Mga Umuusbong na Krisis
Sistemang pang-aabala ng Russia sa GPS, lumalaking banta
Ang pang-aabala ng Russia sa GPS, na itinuturing ng mga analyst bilang bahagi ng hybrid warfare, ay lalong ikinababahala sa Helsinki pati na rin sa mga kasapi ng NATO.
![Ipinapakita ng isang drone ang maburak na kapaligiran tuwing autumn sa hangganan ng Finland at Russia. [Michael Adam/Biosphoto/AFP]](/gc7/images/2025/05/05/50257-finland_1-370_237.webp)
Ayon kay Olha Chepil |
KYIV -- Kapag ang mga eroplano ay nalilihis ng kanilang ruta at ang mga barko ay nawawalan ng tamang direksyon, maaaring hindi sira sa makina ang sanhi. Kadalasan, resulta ito ng pananabotahe ng kalaban.
Sa Finland, ang mga Russian Global Positioning System (GPS)- sistemang pang-abalaay naging lumalalang banta, na nag-uudyok sa bansa na muling pag-isipan kung paano nito dapat pamahalaan ang isang mundo kung saan ang mga signal ay maaaring gawing sandata. Upang maprotektahan ang sarili, minamadali ngayon ng Finland ang modernisasyon ng mga sistema ng nabigasyon nito at ang pagtatayo ng mga panibagong panangga laban sa mahirap hulaan o pagkatiwalaang kapitnahay.
Isang elemento ng hybrid warfare
Simula noong unang bahagi ng 2022, nang ilunsad ng Russia ang pagsalakay nito sa Ukraine, ang mga problema sa satellite navigation ay lumala sa Finland, lalo na sa mga lugar na malapit sa silangang hangganan at himpapawid nito. Ayon sa mga awtoridad, ang pagkaantala sa signal ay nagmumula sa Russia at itinuturing na isang seryosong banta sa seguridad ng Finland.
Ang ganitong uri ng pang-aabala sa GPS ay nangangailangan hindi lang basta kagamitan kundi napakalakas na kagamitan, at tanging isang bansa -- ang Russia -- ang may kakayahang magsagawa nito,” ayon kay Galina Sergeyeva, isang mamamahayag ng Finnish state broadcaster na Yle.
![Mga border guards ng Finland na sina Loujas at Piitulainen kasama ang asong si Nita na nagpapatrolya sa Joensuu sa hangganan ng Russia noong Hunyo 5. [Jarno Artika/AFP]](/gc7/images/2025/05/05/50258-finland_2-370_237.webp)
"Malinaw sa amin na ang Russia ang nasa likod nito."
Ang pang-aabala sa GPS na ginagawa ng Russia at itinuturing ng mga analyst bilang isang elemento ng hybrid warfare, ay nagpapalalim ng pangamba hindi lamang sa Helsinki kundi pati na rin sa mga kaalyado ng NATO.
"Ang pang-aabala ng Russia sa GPS ay malamang na bahagi ng isang kampanyang hybrid na pinangungunahan ng Russia na patuloy na lumalala at direktang nakatutok sa mga bansang kasapi ng NATO, at malamang na layuning pahinain ang suporta para sa Ukraine at ang pagkakaisa ng NATO." sabi ni Sergei Bratchuk, isang tagapag-ulat sa larangan ng militar at pulitika at kinatawan ng Ukrainian Volunteer Army, sa Kontur.
Mula sa paglipad hanggang sa paglalayag
Ang mga watchers sa Finland ay madalas maka-detect ng pagkawala ng GPS signal sa himpapawid ng kanilang bansa, lalo na sa hilagang bahagi malapit sa hangganan ng Russia.
Ang ahensya ng kaligtasan sa transportasyon ng Finland, Transport and Communications Agency (Traficom), ay nakatanggap ng maraming reklamo mula sa mga piloto ng komersyal at pribadong eroplano tungkol sa pagkawala ng GPS signal habang nasa kalagitnaan ng paglipad.
Ayon sa mga analyst, labis na umaasa ang modernong aviation sa GPS, lalo na sa paglapag ng eroplano sa matinding lagay ng panahon.
"Para sa civil aviation, isa ang GPS sa mga pangunahing teknolohiya para sa operasyon at mga ruta. Nakaprograma ang eroplano sa pamamagitan ng autopilot na siyang nagpapanatili ng direksyon, tinakdang altitude, air corridor, at bilis. Lahat ng ito ay ginagamitan ng GPS," ani Ihor Chalenko, isang political scientist ng Ukraine, director ng Center for Analysis and Strategies at kawaning National League of Centrists.
Naitala ng Traficom ang mga ulat ng pagkaantala ng GPS sa ere na umabot sa humigit-kumulang 2,100 noong 2024, kumpara sa mahigit 200 lamang noong nakaraang taon.
Ayon kay Sergeyeva, bawat taon ay lumalaki ang banta sa seguridad at lumalayo mula sa hangganan ng Russia, na nagpapatunay na patuloy na lumalawak ang problema.
"Noong Marso 2022, isang eroplanong lumilipad mula Estonia patungong Savonlinna, lungsod ng Finland, ang hindi nakalapag. Hindi ito nakalapag kahit nasa 60 km na lamang ang layo at kinailangan pa nitong bumalik sa Tallinn dahil nawalan ito ng signal. Karaniwang nangyayari ang mga ganitong insidente malapit sa hangganan ng Russia. Ngunit kamakailan, palayo na ito nang palayo," ani Sergeyeva.
Naitala ng mga analyst ang pinakamaraming pagkaantala ng signal sa paligid ng Black Sea, Kaliningrad, at Gulf ng Finland.
“May mga estratehikong pasilidad ang mga Russian malapit sa Finland, gaya ng Plesetsk Cosmodrome at Olenya Air Base, kung saan lumilipad ang kanilang mga strategic bomber. At habang patuloy na umuunlad ang electronic warfare ng Russia, mas dumarami rin ang mga balakid na kanilang nililikha ngayon,” ayon kay Chalenko sa panayam ng Kontur.
Mula noong Abril 2024, naitala ng Finland ang maraming insidente ng pagkaantala ng signal sa satellite navigation sa Baltic Sea. Napansin ng Finnish border guard ang sistematikong pagkaantala sa GPS at mga automatic identification systems ng mga barko.
"Ang pagkakaabalang ito ay isa lamang sa uri ng hybrid na impluwensya na kasalukuyang ginagawa ng Russia, partikular na sa Finland, at pati na rin sa buong Europe," ani Sergeyeva.
Ang Russia ay nang-aabala ng mga signal upang protektahan ang mga daungan ng langis nito sa silangang Gulf ng Finland mula sa posibleng pag-atake ng Ukraine sa pamamagitan ng mgadrone strike, ayon sa Finnish coast guard.
"Laganap ang pagkakaantala sa GPS ... lalo na sa North Karelia [sa silangang bahagi ng Finland]," ani Bratchuk.
Ngunit itinatanggi ng Russia ang anumang pagkakasangkot sa mga insidenteng ito.
"Ang problema ay naging sistematiko na sa maraming taon. Ngunit sa bahagi ng Russia, hindi nila kinukumpirma na sila ang nagpapadala ng mga signal na nakakaabala. Dahil dito, [ang Finland ay nagsusumikap ngayon] na gumawa ng mga bagong teknolohikal na solusyon," sabi ni Chalenko.
Kagamitang Pangontra
Bilang tugon sa mga banta, pinalalakas ng Finland ang proteksiyon laban sa pang-aabala ng GPS.
Noong Oktubre, inaprubahan ni Finnish Defense Minister Antti Häkkänen ang awtorisasyon para sa militar ng kanyang bansa na pumirma ng isang kasunduan tungkol sa pagbili ng mga GPS-independent na kagamitan sa navigation, ayon sa ulat ng Yle noong mga oras na iyon.
Ang mga mananaliksik ng Finland ay bumubuo ng kagamitang pangontra sa pang-aabala ng mga satellite positioning system tulad ng GPS.
"Bubuo kami ng mga algorithmic na solusyon na angkop sa aming mga kondisyon na makapagtutukoy ng pang-aabala at magbibigay ng babala sa end user na may bagay na hindi naaayon," sabi ni Mika Saajasto, isang senior researcher sa Finnish national land survey authority, noong Abril, ayon sa AFP.
Ang proyektong pinondohan ng European Union (EU) ay ipatutupad sa loob ng dalawang taon sa North Karelia, na madalas nakararanas ng pagkaantala sa satellite positioning data.
Ang epektibong paglaban sa mga banta ay mangangailangan ng pagtutulungan ng lahat ng bansa sa rehiyon at higit pa rito, ang karagdagang internasyonal na kooperasyon, ayon sa mga analyst.
"Dapat magpataw ng mga parusa ang EU sa Russia dahil sa mga masamang gawain nito sa kalawakan, kabilang na ang panggugulo sa GPS navigation," ani Bratchuk.
Bilang karagdagan, tatlong paliparan sa silangang Finland -- ang Joensuu, Savonlinna, at Lappeenranta -- ay muling ipinakilala ang mga sistema ng radio navigation, tulad ng Distance Measuring Equipment, na nagbibigay ng alternatibo sa GPS at tinitiyak ang ligtas na paglapag kapag may pagkakaantala sa GPS.
"May mga alternatibong sistema ng nabigasyon ang mga paliparan. At hindi ito partikular na GPS kundi isang katulad nito, upang maiwasan ang pagkakabuhul-buhol at mapanatiling ligtas ang mga eroplano. Isang sistema ito na nakabatay sa radar at isang network ng mga ground station na tumutukoy sa lokasyon ng isang eroplano," sabi ni Sergeyeva.
Ayon sa mga analyst, hindi lamang ang mga hakbang sa loob ng bansa ang ipinatutupad ng Finland. Aktibo itong nakikipagtulungan sa mga kalapit-bansa tulad ng Estonia at Norway upang magpalitan ng mga impormasyon at mag-coordinate ng mga hakbang laban sa pang-aabala sa GPS. Mas pinalalakas nito ang pagsubaybay sa mga frequency ng radyo at nakikipagtulungan sa mga kasapi sa NATO upang labanan ang mga banta.