Pandaigdigang Isyu
Panloob na dahas, panlabas na agresyon nagpapatibay sa isa't isa sa Iran, Russia
Ang mga malawakang protesta sa Iran ay naglantad hindi lamang sa kahinaan ng Tehran kundi pati na rin kung paano nakakatulong ang panunupil sa loob ng bansa upang mapanatili ang pakikipagtulungan nito sa Russia. Nagpapalakas sa bawat panig ang naturang ugnayan.
![Nagkalat ang mga laruan sa guho ng nawasak na bahay sa Odesa, Ukraine, noong Marso 28, 2026. [ Nina Liashonok/NurPhoto/AFP]](/gc7/images/2026/04/13/55371-afp__20260328__ukrinform-russiant260328_np3mu__v1__highres__russiantroopsattackodesa-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Noong Enero 2026, nag-udyok ng mga protesta sa buong Iran ang kahirapan sa ekonomiya, sa gitna ng bumabagsak na halaga ng salapi at lumalawak na galit ng publiko dahil sa maling pagpapatakbo ng ekonomiya, na muling nagpapakita kung gaano kabilis maging krisis sa pambansang seguridad ang kaguluhang panlipunan para sa rehimen.
Inilarawan ng mga ulat mula sa mga grupo ng karapatang pantao ang malawakang tugon ng estado sa mga lungsod sa probinsiya na mahirap maidokumento ng buo dahil sa mga restriksyon sa telekomunikasyon at limitadong access mula sa labas.
Tumugon ang estado sa pamamagitan ng matinding pagsugpo.
Gumamit ng dahas na nakamamatay ang hukbong sandatahan sa maraming probinsiya, pinatid ng halos buo ang koneksyon sa internet, at naglunsad ng maramihang pag-aresto at sapilitang pagkawala ng mga tao, lalo na sa maliliit na lungsod na malayo sa pandaigdigang atensyon, ayon sa mga naipong tala ng mga tagasubaybay ng mga karapatan.
![Isang Russian kamikaze drone Geran-2, isang bersyon ng Shahed-136 unmanned aerial vehicle na gawang Iran, ay namataan malapit sa Ministry of Foreign Affairs of Ukraine sa Kyiv, Ukraine, noong Hulyo 23, 2025. [Maxym Marusenko/NurPhoto/AFP]](/gc7/images/2026/04/13/55372-afp__20250723__musiienko-notitle250723_nprix__v1__highres__ukrainianforeignministera-370_237.webp)
Sinabi ng mga organisasyon sa karapatang pantao na ang panunupil ay hindi lamang marahas kundi organisado rin.
Naitala ng Center for Human Rights sa Iran ang paggamit ng mga military-grade weapon sa mga probinsiya tulad ng Kerman, Lorestan, Khuzestan, at Kurdistan.
Ayon kay senior researcher Esfandiar Aban, ang kampanya ay ginawa sa mga lugar "na hindi makikita ng mundo."
Nagdulot ng malawakang alarma ang tindi ng karahasan.
Ayon sa ulat ng Human Rights Watch, mahigit 2,000 ang bilang ng mga pinatay sa Iran noong 2025, ang pinakamataas na naitala mula noong huling bahagi ng dekada 1980.
Hinimok na mga eksperto ng UN ang pagpapakita ng transparency, pagpapanumbalik ng access sa telekomunikasyon, pagsisiwalat sa kinaroroonan ng mga inaresto, at pananagutan para sa mga diumano'y pang-aabuso.
Pinagsamang estratehiya sa kaligtasan
Subalit ang panunupil na ito ay hindi umiiral nang nag-iisa. Bahagi ito ng mas malawak na estratehiya sa pamamahala na nag-uugnay sa kaligtasan sa sariling bansa at komprontasyon sa ibang bansa.
Sa ganitong pananaw, ang gawi ng Iran ay tila sumasalamin sa gawi ng pangunahing katuwang nito, ang Russia. Kapwa nakadepende ang dalawang rehimen sa panloob na pamimilit habang gumagamit ng panlabas na tunggalian upang magpakita ng lakas, bigyang-katwiran sa panunupil, at ilihis ang atensyon mula sa panloob na kapalpakan.
Ang pagkakatulad na ito ay higit pa sa paggamit ng mabulaklak na salita.
Nagpadala ang Tehran ng mga Shahed drone sa Russia at, ayon sa pahayag ng U.S. at Europa, mga ballistic missile na ginamit sa digmaan ng Russia laban sa Ukraine.
Bilang kapalit, ang pakikipagtulungan ay nagbibigay sa Iran ng proteksyong politikal, teknolohiyang militar, at mga tulong pang-ekonomiya sa gitna ng tumitinding tensyon sa loob ng bansa, habang sinusuportahan din ang isang mas malawak na rehiyonal at nukleyar na postura na lalong inilalarawan ng mga opisyal ng Europa bilang isang direktang alalahanin sa seguridad.
Ipinakita ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang katangian ng ugnayan noong Marso 17, 2026, nang ilarawan niya ang dalawang rehimen bilang "magkapatid sa poot" at "magkapatid sa armas."
Kapwa may benepisyo ang bawat panig sa ugnayang ito. Nagkakaroon ang Iran ng pagkakataong masubukan ang kanilang mga armas sa labanan at mas matibay na posisyon sa anti-Western axis, habang nakakakuha naman ang Russia ng mga kritikal na munisyon upang ituloy ang digmaan nito.
Ayon sa mga analyst, kapwa nakikinabang din sa politika ang dalawang gobyerno. Tinutulungan sila ng panlabas na tunggalian na ilihis ang pagkadismaya ng publiko, higpitan ang panloob na kontrol, at ipalabas ang pagtutol bilang bahagi ng isang mas malawak na banta mula sa ibang bansa.
Mga banta sa pandaigdigang seguridad
Ito ang dahilan kung bakit ang panunupil ng Iran sa loob ng bansa ay may epektong lampas sa mga hangganan nito.
Ang parehong rehimeng gumagamit ng dahas laban sa mga nagpoprotesta sa mga lalawigan nito ay tumutulong din sa pag-aarmas sa labanan ng Russia sa Europa. Ang mga Iranian drone na sumasalakay sa mga lungsod ng Ukraine ay nagpapakita kung paano ang estratehiya para mapanatili ang isang estadong awtoritaryan ay direktang nagpapalakas sa agresyon ng iba.
May pakinabang din ang kabilang panig sa relasyong ito. Ang kita mula sa langis ng Russia, suportang diplomatiko, at kooperasyong militar ay tumutulong sa pagpapanatili ng mga ambisyon ng Iran sa rehiyon at sumusuporta sa mas malawak na estratehikong postura nito, kabilang ang programang nukleyar nito.
Kung hindi maagapan, ang alyansang ito ay magdudulot ng mas matinding banta sa seguridad sa iba’t ibang panig ng mundo, mula sa Middle East hanggang sa Europa.
Higit sa pagkondena ang kailangan para sa pagtigil ng siklong ito. Ang patuloy na mga parusa sa Islamic Revolutionary Guard Corps, mas matibay na suporta sa independent civil society, at magkakasunod na pressure sa dalawang rehimen ang pangunahing armas upang mapigilan ang kanilang kakayahan sa panunupil at panlabas na agresyon.
Tulad ng iginiit ni Zelenskyy noong Marso 2026, ang mga protesta sa Iran ay hindi lamang dapat ituring na krisis sa loob ng bansa, kundi isang pagkakataon upang pahinain ang mas malawak na network ng awtoritaryan na kooperasyon.
Ang mga kaganapan sa mga probinsya ng Iran ay hindi lamang simpleng kwentong lokal tungkol sa panunupil.
Bahagi ito ng isang mas malawak na kalakaran kung saan ang panloob na dahas at ang panlabas na tunggalian ay nagpapatatag sa isa’t isa. Para sa mga pamahalaan sa Kanluran at kanilang mga katuwang, ang pagkilala sa ugnayang ito ang unang hakbang tungo sa isang mas matibay at epektibong tugon.