Pandaigdigang Isyu

Mga kumpanyang Tsino, apektado sa mga atake ng jihadist sa Mali

Matapos talikuran ang dating kolonyal na pinuno na France at, sa mas malawak na saklaw, ang Kanluran, hinangad ng junta na magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa China, gayundin sa Russia at Turkey.

Bumuo ng cordon ang mga pulis ng Mali para sa mga pro-junta demonstrator na may hawak na banner at sumisigaw ng mga slogan, kasabay ng protesta ng mga oposisyong partido laban sa posibleng pagbuwag ng mga awtoridad militar ng Mali, sa harap ng Palais de la Culture Amadou Hampate sa Bamako noong Mayo 3, 2025.
Bumuo ng cordon ang mga pulis ng Mali para sa mga pro-junta demonstrator na may hawak na banner at sumisigaw ng mga slogan, kasabay ng protesta ng mga oposisyong partido laban sa posibleng pagbuwag ng mga awtoridad militar ng Mali, sa harap ng Palais de la Culture Amadou Hampate sa Bamako noong Mayo 3, 2025.

Ayon sa AFP |

Naglunsad ng sunud-sunod na pag-atake ang mga jihadist na kaalyado ng Al-Qaeda sa mga industrial site sa Mali na pinatatakbo ng mga dayuhang kumpanya, lalo na ng mga kumpanyang Tsino, bilang taktika para pahinain ang kasalukuyang junta.

Habang aktibo sa mas malawak na bahagi ng West Africa, sinabi ng United Nations na ang makapangyarihang Group for the Support of Islam and Muslims, na kilala sa Arabic acronym na JNIM, ang pinakamalaking banta ngayon sa tuyong rehiyon ng Sahel.

Noong Hunyo, nagbabala ang JNIM na magiging target ng kanilang mga armadong tauhan ang lahat ng dayuhang kumpanyang nasa Mali, na nasa ilalim ng pamamahala ng militar mula sa magkasunod na coup noong 2020 at 2021. Binalaan din nila ang anumang negosyo na nagsasagawa ng mga pampublikong proyekto para sa estado nang walang “pahintulot nila.”

Natuklasan sa isang ulat kamakailan ng UN na, "nananatiling pangunahing layunin ng grupo ang pagtatatag ng isang emirate na kayang hamunin ang lehitimasyon ng mga military regime, pilitin silang isuko ang kapangyarihan, at ipatupad ang batas ng sharia" o Islamic legal code.

Dahil dito, posibleng magamit ng JNIM ang kanilang mga pag-atake sa kanluran upang “magtatag ng isang racketeering network na nangingikil sa mga dayuhang kumpanya at sumisira sa kredibilidad ng gobyerno ng Mali,” habang nangingidnap ng mga dayuhan para “hingan ng ransom mula sa kanilang mga gobyerno,” ayon sa American Enterprise Institute (AEI).

Mga manggagawang Tsino, dinukot

Simula ng huling bahagi ng Hulyo, tinupad ng JNIM ang kanilang banta, inatake ang pitong industrial site na pinatatakbo ng mga dayuhan sa isa sa pangunahing producer ng ginto at lithium sa Africa, ayon sa AEI.

Anim sa mga ito ay pinatatakbo ng mga kumpanyang Tsino, karamihan ay nasa Kayes region sa kanluran na sagana sa ginto, kung saan dinukot ng mga jihadist ang hindi bababa sa 11 mamamayang Tsino sa mga raid, ayon kay AEI analyst Liam Karr sa AFP.

“Sa nakikita namin, China ang pangunahing naaapektuhan,” sabi ni Karr.

Matapos ang mga pag-atake, sinabi ng Ministry of Foreign Affairs ng China na hinimok nila ang junta “na gawin ang lahat ng makakaya sa paghahanap at pagliligtas sa mga dinukot.”

Dagdag pa nila, “nagpatupad na rin kami ng kongkreto at epektibong mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga institusyon at proyekto ng mga mamamayang Tsino sa lugar.”

Bukod sa mga Tsino, tatlong Indian din ang dinukot ng JNIM sa isang cement works sa kanlurang bahagi noong unang linggo ng Hulyo.

“Walang personal na galit ang grupo laban sa mga Tsino, kundi nagmumula ito sa hangarin ng grupo na pabagsakin ang ekonomiya ng Mali,” sabi ni Bakary Sambe, director ng Timbuktu Institute think tank na nakabase sa Dakar.

“May estratehikong kahalagahan ang Kayes para sa JNIM bilang pangunahing economic hub. Tinatayang nasa 80% ng produksyon ng ginto ng Mali ang nagmumula rito at nagsisilbi itong daanan ng kalakalan papuntang Senegal, ang pinakamalaking trading partner ng bansa, ayon sa Soufan Center consultancy.

Dahil dito, nagbabala ang AEI na ang kampanya ng JNIM sa kanluran ay “nagbabanta na masira ang ugnayang pangnegosyo” ng Mali sa China, “isa sa pinakamalaking economic partners ng bansa.”

Ayon sa datos ng AEI, umabot sa $1.6 bilyon ang private investment ng China sa Mali mula 2009 hanggang 2024, habang nagpondo naman ang gobyerno ng China ng $1.8 bilyon para sa 137 proyekto mula pa noong 2000.

Laganap ang mga pag-atake

Lalong lumaki ang pagdepende ng Mali sa Beijing mula nang magsimula ang mga coup na nagdala sa militar sa kapangyarihan.

Matapos talikuran ang dating kolonyal na pinuno na France at, sa mas malawak na saklaw, ang Kanluran, hinangad ng junta na magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa China, gayundin sa Russia at Turkey.

Nakipagtulungan sa hukbo ng Mali ang mga Russian mercenary mula sa Wagner paramilitary group at kahalili nitong Africa Corps, gayundin ang mga Chinese armored car at Turkish drone, sa mahigit isang dekada nilang pakikipaglaban sa jihadist insurgency.

Para kay Karr, ang kahandaan ng Russia "na manggulo upang palakasin ang impluwensiya nito" ay salungat sa interes ng China, dahil hinahangad ng China ang katatagan para sa mga interes nito sa negosyo.

Sa kabila ng tulong mula sa labas, hirap pa rin ang junta ng Mali na pigilan ang JNIM at ang karibal nitong Islamic State-Sahel Province group.

Dumami ang mga nakamamatay na pag-atake sa Kayes region noong Agosto, habang inatake naman ng JNIM ang mga negosyo sa gitnang bahagi ng Mali “sa unang pagkakataon,” ayon kay Karr, kabilang ang mga Chinese sugar refinery malapit sa bayan ng Segou.

Ilang araw matapos nito, isang pag-atake naman ang nangyari sa lithium mine na pinatatakbo ng mga British sa Bougouni sa timog, na ikinasawi ng isang security guard.

Nagaganap ang sunud-sunod na pag-atake ng mga jihadist habang ang junta, na nagbabandera ng nasyunalistang patakaran ng mas malaking pambansang kontrol sa yaman ng Mali, ay nagsusumikap na palakasin ang kontrol nito sa mga yamang-mineral ng bansa.

Kinuha ng pamahalaang militar ang kontrol sa pinakamalaking minahan ng ginto sa Mali—ang Loulo-Gounkoto site sa Kayes region—mula sa Canadian giant na Barrick Mining, at ngayon ay naniningil ng daan-daang milyong dolyar sa hindi binayarang buwis.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *