Mga Istratehikong Usapin

Wagner, umalis sa Mali matapos ang pagkatalo, pinalitan ng pwersang kontrolado rin ng Kremlin

Ang mararahas na pamamaraan ng grupong paramilitar ng Russia sa Mali ay madalas na kinokondena ng mga grupong nagtataguyod sa karapatang pantao.

Binati ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia si Assimi Goita, pinuno ng junta ng Mali, sa seremonya ng pagtanggap sa ikalawang Russia-Africa summit sa St. Petersburg noong Hulyo 27, 2023. [Pavel Bednyakov/AFP]
Binati ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia si Assimi Goita, pinuno ng junta ng Mali, sa seremonya ng pagtanggap sa ikalawang Russia-Africa summit sa St. Petersburg noong Hulyo 27, 2023. [Pavel Bednyakov/AFP]

Ayon sa Global Watch at AFP |

Ang impluwensiya ngRussia sa Mali ay unti-unting humihina dahil sa pag-atras ng grupong Wagner sa gitna ng sunud-sunod na pagkatalo sa labanan.

Ang pag-alis ay kasunod ng matitinding pagkatalong dinanas ng mga sundalong Malian at ng mga mersenaryong Russian sa mga sagupaan laban sa mga rebeldeng Islamista kamakailan.

Noong huling bahagi ng Mayo, isang matinding pag-atake ang isinagawa ng grupong Jama'at Nasr al-Islam wal Muslimin (JNIM), na konektado sa al-Qaeda, sa isang Malian na base militar sa gitnang bahagi ng Mali, kung saan maraming sundalo ang napatay.

Ang mga mersenaryong Wagner mula Russia na nakatalaga kasama ang puwersang Malian ay naiulat na kabilang sa mga nasawi.

Ang matitinding pagkatalo ay posibleng naging sanhi ng pagtatapos ng misyon ng Wagner, na nagpapahiwatig na ang presyur sa labanan ay maaaring nagtulak sa Russia na umatras, ayon kay Rida Lyammouri, isang Sahel scholar ng Policy Center for the New South sa Morocco, sa panayam ng Associated Press.

"Ang kawalan ng opisyal at anunsyo mula sa mga awtoridad ng Mali at Wagner ay itinuturing na posibleng indikasyon ng panloob na hidwaan na nagdulot sa biglaang desisyong ito," aniya. "Kasabay nito, maaaring ito ay nagpapahiwatig ng isang bagong balangkas para sa presensya ng Russia sa bansa."

Kinumpirma ng mga opisyal sa larangang diplomatiko at panseguridad sa AFP noong Hunyo 8 na ang mga pwersang Wagner ay hindi na aktibo sa Mali, at ang kanilang mga operasyon ay pinalitan na ng isang bagong pangkat mula Russia, ang Africa Corps, na ngayon ay direktang nasa ilalim ng Russian Defense Ministry."

Ayon sa isang Telegram account na konektado sa Wagner: "Tapos na ang misyon. Pauwi na ang PMC [Private military company] Wagner."

Sa kabila ng pagsisikap ng Kremlin na ipakilala ang hakbang bilang bahagi ng isang repormang estruktural, malinaw na ipinahihiwatig ng tiyempo nito ang isang sapilitang reorganisasyon bunga ng kabiguan sa operasyon.

Opisyal na pahayag ng Moscow -- na ang ugnayan nito sa Mali ay limitado lamang sa mga instruktor ng militar -- patuloy na sumasalungat sa mga ulat mula sa labanan. Noong Hunyo 9, iniwasan ni Kremlin spokesman Dmitry Peskov ang mga tanong hinggil sa pag-atras ng Wagner, sa halip ay nagbigay ng malabong katiyakan kaugnay ng pinalakas na kooperasyong militar sa mga bansa sa Africa.

Ang namumunong junta ng Mali, na nakuha ang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga kudeta noong 2020 at 2021, ay tinapos ang ugnayan nito sa dating kolonyalistang France at lumapit sa Russia para sa suportang politikal at militar.

Mararahas na pamamaraan

Matagal nang ginagamit ng Kremlin ang mga mersenaryong Wagner upang isakatuparan ang mga layuning militar nito, habang nananatili ang hukbong sandatahan ng Russia sa loob ng bansa, at ang mga mersenaryong Wagner ay gumanap ng mahalagang papel sa mga unang yugto ng pananakop ng Russia sa Ukraine.

Gayunpaman, ang Wagner, na pinakakilalang grupong mersenaryo ng Russia, ay binuwag at isinailalim sa muling estruktura matapos mabawian ng buhay ang pinuno nitong si Yevgeny Prigozhin sa isang kahina-hinalang pagbagsak ng eroplano noong Agosto 2023, kasunod ng panandaliang rebelyon laban sa Moscow.

Hindi kailanman opisyal na kinilala ng pamahalaan ng Mali ang presensiya ng Wagner, at iginiit nitong nakikipagtulungan lamang ito sa mga instruktor ng militar ng Russia.

Iniurong ng France ang 2,400 nitong sundalo mula sa Mali noong 2022 matapos lumala ang relasyon sa namumunong junta at tumaas ang sentimyentong laban sa France sa hanay ng publiko.

"Nananatiling nasa Kremlin ang kontrol," sinabi ng isang opisyal sa larangang diplomatiko sa rehiyon ng Sahel sa AFP.

"Ang karamihan sa mga tauhan ng Wagner sa Mali, na nagmula sa Russia, ay muling isasama sa Africa Corps at mananatili sa mga kabisera ng rehiyon sa hilaga at sa Bamako."

Sa loob ng mahigit tatlong taon, dumepende ang Mali sa Wagner upang labanan ang mga rebeldeng pumatay ng libu-libong katao sa buong bansa.

"Wagner kahapon o Africa Corps ngayon, iisa pa rin ang aming kinakausap—ang sentro na kapangyarihan sa Russia; ang Kremlin, kung tutuusin," ayon sa isang opisyal ng seguridad sa Mali na nakausap ng AFP noong Hunyo 8.

Ang mararahas na pamamaraan ng grupong paramilitar ng Russia sa Mali ay madalas na kinukondena ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao.

Isang ulat ng United Nations ang nagsiwalat na pinaslang ng mga hukbong sandatahan ng Mali at mga dayuhang mandirigma ang hindi bababa sa 500 lokal na residente noong Marso 2022 sa isang operasyon laban sa mga rebelde sa Moura -- isang paratang na itinanggi ng namumunong junta.

Ang mga dayuhang mandirigma ay kinilalang mga mersenaryo ng Wagner, ayon sa mga pamahalaang Kanluranin.

Noong nakaraang Abril, may mga bangkay na natagpuan malapit sa kampo militar ng Mali, ilang araw matapos dakpin ng hukbong sandatahan at mga paramilitar ng Wagner ang dose-dosenang sibilyan, karamihan ay mula sa komunidad ng Fulani.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *