Pandaigdigang Isyu

'Tunay na digmaan' banta ni Kim ng N. Korea sa Kanluran

Ang mga pahayag ni Kim ay kasunod ng pagpapadala ng mga sundalo at sandata upang suportahan ang Russia sa higit tatlong taong opensiba nito sa Ukraine.

Dumalo si North Korean leader Kim Jong Un sa isang paligsahan ng pagpapaputok ng artilyeriya kasama ang mga opisyal-militar. Sa naturang paligsahan, iniulat na hinimok ni Kim ang kanyang hukbo na maging handa para sa isang 'tunay na digmaan' sa 'anumang oras' at magkaroon ng kakayahang 'talunin ang kaaway sa bawat labanan.' [KCNA/AFP]
Dumalo si North Korean leader Kim Jong Un sa isang paligsahan ng pagpapaputok ng artilyeriya kasama ang mga opisyal-militar. Sa naturang paligsahan, iniulat na hinimok ni Kim ang kanyang hukbo na maging handa para sa isang 'tunay na digmaan' sa 'anumang oras' at magkaroon ng kakayahang 'talunin ang kaaway sa bawat labanan.' [KCNA/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Muling nagpataas ng tensyon ang North Korea sa Korean Peninsula matapos pangunahan ni Kim Jong Un ang isang high-profile na drill ng artilyeriya at inatasan ang mga sundalo na maghanda "para sa tunay na digmaan” at durugin ang kaaway "sa bawat labanan."

Ang live-fire contest -- na ipinalabas noong Hulyo 24 ng Korean Central Television -- ay nagpapakita ng sunud-sunod na pagpapaputok ng mga armas papuntang dagat sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ni Kim. Ito ang pinakabagong kilos-militar ng Pyongyang sa gitna ng tumitinding pagkabahala kaugnay ng lumalalim nitong suporta sa digmaan ng Russia sa Ukraine at sa mga panibagong banta laban sa South.

Hinimok ni Kim ang kanyang militar na maging handa para sa “tunay na digmaan” habang inoobserbahan ang live firing, ayon sa Pyongyang state media.

Ang mga pahayag ni Kim ay kasunod ng pagpapadala ng mga sundalo at sandata upang suportahan ang Russia sa higit tatlong taong opensiba nito sa Ukraine.

Ipinakita sa video na ipinalabas ng Korean Central Television, na pinatatakbo ng pamahalaan, ang mga sundalo mula sa mga yunit ng artilyeriya na nagpapaputok ng mga armas papuntang dagat.

Nakikita si Kim na gumagamit ng binoculars sa isang observation post, kasama ang dalawang opisyal ng militar, ngunit hindi tinukoy ang lokasyon.

Hinimok niya ang mga sundalo na magkaroon ng kakayahang "talunin ang kaaway sa bawat labanan," ayon sa ulat ng Korean Central News Agency (KCNA) sa isang English dispatch.

Iniulat ng mga ahensiya ng intelihensiya ng South Korea at Kanluranin na nagpadala ang Pyongyang ng higit sa 10,000 sundalo sa Kursk province, Russia, noong nakaraang taon, kasama ang mga bala ng artilyeriya, missile, at mga long-range rocket system.

'Hindi maiiwasang' tunggalian

Humigit-kumulang 600 na sundalong North Korean ang nasawi habang libu-libo ang nasugatan sa pakikipaglaban para sa Russia laban sa mga sundalong Ukrainian na sumalakay sa Kursk province noong Agosto ng nakaraang taon, ayon sa ulat ng Seoul.

Kontrolado ng mga Ukrainian ang malaking bahagi ng Kursk province hanggang Marso at muling nakapasok noong Mayo.

Ipinahayag ni Kim ang kanyang buong suporta sa Moscow para sa digmaan nito sa Ukraine sa kamakailang pag-uusap nila ni Russian Foreign Minister Sergey Lavrov, ayon sa naunang ulat ng state media.

Ang dalawang bansang parehong pinatawan ng mahihigpit na parusa ay lumagda ng kasunduang militar noong nakaraang taon, na may kasamang mutual defense clause, sa isang bihirang pagbisita ni Russian President Vladimir Putin sa Pyongyang.

Ang pinakabagong probokasyon ay kasabay ng paninindigan ni Kim naipagpapatuloy ang programang nukleyar ng bansa sa paniniwalang “hindi maiiwasan” ang tunggalian sa mga kaaway.

Ang mga naturang pahayag ni Kim, na iniulat ng media na pinatatakbo ng pamahalaan noong Enero, ay ibinigay sa kanyang pagbisita sa isang pasilidad para sa produksyon ng nuclear material.

Ipinahayag ni Kim na ang 2025 ay magiging isang “kritikal na taon” para sa pagpapalakas ng puwersang nukleyar ng North Korea, ayon sa ulat ng KCNA.

"Ito ay aming matatag na paninindigang pampulitika at pangmilitar at isang di-mababagong marangal na gawain at tungkulin na ipagpatuloy ang pagpapaunlad ng nukleyar na depensa ng bansa," ani Kim, ayon sa KCNA.

Ang ulat, at ang pagbisita ni Kim sa pasilidad ng nukleyar, ay sinundan ng test firing ng Pyongyang noong Enero 25 ng mga sea-to-surface strategic guided cruise missile.

Noong nakaraang taon, sinubukan ng North Korea ang iba't ibang sistemang may kakayahang nukleyar, kabilang ang bagong solid-fuel intercontinental ballistic missile. Ang mga missile na ito ay 5,500 km ang pinakamababang naaabot at idinisenyo upang magdala ng mga nuclear warhead.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *