Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

Tatlong dagok kay Russia: Digmaan, kamatayan, at pagguho ng kapangyarihan

Ang malaking bilang ng mga nasawing sundalo, tinatayang nasa mahigit sampung libo, ay labis na nakaapekto sa mga kabataang nasa edad ng pagtatrabaho — ang haligi ng ekonomiya ng Russia.

Ang mga sundalong honor guard ng Leningrad Military District Headquarters ng Russia ay lumahok sa seremonya ng pagpapalit ng bantay sa Naryshkin Bastion ng Peter and Paul Fortress sa Saint Petersburg noong Oktubre 18, 2025. [Olga Maltseva/AFP]
Ang mga sundalong honor guard ng Leningrad Military District Headquarters ng Russia ay lumahok sa seremonya ng pagpapalit ng bantay sa Naryshkin Bastion ng Peter and Paul Fortress sa Saint Petersburg noong Oktubre 18, 2025. [Olga Maltseva/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Sa loob ng mga dekada, kinakaharap ng Russia ang krisis sa demograpiya. Mula nang bumagsak ang Soviet Union, ang bansa ay nakararanas ng patuloy na mababang antas ng fertility at nakababahalang mataas na antas ng kamatayan, lalo na sa mga kalalakihan. Ang matinding problemang ito ay matagal nang nagpapahina sa katatagan ng ekonomiya at lipunan ng Russia.

Gayunpaman, ang digmaan sa Ukraine ay labis na nagpalala sa pagbagsak na ito dahil nauubos ang pinakamahalagang bahagi ng populasyon — ang mga kabataang lalaking may maaayos na kalusugan — at iniwan ang bansa sa limitadong kakayahang pang-ekonomiya at lalo pang umasa sa mga banyagang kapangyarihan.

Habang isinusulong ng Kremlin ang mga ambisyong heopolitikal nito, ang demograpikong pinsalang dulot ng digmaan ay nagbabantang pahinain ang pangmatagalang kapangyarihan ng Russia, at itulak ito tungo sa pagiging isang rehiyonal na kapangyarihang may limitadong impluwensya sa daigdig.

Ang digmaan sa Ukraine ay lumikha ng matinding kakulangan sa sundalo at manggagawa sa Russia. Ang mataas na bilang ng nasawing sundalo, tinatayang nasa mahigit sampung libo, ay labis na nakaapekto sa mga kabataang lalaki na nasa edad ng pagtatrabaho -- ang haligi ng ekonomiya.

Digmaan at pagkaubos ng sundalo't manggagawa

Lalong pinalala ng malawakang paglipat sa ibang bansa ng mga edukadong propesyonal ang krisis; marami sa kanila ang tumakas upang umiwas sa sapilitang pagpapasundalo o sa kaguluhang pang-ekonomiya at pampulitika na dulot ng digmaan. Ang “brain drain” na ito ay nagdulot ng matinding kakulangan sa mga pangunahing sektor tulad ng teknolohiya, kalusugan, at inhinyeriya.

Ang pagkaubos ng human capital ay nagpapahina na sa ekonomiya ng Russia. Bumagal ang productivity at inobasyon habang patuloy na lumiliit ang bilang ng sundalo at manggagawa, at inililipat ng pamahalaan ang mga pondo sa industriyang militar upang mapanatili ang kanilang pagsuporta sa digmaan. Dahil dito, napagkaitan ng pondo ang mga sibilyang sektor, kabilang ang kalusugan at edukasyon, na nagdudulot ng pangmatagalang pagbagal ng ekonomiya at pagtaas ng inflation.

Bago pa man ang digmaan, nahaharap na ang Russia sa malaking agwat sa mortality dahil sa mataas na bilang ng pagkamatay ng mga kalalakihan dulot ng labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, at mga sakit na maiiwasan. Ang mga casualty sa digmaan ay lalong nagpalala sa hindi balanseng kasarian at edad na istraktura ng populasyon. Ang resulta: isang krisis sa demograpiya na maaaring abutin ng ilang henerasyon bago tuluyang makabawi — kung makabawi pa nga.

Binabago rin ng pagbagsak ng demograpiya ng Russia ang estratehiya nito sa militar at heopolitika. Dahil sa patuloy na pagkawala ng mga kabataang lalaki, lalong nagiging mahirap para sa Russia na mapanatili ang isang malaki at pandaigdigang puwersang militar. Bagaman umaasa ang Kremlin sa sapilitang serbisyo militar at mga pribadong kontratista upang mapunan ang hanay, pansamantalang solusyon lamang ang mga ito at hindi nito malulutas ang pangmatagalang kakulangan sa tauhan.

Habang humihina ang tradisyonal nitong lakas-militar, mas umaasa ngayon ang Russia sa kanilang arsenal ng mga sandatang nuklear bilang pinakahuling garantiya ng seguridad at pandaigdigang katayuan. Ang labis na pagdepende sa estratehikong pananakot na ito ay nagpapataas ng panganib sa bawat labanan, habang unti-unting nababawasan ang kakayahan ng Moscow na magpakita ng lakas sa karaniwang paraan.

Sa aspeto ng ekonomiya, ang mga kahinaan ng Russia sa demograpiya at heopolitika ng bansa ay nagtutulak dito sa pagiging mas nakabababang katuwang ng China. Dahil sa pangangailangan ng Kremlin sa dayuhang pamumuhunan at katatagang pang-ekonomiya, lalo itong umaasa sa Beijing -- isinusuko ang pangmatagalang estratehikong kalayaan kapalit ng panandaliang ginhawang pang-ekonomiya.

Isang bansang papalubog

Kasabay nito, nahaharap ang Russia sa isang panloob na suliranin: upang matugunan ang mga kakulangan sa manggagawa, umasa ito sa malakihang imigrasyon mula sa Central Asia. Bagaman nakatutulong ito upang mapunan ang puwang sa hanay ng manggagawa, nagdudulot din ito ng mga tensiyong panlipunan at pampolitika sa isang bansang matagal nang nakikipagbuno sa nasyonalismo at xenophobia.

Ang krisis sa demograpiya ng Russia ay, sa maraming paraan, isang sugat na likha nito mismo. Ang desisyon ng Kremlin na ituloy ang magastos at matagalang digmaan sa Ukraine ay lalo pang nagpasidhi sa isang sitwasyong dati nang walang malinaw na pag-asa. Bagaman nananatiling makapangyarihang bantang militar ang Russia dahil sa arsenal nuklear at impluwensya nito sa enerhiya, unti-unti nang humihina ang kakayahan nitong magtaglay at magpanatili ng impluwensya sa pandaigdigang larangan.

Sa pangmatagalan, ang mga kahinaan ng Russia sa demograpiya at ekonomiya ay magpapatatag sa katayuan nito bilang isang rehiyonal na kapangyarihan — may kakayahang impluwensyahan ang mga karatig-bansa ngunit lalong umaasa sa mga panlabas na katuwang tulad ng China upang manatiling may saysay at impluwensya sa pandaigdigang usapin.

Maaaring ang digmaan sa Ukraine ay nilayon upang patatagin ang posisyon ng Russia bilang isang dakilang kapangyarihan, ngunit sa halip, ito ang lalong nagpadali sa pagbagsak nito.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *