Mga Istratehikong Usapin

Sa loob ng sariling panlilinlang ng Russia

Ipinapakita ng isang kamakailang ulat ng intelihensiya kung paano inilalayo ng Kremlin si Pangulong Vladimir Putin sa katotohanan tungkol sa digmaan sa Ukraine, na maaaring magbaluktot sa pangmatagalang estratehikong pagpapasya.

Planta ng Volgograd oil refinery sa Russia noong 2024. [Dinamik/Wikimedia Commons/CC BY-SA 4.0]
Planta ng Volgograd oil refinery sa Russia noong 2024. [Dinamik/Wikimedia Commons/CC BY-SA 4.0]

Ayon sa Global Watch |

Ilang taon nang pinapanindigan ng Kremlin ang imahe ng katatagan ng ekonomiya.

Paulit-ulit na iginigiit ng mga opisyal ng Russia na nakapag-angkop na ang bansa sa mga sanction ng Kanluran, naibaling na ang kalakalan, at nakahanap na ng mga paraan upang magpatuloy ang kanilang operasyong militar sa Ukraine.

Ngunit isang pampublikong ulat mula sa Constitution Protection Bureau ng Latvia, na kilala bilang SAB, ang nagpapakita ng ibang katotohanan.

Batay sa mga panloob na pagtataya at datos ng mga institusyon ng Russia, ipinapakita sa pagsusuri ng SAB na itinatago ng mga pampublikong pahayag ng Moscow ang malalim na pinsalang istruktural. Ipinapahiwatig ng mga natuklasan na maaaring minamaliit ng pamunuan ng Russia ang pangmatagalang epekto sa ekonomiya ng kanilang pakikipagdigma.

Isang babae ang naglalakad sa harap ng headquarters ng Russian Central Bank sa Neglinnaya Street sa sentro ng Moscow noong Marso 20, 2026. [Igor Ivanko/AFP]
Isang babae ang naglalakad sa harap ng headquarters ng Russian Central Bank sa Neglinnaya Street sa sentro ng Moscow noong Marso 20, 2026. [Igor Ivanko/AFP]

Ang mga presyur na iyon ay maaaring maglimita sa mga mapagkukunan ng Moscow para sa kasalukuyang tunggalian at anumang susunod na komprontasyon sa NATO.

Tumitinding pagkalugi sa pagluluwas

Ang mga pagtataya ng Russia na sinuri ng SAB, na itinuturing ng mga analyst ng Latvia na relatibong optimistiko, ay nagpapakita ng matinding pagbagsak sa ilang pangunahing sektor kumpara sa antas bago ang digmaan.

Bumaba ng 40 porsyento ang pagluluwas ng iron ore. Ang timber at pulp ay bumaba ng halos 50 porsyento. Ang mga produktong kemikal ay bumagsak ng 35 porsyento, habang ang mga ferrous metal ay bumaba ng 20 porsyento.

Ang mga pagsisikap ng Moscow na palitan ang mga nawalang merkado sa Kanluran ay nagbunga lamang ng bahagyang tagumpay.

Ang mga gastos sa pag-iwas sa mga parusa ay naging karagdagang pasanin. Mula 2022 hanggang 2025, gumastos ang Russia ng tinatayang $130 bilyon, o humigit-kumulang $32.5 bilyon bawat taon, sa mga alternatibong paraan upang makakuha ng mga produkto na dati ay mas murang inaangkat mula sa Europa at Estados Unidos, isang kalakaran na makikita rin sa paggamit ng Russia ng "shadow fleet" upang makaiwas sa mga restriksyon sa langis.

Ipinapakita ng mga datos na iyon na hindi ganap ang pagbaling ng kalakalan ng Russia. Makikita rin dito ang tumitinding pagdepende nito sa mga alternatibong katuwang habang patuloy na pinapataas ng mga restriksyon ng Kanluran ang gastos sa pag-aangkat, pagpopondo, at lohistika.

Higit na nakababahala ang mga pangmatagalang pagtataya.

Sa mga panloob na pagtataya ng Russia na binanggit ng SAB, inaasahang liliit ang foreign trade ng mahigit $175 bilyon pagdating ng 2030, kung saan karamihan sa pagkawala na ito ay direktang kaugnay ng mga sanction.

Nagbabala ang intelihensiya ng Latvia na posibleng mas mababa ang mga pagtatayang ito kaysa sa kabuuang epekto, dahil hindi nito nasasaklaw ang lahat ng pangalawang gastos, kabilang ang nawalang kita sa buwis, presyur ng implasyon, at paghina ng pamumuhunan.

Lalong nagpapabigat sa sitwasyon ang mga kita sa enerhiya.

Ang kita mula sa langis at gas sa unang tatlong buwan ng 2026 ay halos kalahati na lamang ng antas na naitala sa parehong panahon ng nakaraang taon. Upang punan ang kakulangan sa pondo, binawasan ng mga awtoridad ng Russia ang kanilang mga reserba at inilipat ang mas maraming kita sa Chinese yuan.

Ang pagbabagong ito ay lalong nagpapataas ng pagkadepende sa pananalapi ng Moscow sa Beijing.

Agwat ng impormasyon sa pamunuan

Ang pinakamahalagang natuklasan sa ulat ay may kinalaman sa daloy ng impormasyon patungo kay Pangulong Vladimir Putin.

Batid ng mga matataas na opisyal ng Russia ang mga hamon sa kanilang ekonomiya, ayon sa SAB. Gayunpaman, ang impormasyong nakakarating kay Putin ay karaniwang pinapaganda upang itampok ang mga piling tagumpay, habang isinasantabi ang mas malawak na kahinaan at pangmatagalang epekto nito.

Nagdudulot ito ng mapanganib na agwat sa pinakamataas na antas ng pamunuan.

Dahil hindi nakikita ang kabuuang larawan ng ekonomiya, tila isinasantabi ni Putin ang malalaking pagkalugi kumpara sa mga layuning teritoryal sa Ukraine. Nagbubunga ito ng isang kapaligiran sa pagdedesisyon kung saan lalong nagkakalayo ang pampublikong naratibo ng Kremlin at ang mga panloob na pagtatasa ng Russia.

Higit pa sa usaping pinansyal ang pasanin at umaabot sa patakaran sa lakas-paggawa, kasabay ng kakulangan sa pondo, krisis sa lakas-paggawa at hirap na dinaranas ng mga pamilyang Ruso.

Nagdulot ang ekonomiyang nakatuon sa digmaan ng Russia ng matinding kakulangan sa recruitment, kaya napipilitan ang mga regional governor at pinuno ng mga pampublikong institusyon na sumunod sa itinakdang quota para sa mga sundalong kontrata.

Ayon sa iniulat na sistemang "black mark," ang pagkabigong maabot ang mga quota sa recruitment ay may katapat na tumitinding parusa, kabilang ang pagkakasibak sa mga deputy at direktor.

Inutusan ang mga human resources team na maghanap ng mga kandidato sa pamamagitan ng mga job site at personal na network. Ipinapahiwatig nito na lumiliit na ang bilang ng mga boluntaryo, kahit patuloy ang panawagan ng Kremlin para sa mga bagong tauhan para sa digmaan.

Ayon kay SAB Director Egils Zviedris, nagpapatunay ang mga datos na ang mga sanction ay nananatiling mabigat na pasanin na nagbabawas sa pangmatagalang kapasidad ng Russia.

"May epekto talaga ang mga sanction," ani Zviedris. "At pagdating sa hinaharap, magkakaroon ang mga ito ng malaking epekto sa pag-unlad ng ekonomiya ng Russia."

Tinukoy niya ang mga sanction bilang isang instrumento upang pahinain ang kapasidad ng ekonomiya ng Russia at mabawasan ang panganib na dala nito sa mga bansang Kanluranin.

Gayundin ang naging konklusyon ng mga analyst sa Europa.

Ayon kay Torbjörn Becker, direktor ng Stockholm Institute of Transition Economics, bagama't hindi agad gumuho ang war economy ng Russia, nahaharap naman ito sa nagpapatong-patong na problemang piskal at istruktural.

Sa isang kamakailang pagsusuri, sinabi ni Becker na ang pangunahing tanong ay hindi kung matitigil ba ng mga sanction ang digmaan sa isang iglap, kundi kung paano nito pinapahina ang kakayahan ng Russia na pondohan ang laban sa paglipas ng panahon.

Mahalaga ang pagkakaibang ito.

Hindi napatigil ng mga sanction ang ekonomiya ng Russia. Nakaangkop ang Moscow sa pamamagitan ng pagbabago ng ruta ng kalakalan, mga bagong supplier, pinalawak na gastos sa depensa, at mas malalim na ugnayan sa Tsina at iba pang mga katuwang na hindi mula sa Kanluran.

Ngunit hindi katumbas ng katatagan ang pag-aangkop.

Dahil sa magkakasabay na dagok ng paghina ng export, pagtaas ng gastos sa pag-aangkat, mabuway na kita sa enerhiya, paubos na reserba, at krisis sa lakas-paggawa, unti-unti nang naipit ang Moscow at nawawalan ng puwang para makagawa ng paraan.

Sa bawat pansamantalang paraan, napapatakbo pa rin ang ilang bahagi ng ekonomiya, ngunit kapalit nito ang mas malaking gastos at matinding pagdepende sa iilang mga kaalyado sa katagalan.

Habang nagpapatuloy ang labanan sa Ukraine, ang paghina ng kapasidad ng ekonomiya at estratehikong kamalayan ay maaaring humubog sa direksyon ng digmaan tulad ng mga kaganapan sa larangan ng labanan.

Maaaring makapagbigay ng pansamantalang palugit ang baluktot na larawan ng ekonomiya na inilalahad ng Kremlin, pero hindi nito mabubura ang naiipong pinsala na magiging batayan ng kalagayan ng Russia sa mahabang panahon.


Patakaran sa Pagkomento