Bantay-Krisis

Daan-daang sibilyan sa Mali inabuso ng mga mersenaryong Wagner ng Russia: ulat

Isiniwalat ng imbestigasyon na ang ilegal na detensiyon at pang-aabuso, na minsan ay nauuwi sa kamatayan, ay kahalintulad ng mga kalupitang nangyari sa Ukraine at Russia.

Mga tagasuporta ng junta may dalang banner at sumisigaw ng slogan habang nagpoprotesta ang mga oposisyon laban sa posibleng pagbuwag ng mga awtoridad militar ng Mali sa Bamako noong Mayo 3. Bumaling ang namumunong junta sa mga mersenaryong Russian para sa suporta matapos maupo sa kapangyarihan. [AFP]
Mga tagasuporta ng junta may dalang banner at sumisigaw ng slogan habang nagpoprotesta ang mga oposisyon laban sa posibleng pagbuwag ng mga awtoridad militar ng Mali sa Bamako noong Mayo 3. Bumaling ang namumunong junta sa mga mersenaryong Russian para sa suporta matapos maupo sa kapangyarihan. [AFP]

Ayon sa Global Watch at AFP |

DAKAR, Senegal -- Sa higit tatlong taon sa Mali, daan-daang sibilyan ang dinakip, idinetine, at inabuso ng paramilitar ng Russia na Wagner Group, kabilang na sa mga dating base ng United Nations (UN) at mga kampo ng hukbong pambansa, ayon sa ulat na inilathala noong Hunyo 12 ng isang grupo ng mga mamamahayag.

Ang mga biktima, na kinapanayam ng isang samahan ng mga mamamahayag na pinamumunuan ng investigative outlet na Forbidden Stories, ay nagsalaysay ng kanilang mga karanasan sa isang kampo ng refugee sa kalapit na Mauritania, tulad ng pagbuhos ng tubig sa mukha upang lunurin, pananakit gamit ang kawad ng kuryente, at pagpaso gamit ang mga upos ng sigarilyo.

Isiniwalat ng imbestigasyon na ang ilegal na detensiyon at pang-aabuso, na minsan ay nauuwi sa kamatayan, ay kahalintulad ng mga kalupitang nangyari sa Ukraine at Russia.

Ayon sa imbestigasyong isinagawa kasama ang France 24, Le Monde, at iStories, natukoy ang anim na lugar ng detensiyon kung saan ikinulong ang mga sibilyan ng grupong paramilitar ng Russia mula 2022 hanggang 2024, ngunit maaaring mas mataas pa ang aktwal na bilang.

Ang namumunong junta ng Mali, na nakuha ang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga kudeta noong 2020 at 2021, ay tinapos ang ugnayan sa dating kolonyalistang France at bumaling sa Russia para sa suportang politikal at militar matapos maupo sa kapangyarihan.

Hindi kailanman opisyal na kinilala ng bansa ang presensiya ng Wagner, at iginiit nitong nakikipagtulungan lamang ito sa mga instruktor ng militar ng Russia.

Mga ulat ng pagpaslang

Gayunpaman, noong nakaraang linggo, isang Telegram channel na konektado sa Wagner ang nag-anunsyo na aalis na sa Mali ang grupong paramilitar ng Russia.

Ang mga tauhan nito ay isasama sa kapalit nitong Africa Corps, isa pang grupong paramilitar na may koneksyon sa Kremlin, ayon sa mga opisyal sa larangang diplomatiko at panseguridad sa AFP.

Sa loob ng mahigit tatlong taon, inasahan ng Mali ang Wagner upang labanan ang mga rebeldeng pumatay ng libu-libong katao sa buong bansa.

Ang mararahas na pamamaraan ng grupong paramilitar sa Mali ay madalas na kinukondena ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao.

Inakusahan ng isang ulat ng United Nations na pinaslang ng mga hukbong sandatahan ng Mali at mga dayuhang mandirigma ang hindi bababa sa 500 katao noong Marso 2022 sa isang operasyon laban sa mga rebelde sa Moura -- isang paratang na itinanggi ng junta.

Ang mga dayuhang mandirigma ay kinilalang mga mersenaryo ng Wagner, ayon sa mga pamahalaang Kanluranin.

Noong nakaraang Abril, may mga bangkay na natagpuan malapit sa kampo militar ng Mali, ilang araw matapos dakpin ng hukbong sandatahan at mga paramilitar ng Wagner ang dose-dosenang sibilyan, karamihan ay mula sa komunidad ng Fulani.

Ang pag-alis ng Wagner sa Mali ay kasunod ngmatitinding pagkatalo ng mga sundalong Malian at mga mersenaryo ng Russia sa mga kamakailang sagupaan laban sa mga rebelde.

Mga pagkatalo ng Wagner

Noong huling bahagi ng Mayo, isang matinding pag-atake ang isinagawa ng grupong Jama'at Nasr al-Islam wal Muslimin (JNIM), na konektado sa al-Qaeda, sa isang Malian na base militar sa gitnang bahagi ng Mali, kung saan dose-dosenang sundalo ang napatay.

Ang mga mersenaryong Wagner mula Russia na nakatalaga kasama ang puwersang Malian ay naiulat na kabilang sa mga nasawi.

Ang matitinding pagkatalo ay posibleng naging sanhi ng pagtatapos ng misyon ng Wagner, na nagpapahiwatig na ang hirap sa labanan ay maaaring nagtulak sa Russia na umatras, ayon kay Rida Lyammouri, isang Sahel scholar ng Policy Center for the New South sa Morocco, sa panayam ng Associated Press.

"Ang kawalan ng opisyal at magkasanib na pahayag mula sa mga awtoridad ng Mali at Wagner ay itinuturing na posibleng indikasyon ng panloob na hidwaan na nagdulot sa biglaang desisyong ito," aniya. "Kasabay nito, maaaring ito ay nagpapahiwatig ng isang bagong organisadong plano para sa presensya ng Russia sa bansa."

Matagal nang ginagamit ng Kremlin ang mga mersenaryong Wagner upang isakatuparan ang mga layuning militar nito, habang nananatili ang hukbong sandatahan ng Russia sa loob ng bansa, at ang mga mersenaryong Wagner ay gumanap ng mahalagang papel sa mga unang yugto ng pananakop ng Russia sa Ukraine.

Gayunpaman, ang Wagner, na pinakakilalang grupong mersenaryo ng Russia, ay binuwag at isinailalim sa muling estruktura matapos mabawian ng buhay ang pinuno nitong si Yevgeny Prigozhin sa isang kahina-hinalang pagbagsak ng eroplano noong Agosto 2023, kasunod ng panandaliang rebelyon laban sa Moscow.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *