Mga Umuusbong na Krisis

Sariling pagkasira ng Russia, pasanin ng mamamayan

Ang nagpapatuloy na digmaan ng Russia sa Ukraine, na bunsod ng mga desisyon ni Putin, ay nagpapabilis sa panloob na paghina nito, na pumipilit sa mga karaniwang mamamayang Ruso na pasanin ang bigat ng krisis sa ekonomiya at tensyong panlipunan.

Sina Putin at King Sultan Ibrahim ng Malaysia habang tinitingnan ang Peacock Clock ni James Cox na mula pa noong dekada 1770, sa State Hermitage Museum sa Saint Petersburg noong Enero 26, 2026. [Anatoly Maltsev/AFP]
Sina Putin at King Sultan Ibrahim ng Malaysia habang tinitingnan ang Peacock Clock ni James Cox na mula pa noong dekada 1770, sa State Hermitage Museum sa Saint Petersburg noong Enero 26, 2026. [Anatoly Maltsev/AFP]

Ayon sa Global Watch |

Ang pakikibahagi ng Russia sa Ukraine ay madalas na tinitingnan sa larangan ng militar: mga missile, bantang nukleyar, at ang matagal na tunggalian. Ngunit ang tunay na kapalit ng estratehiya ng Moscow ay lalong nagiging malinaw sa mga kahinaan nito sa loob ng bansa -- kakapusan sa budget, kakulangan sa manggagawa, at tumitinding presyon sa mga sambahayan.

Pinahina ng digmaan ang puwersa ng Russia, habang pinapasan ng mga mamamayan ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at paglaho ng mga oportunidad para sa kinabukasan.

Bumagal nang husto ang paglago ng GDP ng Russia tungo sa 1.1% noong ikalawang quarter ng 2025 at muling bumaba sa 0.6% noong ikatlong quarter -- ang pinakamahinang quarterly performance ng bansa mula noong 2023.

Sa tala nina Elina Ribakova at Lucas Risinger ng Atlantic Council sa kanilang ulat noong Disyembre 2025, "Gayunpaman, kapansin-pansin ang pagbagal ng kabuuang paglago noong 2025 habang lalong nararamdaman ng Russia ang bigat ng tensyon ng pagpili sa pagitan ng militar at kapakanan ng mamamayan."

Makikita ang Lukoil prize stock sa isang mobile phone na may financial stock graph sa likuran noong Oktubre 29, 2025. [Jonathan Raa/NurPhoto/AFP]
Makikita ang Lukoil prize stock sa isang mobile phone na may financial stock graph sa likuran noong Oktubre 29, 2025. [Jonathan Raa/NurPhoto/AFP]

Tumitinding banta

Lubos na umaasa ang Russia sa mga panlabas na tulong para sa kaligtasan nito at hindi sapat ang sarili nilang produksyon mula sa loob ng sariling bansa upang ituloy ang digmaan.

Kasabay nito, itinulak ng mga sanksyon ang lihim na pagkuha ng mga suplay -- sa pamamagitan ng mga tagapamagitan at mga re-export scheme. Nagresulta ito sa isang sistemang higit na marupok: nagkawatak-watak ang mga supply chain, nagkaroon ng matinding pagtaas sa mga gastusin, at patuloy na lumalala ang mga panganib.

Ang kumbinasyong ito ay nagpapakita sa lumalalang kahinaan ng Russia -- hindi mula sa panlabas na pagkawasak, kundi dahil sa pinsalang dulot mismo ng mga naging pasya ni Putin.

Habang tumitindi ang pangangailangan para mapanatili ang digmaan, nagsisilbi ang Tsina bilang isang mahalaga ngunit delikadong sandigan ng estratehiya ng Russia.

Ang kakayahan ng Moscow na ituloy ang tunggalian ay nakasalalay sa pag-angkat ng mga kritikal na kagamitang pang-industriya at dual-use goods -- mga electronics, machine tools, micro-components, at mga teknolohiyang maaaring gamitin muli para sa produksyong militar.

Ang tagumpay sa labanan ay higit na nakasalalay sa mga suplay para sa mga drone, pagkukumpuni, komunikasyon, at pagpapalawak ng produksyon, sa halip na sa mga ipinagmamalaking makabagong armas. Ang pagdepende ng Russia sa pagmamanupaktura ng Tsina ay lalong naglalantad sa mga kahinaan nito sa pamamagitan ng mga masalimuot na sistema ng transaksyon.

Lalong nagiging masalimuot ang sitwasyon dahil sa mga tensyon sa rehiyon, kabilang ang lumalalim na ugnayang pandepensa sa pagitan ng Russia at North Korea na nagdudulot ng pagkabahala sa Beijing.

Habang pinalalakas ng Tsina ang arsenal ng mga armas nukleyar, ang mga aberya sa operasyon ng mga missile ng Russia ay nagpapakita sa isang hindi balanseng ugnayan—kung saan nalalantad ang tumitinding pagdepende ng Moscow sa mga dayuhan habang may sarili itong krisis sa teknolohiya at ekonomiya.

Inilarawan ni Ribakova ang ugnayan ng Russia at Tsina bilang "may pakinabang sa isa't isa ngunit lubhang hindi balanse," kung saan ang Tsina ay nagsisilbing "mahalagang katuwang ng Russia, na nagbubukas ng mga merkado at nagbibigay ng mga kagamitang lubos na kailangan ng Moscow."

Bumaling ang Russia sa mga sentro ng Arab at Gulf para sa pananalapi, lohistika, at mga re-export.

Ang mga ugnayang ito ay pansamantala lamang, na nagbibigay ng panandaliang paraan upang makaiwas sa pressure habang nakatuon sa kita ang mga katuwang. Ngunit hindi nito maitatago ang unti-unting paghina ng ekonomiya, lalo na’t bumagsak nang 24% ang kita mula sa langis at gas ng Russia noong 2025, ang pinakamababa sa loob ng limang taon.

Kabayaran sa bansa

Sa labas ng Asya, ginagamit ng Kremlin ang mga ugnayang pang-ekonomiya bilang sandata sa mga desisyon nito sa digmaan -- sa kabila ng matinding epekto nito sa sariling bansa.

Sa Timog Amerika at iba pang sentro ng kalakalan, ang pagdepende sa pataba at enerhiya ay maaaring magbigay sa Russia ng impluwensya sa ibang bansa, ngunit kadalasan ay bumabalik ang epekto sa Russia sa pamamagitan ng mas mataas na gastos sa pag-aangkat, pagbagsak ng produksyon, at matinding pagtaas ng presyo.

Ramdam na sa loob ng Russia ang epekto. Bumababa ang kita ng mga sambahayan dahil sa mabagal na pagtaas ng sahod, habang ang pondo para sa mga serbisyong publiko ay napupunta lamang sa paggastos para sa digmaan.

Binanggit nina Ribakova at Risinger na lalong nagpapabigat sa sitwasyon ang pagkuha ng mga sundalo dahil pinalalala nito ang kakulangan sa manggagawa at pinalalawak ang agwat sa pag-unlad ng mga rehiyon.

Ang mga karaniwang Ruso ang pumapasan sa masamang epekto tulad ng mga aberya sa suplay at patuloy na kawalan ng katiyakan.

Ang pressure sa ekonomiya ay bahagi lamang ng kabuuang problema.

Naranasan ng Russia ang 'brain drain' o paglisan ng mga edukado at bihasang manggagawa ng humigit-kumulang 650,000 katao na umalis sa bansa simula ng pagsalakay, na nagpapabilis sa pagpapaliit ng populasyon at nagpapahina sa kapasidad ng bansa.

Higit na matindi ang pinsala sa buhay ng tao -- ayon sa Mediazona, lumampas na sa 163,600 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi, habang ang ilang pagtatantya mula sa Kanluran ay nagpapakita na aabot sa halos 250,000 ang nasawi at ang kabuuang bilang ng mga sugatan ay higit na sa 1 milyon.

Nanatili sa gitna ng 80 ang approval rate ni Putin sa mga survey hanggang 2025, na pinalalakas ng propaganda. Ngunit habang tumatagal ang digmaan, ang patuloy na pagdami ng mga nasasawi at ang pagbagal ng ekonomiya ay banta sa kanilang naratibo na maaaring tuluyang magpahina sa suporta ng publiko.

Ang kalagayan ng Russia ay resulta ng sariling pagkasira sa ilalim ni Putin.

Kumakapit ang Russia sa mga panlabas na suplay upang masuportahan ang digmaan kapalit ng kapakanan ng mamamayan nito. Ang tunay na panganib ay ang pagbagsak mula sa loob -- ang pagbagal ng pag-unlad, pagkaubos ng pondo, tumitinding pressure sa budget, at mga pagod na mamamayan.

Gusto mo ba ang artikulong ito?