Mga Istratehikong Usapin
Krisis sa demograpiko ng China: Banta sa kanilang pandaigdigang ambisyon
Sa unang pagkakataon matapos ang ilang dekada, bumababa ang populasyon ng China, at ang pagtanda ng mamamayan nito ay kabilang sa pinakamabilis sa kasaysayan.
![Mga senior citizen, nagpapahinga sa isang parke sa Lindai Road, Lungsod ng Fuyang, East China, noong Enero 16, 2025. [Costfoto/NurPhoto via AFP]](/gc7/images/2025/10/07/52321-rlf-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang China, na matagal nang itinuturing na rising superpower na maaaring hamunin ang pandaigdigang dominasyon ng US, ay nahaharap ngayon sa isang krisis sa demograpiko na maaaring humadlang sa mga ambisyon nito.
Sa unang pagkakataon matapos ang ilang dekada, bumababa ang populasyon ng China, at ang pagtanda ng mamamayan nito ay kabilang sa pinakamabilis sa kasaysayan. Ayon sa Beijing National Bureau of Statistics (NBS), nangyayari ito nang mas maaga kaysa sa inaasahan, na nagpapahiwatig ng wakas ng isang panahon ng tuluyang paglago.
Ang pagbabago sa demograpiko ay itinuturing na pinakamalaking pangmatagalang banta sa pagiging lehitimo ng Chinese Communist Party (CCP) at sa layunin nitong higitan ang United States bilang pangunahing superpower. Habang lumiliit ang populasyon ng workforce at patuloy na dumarami ang matatanda, nahaharap ang bansa sa isang “panahon ng kahinaan” -- isang pinaikling panahon upang maabot ang mga estratehikong layunin bago tuluyang pahinain ng pagbagsak ng populasyon ang kapangyarihan nito sa ekonomiya at heopolitika.
Sa mga nakaraang dekada, ang malawak at murang labor cost ng China ang nagtulak sa pag-usbong nito bilang “pabrika ng mundo.” Ngunit ngayon, humihina na ang paglagong ito. Ayon sa ulat ng NBS, ang populasyon ng workforce, na umabot sa pinakamataas noong 2014, ay mabilis nang bumababa. Nagdudulot ito ng pagtaas sa labor costs at nagpapahina sa kakayahan ng bansa sa pagmamanupaktura. Ang ganitong demograpikong hamon ay nagpapabagal sa paglago ng GDP, na bumagsak sa pinakamababang antas nito sa mga nakaraang taon, ayon sa NBS.
Hindi rito nagtatapos ang mga hamong pang-ekonomiya. Ayon sa ulat ng World Population Prospects ng UN, inaasahang magkakaroon ng biglaang pagtaas ang Old-Age Dependency Ratio ng China -- ang bilang ng mga retirado sa bawat taong nasa working age -- pagsapit ng 2050. Magdudulot ito ng matinding pasanin sa papaliit na workforce at sa pensiyong pinopondohan ng estado, na banta sa katatagan ng social contract sa pagitan ng CCP at ng mga mamamayan.
Mga hamon ng PLA
Kasabay nito, maaaring mahirapan ang isang lipunang tumatanda na mapanatili ang mataas na antas ng inobasyon na kinakailangan upang lumipat mula sa ekonomiyang nakabatay sa pagmamanupaktura patungo sa isang high-tech at service-oriented na ekonomiya. Ayaw nang sumuong sa panganib ng mga matatanda, na posibleng pumigil sa sigasig sa entrepreneurship at sa mga teknolohikal na pagbabago na kailangan ng China upang mapanatili ang takbo ng ekonomiya nito.
Ang pagbagsak ng populasyon ng China ay may malalim ding epekto sa estratehiyang heopolitikal at pambansang seguridad nito. Isa sa mga pinakanakababahalang teorya ay ang tinatawag na “panahon ng kahinaan.” Habang humihina ang kapangyarihan nito sa ekonomiya at demograpiko ng China pagsapit ng 2030, maaaring maramdaman ng CCP ang agarang pangangailangan na maipagpatupad ang matagal nang layunin nitong “reunification” sa Taiwan habang may kapasidadpa ito. Maaari nitong dagdagan ang posibilidad ng isang pagsalakay sa malapit-lapit na panahon, na makaaapekto sa buong mundo.
Nahaharap din ang People’s Liberation Army (PLA) sa mga pangmatagalang hamon. Ang paliit na bilang ng kabataang may kakayahang maglingkod ay magpapahirap sa pagpapanatili ng laki at kalidad ng pwersang militar nito. Bagamat malaki ang pamumuhunan ng China sa mga makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence at drone upang mapunan ang kakulangan sa manpower, magastos ang mga sistemang ito at maaaring hindi ganap na makapantay sa kakulangan sa demograpiko.
Karagdagang hamon ang hindi balanseng proporsyon ng kasarian na dulot ng “one-child policy.” Dahil sa mga dekadang selective abortion na pabor sa mga batang lalaki, nagkaroon ang China ng milyun-milyong kalalakihan na higit sa kababaihan, na nagbunga ng isang henerasyon ng tinaguriang “leftover” bachelors, ayon sa datos ng NBS census. Ang hindi balanseng proporsyon na ito ay maaaring magdulot ng panlipunang tensyon, lalo na sa mga kabataang lalaki na nakakaramdam ng pagkakait sa tradisyonal na istruktura ng pamilya.
Sa kabila ng mga pagsusumikap ng CCP na baligtarin ang takbo ng pangyayari -- tulad ng pagpapaluwag ng one-child policy at pagpapakilala ng mga pro-natalist na insentibo -- karamihan sa mga hakbang na ito ay nabigo. Patuloy na nakakaapekto ang mga pasanin sa ekonomiya, kabilang ang mataas na gastusin sa pamumuhay at mga pangangailangan sa trabaho, sa kagustuhan ng mga kabataang mag-asawa na magkaanak. Ayon sa NBS, nananatiling mababa ang fertility rate kumpara sa replacement level, na nagpapahiwatig na malamang ay hindi na malulutas ang pagbagsak ng populasyon.
Nahaharap ngayon ang China sa isang matinding pagpipilian: tanggapin ang pangmatagalang paghina habang tumatanda at lumiliit ang populasyon, o harapin ang panandaliang panganib upang tiyakin ang kapangyarihan bago tuluyang hindi na malampasan ang krisis sa demograpiya.
Ang mga desisyong gagawin sa mga susunod na taon ay hindi lamang huhubog sa kinabukasan ng China, kundi magkakaroon din ng malaking epekto sa pandaigdigang kaayusan.