Pandaigdigang Isyu

Pagpapalakas ng militar ng Russia, ikinababahala ng bayan sa border ng FInland

Laganap ang haka-haka na posibleng naghahanda ang Russia para sa isang operasyong militar laban sa bansa kapag natapos na ang giyera nito sa Ukraine.

Ang deputy commander ng Kainuu border guard district, na si Lt. Col. Tomi Tirkkonen (kanan), at ang hepe ng border guard unit ng Kainuu district, na si Captain Jouko Kinnunen, ay naglalakad sa gilid ng bagong itinayong bakod sa border ng Russia sa Vartius border crossing noong Hunyo 24 sa Kuhmo, Finland. [Alessandro Rampazzo/AFP]
Ang deputy commander ng Kainuu border guard district, na si Lt. Col. Tomi Tirkkonen (kanan), at ang hepe ng border guard unit ng Kainuu district, na si Captain Jouko Kinnunen, ay naglalakad sa gilid ng bagong itinayong bakod sa border ng Russia sa Vartius border crossing noong Hunyo 24 sa Kuhmo, Finland. [Alessandro Rampazzo/AFP]

Ayon sa AFP |

Sa isang bayan sa Finland na halos katabi lang ng Russia, nagdudulot ng pangamba ang iniulat na pagpapalakas ng militar ng Moscow sa kanilang panig ng border, ayon sa mga lokal na nakausap ng AFP.

Ang Finland, na kumalas sa matagal nang polisiya ng hindi pakikialyado sa militar upang sumali sa NATO noong 2023, ay may 1,340-kilometrong border sa Russia.

Ipinakita ng mga bagong satellite image na nakuha ng mga media outlet gaya ng New York Times, Finnish public broadcaster Yle, at Swedish broadcaster SVT ang pagpapalawak ng imprastrukturang militar ng Russia sa iba’t ibang lugar malapit sa border ng Finland.

Laganap ang mga haka-haka na maaaring naghahanda ang Russia para sa isang operasyong militar laban sa Finland kapag natapos na ang giyera nito sa Ukraine.

Paulit-ulit na nagbigay ng babala ang Moscow sa Finland ng posibleng ganti mula nang sumali ito sa NATO matapos ang malawakang pananakop ng Russia sa Ukraine noong 2022.

“Napansin na namin ang ilang pagbabago sa organisasyon, gaya ng paglitaw ng mga bagong division malapit sa border ng Finland,” ayon kay Emil Kastehelmi, isang eksperto sa militar mula sa Black Bird Group na nakabase sa Finland, na sumusubaybay sa pananakop ng Russia sa Ukraine at sa presensya ng Russian forces sa eastern border ng NATO.

“Patuloy ang pagtatayo, paghahanda, at pagsasanay ng Russia sa paligid ng eastern border ng Finland at NATO,” dagdag niya.

Ayon kay Kastehelmi, reaksyon ito ng Russia sa pagsapi ng Finland sa NATO, kasama na rin ang pagtatangkang palakasin ang recruitment ng mga sundalo at ang muling pagtatatag ng Leningrad Military District malapit sa border noong nakaraang taon.

Noong Mayo, sinabi ng Finnish Defense Forces sa AFP na “nagtatayo ang Russia ng mas maraming imprastruktura upang makapagpadala ng mga karagdagang sundalo pagkatapos ng giyera (sa Ukraine).”

Ayon sa Defense Minister ng Finland na si Antti Hakkanen, mahigpit na minamatyagan at masusing sinusuri ng Helsinki, kasama ang mga kaalyado nito, ang mga kilos at layunin ng Russia.

Paghahanda sa iba’t ibang posibleng senaryo

Sa Kuhmo na isang bayang nasa border, mga 600 km north ng Helsinki, nagbebenta si Samuli Pulkkinen, 49-anyos, ng mga prutas at gulay sa labas ng isang grocery store.

Ayon sa kanya, dumarami ang mga residente na nangangamba sa isa na namang digmaan laban sa Russia -- na ang huli ay noong 1939–1940 kung saan isinuko ng Finland ang 11% ng teritoryo nito.

“Pagkatapos ng mahabang panahon ng kapayapaan, hindi kataka-takang ngayon ay napag-uusapan ang giyera at ang posibilidad ng isa pang digmaan," sinabi ni Pulkkinen sa AFP.

"Nakakalungkot na parang tapos na ang panahon ng kapayapaan, at laging may banta na may mangyayaring masama sa mga darating na taon.”

“Sa tingin ko, malamang ito,” dagdag pa niya na halatang may pangamba.

Ang Kuhmo, na may populasyon na wala pang 10,000, ay nasa layong 60 km mula sa saradong Vartius border crossing.

Ang pagiging malapit sa border ng Russia ay matagal nang nakakaimpluwensiya sa silangang bahagi ng Finland.

Maraming lokal ang may mga kamag-anak sa magkabilang panig ng border, at dati ay mahalagang pinagkukunan ng kita ang turismo at kalakalan bago ang taong 2022.

“Hindi ako gaanong nag-aalala dahil mahirap mabuhay sa takot araw-araw,” sabi ng isang 67-anyos na lalaki na humiling na huwag pangalanan.

“Pero kapag iniisip ko ang susunod na henerasyon, ang mga anak at apo ko, doon ako nababahala.”

Pagsasara ng border

Nagtatayo ang Finland ng 200-kilometrong bakod sa hangganan upang pigilan ang Russia sa “paggamit sa mga migrante” bilang kasangkapan sa pagpapagulo sa Finland.

Isinara ng Nordic country ang border nito sa Russia noong Disyembre 2023 hanggang sa abiso ng muling pagbubukas, matapos ang pagdating ng halos 1,000 migranteng walang mga visa. Ayon sa Helsinki, sinadya ito ng Russia -- na itinanggi naman ng Moscow.

Ayon kay Tomi Tirkkonen, deputy commander ng Kainuu border guard district na kinabibilangan ng Kuhmo, araw-araw nilang binabantayan ang aktibidad sa eastern border at “updated sila sa mga kasalukuyang sitwasyon sa panig ng Russia.”

“Walang dahilan para matakot, ganap na kontrolado ng Finnish border guard ang sitwasyon,” aniya sa isang pagbisita sa Vartius border crossing, na napapaligiran ng luntiang kagubatan.

“Handa kami sa iba’t ibang posibleng senaryo,” ayon kay Tirkkonen, ngunit tumangging ibunyag ang mga "operational at classified" na detalye.

Pinalakas ng Finland ang mga pamumuhunan at kahandaan sa militar mula nang sumali ito sa NATO, at hinihikayat ang mga mamamayan na palakasin din ang kanilang paghahanda bilang mga sibilyan.

‘Walang agarang banta’

Suportado ng Nordic country ang 5% spending target ng NATO at sinimulan na rin ang reporma sa puwersang depensa nito upang harapin ang banta sa seguridad.

Ayon kay Pirjo Rasinkangas, na bumisita sa mga kamag-anak sa Kuhmo, sinusuportahan niya ang desisyon ng Finland na isara ang border at magtayo ng bakod dahil nagbibigay ito sa kanya ng “pakiramdam ng seguridad.”

“Sinusubukan ko pa ring maging positibo at iniisip na sana hindi na ito lumala pa,” sabi niya.

“Siyempre, pinag-uusapan namin ng pamilya ko kung ano ang maaaring susunod na mangyari. Kasi pakiramdam ko, palaging may lumilitaw na nakakabahalang mga posibilidad,” dagdag ng 54-anyos.

Ayon kay analyst Kastehelmi, ang tumitinding aktibidad militar ng Russia ay hindi pa itinuturing na banta sa seguridad ng Finland at hindi rin palatandaan na naghahanda ito para sa isang atake.

Tiniyak ni Finnish President Alexander Stubb sa panayam ng CNN noong Mayo na hindi bago ang mga base-militar ng Russia sa border at “normal lang” ang ganitong pagdami ng mga sundalo.

“Ang pinakaimportanteng tanong ay kung ano ang mangyayari kapag natapos na ang giyera sa Ukraine,” sabi ni Kastehelmi.

“Magiging isang nakakapangambang senyales kung, halimbawa, hindi pauwiin o i-discharge ng Russia ang mga sundalo kapag natapos na ang aktibong operasyon sa Ukraine.”

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *