Mga Istratehikong Usapin
'Hindi ko pinagkakatiwalaan': Duda ang mga Russian sa messenger app na suportado ng estado
Iniutos ng pamahalaan sa mga manufacturer na isama ang app sa lahat ng bagong phone at tablet, habang sabay na hinaharang ang pagtawag gamit ang mga kalabang app na pag-aari ng dayuhan -- isang hakbang na tinawag ng mga kritiko na garapalang pagtatangka para pilitin ang mga user na magpalit ng app.
![Isang litratong kuha noong Disyembre 1, 2025, ang nagpapakita ng logo ng US instant messaging software na WhatsApp na naka-display sa screen ng isang smartphone sa Frankfurt am Main, kanlurang Germany. [Kirill KudryavtsevK/AFP]](/gc7/images/2025/12/04/52997-what-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Ang bagong Russian messaging platform na inaasahan ng mga awtoridad na papalit sa WhatsApp at Telegram ay pinupuri ng mga opisyal ng gobyerno, ngunit sa mga lansangan ng Moscow, iba’t iba ang opinyon.
Ang Max, na inilabas ng higanteng Russian social media na VK noong mga unang buwan ng taong ito, ay inilalarawan bilang isang "super app" -- kayang gawin ang lahat mula sa pag-access ng mga serbisyo ng gobyerno hanggang sa pag-order ng pizza, katulad ng WeChat at Alipay ng China.
Iniutos ng pamahalaan sa mga manufacturer na isama ang app sa lahat ng bagong phone at tablet simula Setyembre 1, habang sabay na hinaharang ang pagtawag gamit ang mga kalabang app na pag-aari ng dayuhan -- isang hakbang na tinawag ng mga kritiko na garapalang pagtatangka para pilitin ang mga user na magpalit ng app.
Iginigiit ng mga opisyal na ligtas ang Max at makababawas ito sa pagdepende ng Russia sa mga dayuhang platform na nag-iimbak ng data sa ibang bansa, ngunit nagbabala naman ang mga rights advocates na ang app -- na walang end-to-end encryption -- ay maaaring magamit bilang isang makapangyarihang kagamitan para sa pagmamanman.
"Hindi ako gaanong nagtitiwala rito," sabi ni Ekaterina, isang 39-anyos na doktor na tumangging ibigay ang kanyang apelyido.
Kailangan daw niyang i-install ang application para sa trabaho dahil requirement ng kanyang employer, pero sabi niya, ginagamit pa rin niya ang WhatsApp para sa personal na komunikasyon.
“May mga personal na mensahe na ayokong mawala, pati na rin ang mga komunikasyong may kaugnayan sa trabaho,” sabi niya tungkol sa WhatsApp.
“Marami akong kliyente sa app na ito.”
'Pagkakait sa ating mga kalayaan'
Maaaring wala nang masyadong opsyon ang mga Russian.
Noong Nobyembre 29, inanunsyo ng media regulator na Roskomnadzor na pinag-iisipan nilang tuluyang ipagbawal ang WhatsApp, na inakusahan itong ginagamit para sa "krimen." Na-block na nila ang mga tawag sa platform simula Agosto.
Inakusahan ng WhatsApp, na ginagamit ng halos 100 milyon sa bansa, ang Russia na nais itong ipagbawal dahil ito ay "secure.”
"Halu-halo ang sitwasyon," sabi ni Andrei Ivanov, 33 anyos, sa AFP.
Ayon sa kanya, natatakot siyang maaaring "nakawin ng ibang bansa" ang impormasyon mula sa WhatsApp, ngunit "madali itong gamitin para makipag-usap."
“Ito ay tiyak na pagkakait sa ating mga kalayaan," sabi ni Ivanov tungkol sa planong pilitin ang mga user na magpalit ng app.
Ang WhatsApp, na pag-aari ng US technology giant na Meta, ay gumagamit ng end-to-end encryption. Ibig sabihin, ang mga mensahe ay hinahalo o na-i-scramble tuwing ipinadadala at tanging ang tatanggap lamang ang makababasa nito.
Sinasabi ng platform na ginagamit nito ang mga server ng Meta para i-imbak ang mga encrypted na mensahe habang ipinapadala, ngunit tinatanggal ang mga ito kapag naipadala na, at tumatanggi itong ibigay ang mga mensahe sa gobyerno.
Gayunpaman, may ilan sa Moscow na hindi kumbinsido.
“Naiintindihan ko na lahat ng gawa sa ibang bansa ay itinuturing na banta sa atin,” sabi ni Sergei Abramov, 67, isang retiradong Russian.