Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

Kababaihang Finnish naghahanda sa banta ng Russia at iba pang krisis

Patuloy na napupuno ang mga kursong pagsasanay para sa kababaihan sa bansa mula nang salakayin ng Moscow ang Ukraine.

Mga kababaihang Finnish na lumalahok sa isang kurso ng civil preparedness, kung saan tinuturuan silang kumilos sa oras ng kagipitang dulot ng pagkawala ng kuryente, kalamidad, mga cyberattack o labanan ng militar. Tumaas ang interes sa ganitong uri ng mga pagsasanay sa Finland, mula nang inilunsad ng karatig-bansang Russia ang malawakang pananakop nito sa Ukraine noong Pebrero 2022 at simula ng pandemya ng COVID-19, lalo na sa hanay ng mga kababaihan, sinabi ni Eija Eriksson, isang volunteer leader ng kurso tuwing weekend, sa panayam ng AFP. 'Mabilis na napupuno sa loob ng ilang minuto,' aniya. [Anna Korkman/AFP]

Ayon sa AFP |

UPINNIEMI, Finland -- Nakasuot ng pulang overall at makakapal na gomang bota, ang mga kababaihan sa isang kamakailang kurso ng civil preparedness sa Finland ay tumalon mula sa pantalan ng base ng hukbong-dagat at sumisid sa malamig na tubig ng Baltic Sea.

Ang 28 na kababaihan sa kursong "kaligtasan sa dagat" ay masayang nakasali sa isa sa mga sumisikat na kurso.

Ang mga pagsasanay ay inihahanda upang tulungan ang mga kababaihan na maging handa sa mga kagipitang dulot ng pagkawala ng kuryente, kalamidad, mga cyberattack o labanan ng militar.

"Tumaas ng husto ang interes sa mga kursong pangkahandaan sa mga nagdaang taon, lalo na sa mga kababaihan,” sinabi ni Eija Eriksson, isang volunteer leader ng kurso tuwing Sabado’t Linggo, sa panayam ng AFP.

Screenshot ng video ng AFP na nagpapakita ng mga kababaihang Finnish na lumalahok sa isang kurso ng civil preparedness, kung saan tinuturuan silang kumilos sa oras ng kagipitang dulot ng pagkawala ng kuryente, kalamidad, mga cyberattack o kaguluhang militar. Tumaas ang interes sa ganitong uri ng mga pagsasanay sa Finland mula nang inilunsad ng karatig-bansang Russia ang malawakang pananakop nito sa Ukraine noong Pebrero 2022. [Anna Korkmana/AFP]
Screenshot ng video ng AFP na nagpapakita ng mga kababaihang Finnish na lumalahok sa isang kurso ng civil preparedness, kung saan tinuturuan silang kumilos sa oras ng kagipitang dulot ng pagkawala ng kuryente, kalamidad, mga cyberattack o kaguluhang militar. Tumaas ang interes sa ganitong uri ng mga pagsasanay sa Finland mula nang inilunsad ng karatig-bansang Russia ang malawakang pananakop nito sa Ukraine noong Pebrero 2022. [Anna Korkmana/AFP]

Si Eriksson ay miyembro ng Women's National Emergency Preparedness Association, na nakipagtulungan sa National Defence Training Association of Finland (MPK) para isagawa ang kaganapan.

Ayon sa kanya, agad napupuno ang mga kursong ito “sa loob ng ilang minuto,” dahil sa epekto ng malawakang pananakop ng Russia sa Ukraine noong 2022 at ng pandemya ng COVID-19 dalawang taon bago nito.

Sa kanyang pagsasalita, sumasabay ang putukan sa base ng Finnish Coastal Brigade sa Upinniemi, Gulf of Finland, kung saan nagpapatuloy ang pagsasanay militar.

Ang Finland, na may 1,340 kilometrong border sa Russia, ay iniwan ang dekadang pagiging neutral sa usaping militar upang sumapi sa NATO noong 2023 bilang tugon sa pananakop ng Russia sa Ukraine.

Pagharap sa banta ng Russia

Ang Helsinki ay sumusuporta sa target ng NATO na maglaan ng 5% ng GDP sa depensa, bilang tugon sa posibleng banta sa seguridad mula sa Russia.

Isang grand duchy mula pa noong 1809, idineklara ng Finland ang kalayaan mula sa Russia noong 1917 -- ngunit hindi naglaon ay hinarap nito ang pananakop ng Soviet Union noong 1939.

Matapang na lumaban ang Helsinki ngunit napilitang isuko ang malaking bahagi ng silangang Karelia sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan sa Moscow.

Ang bansang may populasyon na 5.6 milyon ay nananatiling may malakas na puwersang militar, na binubuo ng 280,000 sundalo at 870,000 reservist na handang tumugon sa panahon ng digmaan.

Sa ilalim ng estratehiyang “total defense,” itinuturing ng Finland ang kahandaan bilang mahalagang kasanayan ng bawat mamamayan.

Ang mga boluntaryong pagsasanay para sa pambansang depensa, kabilang ang militar at sibilyang kahandaan, ay umabot na sa pinakamataas na bilang na naitala.

Mahigit 140,000 na araw ng pagsasanay at kabuuang 3,272 na kurso ang naisagawa noong 2024, ayon sa MPK.

Tinatayang 20% ng mga lumahok noong 2024 ay kababaihan, ayon sa Women's National Emergency Preparedness Association.

"Para sa akin, mas mahalagang maging handa kaysa matakot,” ani Susanna Makela, 46 anyos, isang human resources specialist, sa AFP matapos matutunan ang pag-navigate ng bangka gamit ang mapa at radar.

"Masaya naman at kapaki-pakinabang din."

'Gusto naming maging handa'

Marami sa mga kababaihang kalahok ang hindi pa nagkaroon ng pagkakataon sa pagsasanay militar at ngayon ay gusto nilang matutunan ang kahandaan at depensa, paliwanag ni Eriksson.

Sa Finland, kailangang magsagawa ng serbisyo militar ang mga lalaki pagdating nila ng edad 18, samantalang boluntaryo ito para sa kababaihan mula pa noong 1995.

Ngayong taon, umabot sa 1,448 kababaihan ang nag-apply.

Humigit-kumulang 70% ng mga kababaihang Finnish ang handang ipagtanggol ang kanilang bansa, lalo na ang mga nasa edad 50 pataas, ayon sa bagong survey ng Women's National Emergency Preparedness Association.

"Gusto naming maging handa kung sakaling saktan kami ng Russia -- maaaring hindi sa pamamagitan ng digmaan, pero sa ibang paraan ng pananakit,” ani Johanna Piispa, 48 anyos, isang project manager at system engineer.

Kabilang siya sa isa pang kursong nagtuturo kung ano ang gagawin sa panahon ng pagkawala ng kuryente, na isasagawa rin sa base militar ngayong weeekend.

Pinangkat sa maliliit na grupo sa isang malawak na lugar sa loob ng garnison, sinanay ang mga kababaihan sa paggamit ng mga generator na may iba't ibang laki at boltahe, at tinalakay ang kahandaan sa bahay sakaling matagal ang pagkawala ng kuryente.

Bagamat ang karamihan sa mga kursong ito ay bukas para sa lahat, ang mga kursong para lamang sa kababaihan ay nagbibigay ng ligtas na lugar para sa mga babae na matuto ng mga kasanayang karaniwang para sa mga lalaki lamang, ayon kay Piispa.

"Gusto kong malaman kung paano gumagana ang mga makinang ito at at matutong gumamit nang mag-isa dahil kadalasan ay mga lalaki ang humahawak ng mga ganito... Gusto kong maprotektahan ang sarili ko, ang pamilya ko, at pati na rin ang iba," aniya.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *