula sa Tsina.

“Kapag limitado ang ipinapakita at marami ang itinatago, mas mataas ang tsansa ng maling kalkulasyon,” sabi niya sa AFP.

“Naniniwala ang ilang nagmamasid na may pakinabang ang Beijing sa pagtatago ng tunay nitong kakayahan. Nakakatulong ito upang maprotektahan ang kanilang mga sandatang nuklear at makapagbigay ng bentahe sa pagpigil sa mga posibleng kalaban na makabuo ng mga panlaban o panlunas laban sa kanilang mga sandata,” dagdag niya.

Sinasabi ng Tsina na sapat lang ang kanilang mga sandatang nuklear para sa seguridad ng bansa, sabi ni Chong.

Ngunit dagdag niya: “Walang paraan para matiyak kung totoo ang sinasabi nila.”

Walang hotline ang Beijing

Isang taon matapos ang Cuban Missile Crisis noong 1962, na muntik magbunsod ng digmaan sa pagitan ng Russia at US, nagtatag ang dalawang bansa ng direktang linya (hotline) upang madaling makapag-usap ang kanilang mga lider sa oras ng emerhensiya.

Tsina hindi bahagi ng kasaysayang ito

Sabi ni Adm. Richard sa US Senate committee: “Ang natutunan ng Russia at US noong Cold War ay kung paano responsable at maingat na pangasiwaan ang mga sandatang may napakalaking pinsala.”

“Pero sa Tsina, hindi natin alam kung natutunan nila ang parehong leksiyon.”

Ayon kay Georgia Cole, mananaliksik sa think tank na Chatham House na nakabase sa London, isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ng Tsina na sumali sa pag-uusap tungkol sa paglilimita ng sandatang nuklear ay dahil malayo ito at nasa likod ng dalawang pangunahing bansa.

Maaaring gusto ni Trump na makasama ang Tsina sa negosasyon, sabi niya. “Pero hindi ito mangyayari ngayon dahil sinabi ng Tsina na hindi sila sasali sa pormal na usapan tungkol sa kontrol ng mga sandatang nuklear hangga’t hindi pa nila naaabot ang parehong lakas ng US at Russia.”

Taktika ng Russia

Bilang tugon ng Russia sa pagpupumilit ng US na isama ang Tsina, hiniling nila na isama rin sa usapan ang Britain at France, na parehong mga nuclear power ng Europa at miyembro ng UN Security Council.

Sinabi ni Gennady Gatilov, ambassador ng Moscow sa conference sa pagbawas ng sandatang nuklear sa Geneva, na nakadepende ang paglahok ng Russia sa paglahok ng UK at France, “na mga kaalyado sa militar ng US sa NATO.”

Ang dalawang bansa ay may kabuuang mas mababa sa 500 sandatang nuklear.

Ngunit gusto ng Russia na isama ang kanilang mga sandatang nuklear sa iisang “basket” o grupo ng mga sandata ng Kanluran, kasama ang arsenal ng US, para sa layunin ng negosasyon, sabi ni Heloise Fayet, eksperto sa seguridad sa French Institute of International Relations (IFRI).

Ayon sa kanya, magiging “pampalit na piraso” ang mga ito sa negosasyon para sa dalawang pinakamalakas na bansa.

"Tinatanggihan ng France ang ideyang ito.”

Pag-uusap tungkol sa mga panganib

Sa Washington, iginiit ni Rose Gottemoeller, dating US chief negotiator para sa New START treaty, sa harap ng US Senate committee na kailangang makilahok ang Beijing sa mga susunod na usapan tungkol sa nuklear.

Sabi niya, kamakailan ay napansin niya na “tila interesado silang maghanap ng paraan para simulan ang pag-uusap sa US tungkol sa mga panganib ng nuklear.”

Kaya kahit ayaw ng Beijing makilahok sa pag-uusap tungkol sa kontrol ng mga sandata, kailangan pa ring pag-usapan ang mga posibleng panganib na ito.

“Mas kaunti ang kanilang mga sandata kumpara sa amin,” pag-amin niya.

“Ngunit ang mga hakbang tulad ng abiso sa paglulunsad ng mga missile… pagkakaroon ng hotline… ay mahalaga upang simulan ang pag-uusap sa negosasyon tungkol sa pangangailangan ng kontrol sa mga sandatang nuklear, at upang mabawasan ang labis na pagtatago sa kanilang mga hakbang sa modernisasyon,” paliwanag niya.

“Iyan ang dapat maging una at pinakamahalagang layunin: kausapin sila tungkol sa kanilang mga intensyon.”

Gusto mo ba ang artikulong ito?