Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
Finland balak kumalas sa antimine treaty dahil sa banta ng Russia
Ang hakbang ay kasabay ng tahimik na pagbabalik ng presensyang militar ng Moscow sa border ng Finland.
![Dumalo sina Finnish President Alexander Stubb (kaliwa), French President Emmanuel Macron (ikalawa mula sa kaliwa) at German Chancellor Friedrich Merz (kanan) sa plenaryong pagpupulong ng North Atlantic Council sa NATO summit na ginanap sa The Hague noong Hunyo 25. [Ludovic Marin/AFP]](/gc7/images/2025/07/28/51302-fin-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Inaprubahan ni Finnish President Alexander Stubb ang pagkalas ng bansa sa kasunduang nagbabawal sa mga antipersonnel mine, dulot ng isang "lumalalang kalagayang pangseguridad" at pangmatagalang banta mula sa Russia.
Bumoto ang mga mambabatas ng Finland pabor sa pagkalas sa Ottawa Convention na nagbabawal sa mga landmine noong Hunyo, ngunit kinakailangan ang pirma ni Pangulong Stubb upang ito ay maisakatuparan.
"Bagamat walang agarang bantang militar sa Finland, kailangan nating patatagin ang ating depensa dahil sa mga pagbabagong nagaganap sa ating kapaligirang pangseguridad,” ani Stubb sa isang pahayag noong Hulyo 4.
"Mahaba ang aming border sa Russia, na hindi bahagi ng kasunduang Ottawa. Nakita din natin kung paano nakikipagdigma ang Russia sa kasalukuyan."
Ang pagkalas ng Finland ay magiging epektibo anim na buwan matapos na pormal na ipaalam ito sa United Nations (UN).
Ang bansang Nordic ay may border na 1,340 kilometro katabi ng Russia.
Ang mga kasapi ng Ottawa Convention ay hindi pinapayagang gumamit, mag-imbak, gumawa, o maglipat ng mga antipersonnel mine, at kinakailangang sirain ang mga natitirang imbentaryo.
Ibinabaon o itinatago sa lupa, ang mga mina ay nagdudulot ng matinding kapansanan sa mga biktimang hindi agad namamatay, at kinokondena ng mga aid group ang pangmatagalang epekto nito sa mga sibilyan.
Ilan pang balak kumalas
Ayon kay Stubb, batid niya na may mga huhusga sa pagkalas, at idinagdag na ang Finland ay “nananatiling responsable sa paggamit ng mga antipersonnel mine" at hindi gagamitin ang mga ito sa panahon ng kapayapaan.
Nakatakda ring kumalas sa kasunduan ang Estonia, Lithuania, Latvia, at Poland.
Nanawagan si UN Secretary-General António Guterres noong Hunyo sa mga bansa na "agad itigil ang kanilang mga pag-withdraw."
Inilahad niya ang plano ng isang pandaigdigang kampanya "upang panatilihin ang mga pamantayan ng disarmamento sa karapatang pantao, pabilisin ang mga aksyon laban sa mga mina bilang paraan upang isulong ang karapatang pantao at sustenableng kaunlaran, at isulong ang pangarap ng isang mundong walang mina."
Lumalakas na presensyang Russian sa Finnish border
Ang pagkalas sa kasunduan ay kasabay ng tahimik na pagbabalik ng presensyang militar ng Moscow sa border ng Finland -- isang estratehikong pagbabago na nagpapahiwatig na maaaring naghahanda ang Moscow for para sa posibleng hidwaan sa NATO.
Batay sa pagsusuri ng intelligence firm na Black Bird Group, lumitaw sa satellite images ang mga bagong kampo at paglawak ng mga base militar malapit sa border ng Finland.
Ang mga hakbang ay kabaligtaran ng ginawa ng Russia nang binawasan nito ang puwersa sa hilagang border upang tutukan ang pagsalakay sa Ukraine noong 2022.
Bagamat maaaring abutin ng ilang taon bago makapaghanda ang Russia ng sapat na puwersa para sa isang opensiba laban sa Finland, malinaw na nagsimula na ang paghahanda, ayon sa mga analyst.
"Nang pinapalakas ng mga Russian ang kanilang puwersa sa Ukraine o sa border ng Ukraine bilang paghahanda sa kanilang pananakop, napansin ng mga taga-Finland na inalis ng Russia ang mga sundalo mula sa border nila. Ikinabahala ng mga taga-Finland ang maaaring mangyari, lalo na kung ibabalik muli ang mga sundalo, na nasasaksihan natin ngayon,” ayon kay Fiona Hill, isang senior fellow sa Brookings Institution, sa isang panayam sa National Public Radio noong Mayo 20.