Pandaigdigang Isyu
Poland, niyanig ng alitan sa mga pautang ng EU para kontrahin ang banta ng Russia
Nabiyak ang malawak na pagkakaisa ng Poland sa usaping depensa at nauwi sa matinding tunggalian sa kapangyarihan matapos hamunin ni Pangulong Karol Nawrocki ang plano ng pamahalaan na makakuha ng bilyun-bilyong pautang militar mula sa EU. Sa gitna ng digmaan sa kanilang hangganan, inilalantad ng alitang ito ang mas malalalim na tensyon hinggil sa soberanya, utang, at kung sino ang dapat kilalanin sa pagpapalakas ng depensa ng bansa.
![Sinalubong ni Polish President Karol Nawrocki si King Carl Gustaf ng Sweden sa presidential palace sa Warsaw noong Marso 10, 2026. [Janek Skarzynski/AFP]](/gc7/images/2026/03/30/55044-afp__20260310__a2mm6zk__v1__highres__swedenpolandpoliticsdiplomacyroyals-370_237.webp)
Ayon sa AFP/Global Watch |
Ang alitan hinggil sa napakalaking pautang sa depensa mula sa EU ay sumiklab at nauwi sa matinding tunggalian sa pagitan ng pro-European na pamahalaan ng Poland at ng makabayang pangulo nito.
Ang mainit na alitan hinggil sa mga planong nagkakahalaga ng bilyun-bilyong euro upang palakasin ang militar ay walang kapantay sa isang bansang karaniwang nagkakaisa pagdating sa depensa.
Sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan ng Russia sa karatig na Ukraine, at habang nasa kabilang border lamang ang Russia at Belarus, itinaas ng Poland, bilang bansang nasa frontline, ang badyet nito sa depensa sa 4.8 porsiyento ng GDP — isa sa pinakamataas sa NATO.
Umaasa ang pamahalaan sa halos €43.7 bilyon na mga pautang mula sa European Union sa ilalim ng Security Action For Europe (SAFE) scheme, na ayon dito ay isang malaking tagumpay para sa Poland. Nakatakdang makatanggap ang Warsaw ng halos isang-katlo ng kabuuang €150 bilyong pondo.
![Makikita ang deck house ng Aegis Ashore missile defence system sa Redzikowo, hilagang Poland noong Nobyembre 13, 2024. [Mateusz Slodkowski/AFP]](/gc7/images/2026/03/30/55045-afp__20241113__36mc337__v2__highres__polandnatodefence-370_237.webp)
Utang para sa mga susunod na henerasyon
Naipasa man sa parliyamento ang panukalang batas, ngunit na-veto o binasura ito noong Marso 12 ni Pangulong Karol Nawrocki, isang nasyonalista, na iginiit na magbibigay ito sa Brussels ng labis na impluwensya sa Warsaw sa pamamagitan ng pagmamanman kung paano ilalaan ang mga pondo.
Iginiit niya na maaaring magpasan ang Poland ng utang "sa loob ng maraming henerasyon" dahil sa mga pautang mula sa SAFE at sa halip ay nagmungkahi siya ng alternatibong panukala na tinaguriang "SAFE 0%."
Ayon sa pangulo, kung gagamitin na lang ang pondo ng central bank, hindi mabibigatan ang Poland ng mga pautang o pagbabayad ng interes.
Ngunit marami ang nagdududa kung paano ito maisasakatuparan, at may ilan ding kumukuwestiyon sa motibo ni Nawrocki.
"Ang Poland lamang ang nag-iisang bansa sa silangang border ng NATO kung saan may debate kung tatanggapin ba ang mga pondong inaalok mula sa European program," ayon sa liberal na pahayagang Polish na Gazeta Wyborcza nitong Miyerkules, na inilarawan ang pagtatalo bilang isang "nakakahiya at kontrobersyal na alitan sa politika" na pinalala ng dating pamahalaang PiS, na malapit sa pangulo.
Sa ilalim ng 'German boot'
Sinabi ng political scientist na si Jaroslaw Kuisz sa AFP na nais ni Nawrocki na hadlangan si Prime Minister Tusk na makinabang sa pagpapasigla ng ekonomiya na maidudulot ng pondo bago ang halalan sa 2027.
"Nais ng pangulo... na pahinain ang punong ministro hangga't maaari upang hindi niya makuha ang mga benepisyo ng kanyang napakalaking tagumpay sa pananalapi" sa pagkuha ng malaking bahagi ng pondo para sa Poland.
Sinabi niya na ang mga kumpanya, lalo na sa sektor ng armas, ay "magkakaroon, sa loob ng isang taon, ng napakalalaking pondong magagamit at muling ipapamahagi."
Sinabi ni Wojciech Przybylski ng Insight, isang think tank ng Visegrad, sa AFP na "ang pangunahing layunin ng pangulo ay pabagsakin ang pamahalaan ni Tusk at ihanda ang pagbabago ng kapangyarihan" pagsapit ng 2027.
Ipinapakita ng oposisyong Eurosceptic at nasyonalista ng Poland ang sarili bilang isang malapit at hindi mapapalitang kaalyado ng Washington.
Ayon sa mga kasapi nito, pipigilin ng SAFE ang mga kumpanya ng armas ng US na makipagkontrata sa Poland, dahil ang pondo nito ay dapat pangunahing gastusin sa Europa.
Iginiit ni PiS chairman Jaroslaw Kaczynski na ang kasunduan ay "idinisenyo upang itali ang Poland sa iba’t ibang pagkakautang," at maglalagay umano rito "sa ilalim ng impluwensiya ng Germany."
Ngunit suportado ang plano ng 52 porsiyento ng mga mamamayan ng Poland, habang 35 porsiyento lamang ang tutol dito, ayon sa isang survey ng Centre for Public Opinion Research ng Poland.
Si Pangulong Nawrocki, na nasa isang mahirap na ugnayan sa naghaharing centrist coalition, ay kilala sa kanyang mga kritiko bilang isang "veto machine" na ayaw makipagkompromiso sa kabilang panig.
Sa halip na tuluyang tanggihan ang panukalang batas, tumugon siya sa pamamagitan ng alternatibong panukalang "sovereign," na magkatuwang na inihain ng gobernador ng central bank ng Poland, na isa ring kaalyado ng PiS.
Sa ilalim ng panukalang batas ng pangulo, popondohan ang depensa sa pamamagitan ng muling pagtataya ng kita mula sa mga reserbang ginto at dayuhang salapi ng central bank.
Ngunit sinabi ng pamahalaan na hindi ito makatotohanan, dahil ilang taon nang nalulugi ang central bank.
Ayon kay Prime Minister Tusk, ang panukala ni Nawrocki ay "hindi naglalaan ng pondo, kundi lumilikha lamang ng isa pang lupon, isang konseho, bureaucracy, at dose-dosenang hindi kinakailangang regulasyon."
Idinagdag pa niya na sakaling i-veto ng pangulo ang panukala, ipatutupad niya ang isang "Plan B" upang magamit ang mga pondo mula sa European Union anuman ang magiging pasya ng pangulo.
Mula noon, pinagtibay ng pamahalaan ang isang resolusyon na nagpapahintulot sa mga ministro na ituloy ang paglagda sa mga kasunduan sa pautang ng SAFE sa kabila ng pag-veto.