Pandaigdigang Isyu

Desperado sa kapangyarihan: Russia, kapit sa Red Sea base deal sa Sudan na wasak sa digmaan

Sa gitna ng digmaang sibil at kaguluhang politikal, ang kakayahan ng Sudan na mabigyan ang Russia ng isang mahalagang naval base sa isang pangunahing ruta ng barko ay matinding pinagdududahan.

Sina Foreign Minister Sergey Lavrov (R) ng Russia at ang dating Foreign Minister Ali Yusuf Ahmed al-Sharif (L) ng Sudan, ay nagbigay ng pahayag sa mga kaganapan sa labas ng isang news conference sa Moscow noong Pebrero 12. Idineklara ni Al-Sharif sa naturang pagpupulong na 'lubos kaming magkasundo' sa kasunduan ng naval base kasama ang Russia. [Maxim Shemetov/AFP]
Sina Foreign Minister Sergey Lavrov (R) ng Russia at ang dating Foreign Minister Ali Yusuf Ahmed al-Sharif (L) ng Sudan, ay nagbigay ng pahayag sa mga kaganapan sa labas ng isang news conference sa Moscow noong Pebrero 12. Idineklara ni Al-Sharif sa naturang pagpupulong na 'lubos kaming magkasundo' sa kasunduan ng naval base kasama ang Russia. [Maxim Shemetov/AFP]

Ayon kay Tony Wesolowsky |

Russia, hinaharap ang tumitinding pag-iisa sa pamahalaang pandaigdig at ang pagbagsak ngmatagal nitong pinanghahawakang puwersa sa Syria, ay muling isinusulong ang matagal nitong pagsusumikap na magkaroon ng naval base sa Sudan — isang delikadong hakbang na maaaring magpahiwatig ng labis na paglawak ng estratehiya sa halip ng kapangyarihan.

Mabibigyan ng base ang Moscow ng mahalagang puwestosa Red Sea, isang makitid na daanan para sa pandaigdigang kalakalan at daloy ng enerhiya. Maaari rin nitong palawakin ang nasasaklawan sa Africa at Middle East, kahit sa papel lamang.

Ang ganoong hakbang, ayon sa Robert Lansing Institute, isang security think tank na base sa Washington, DC, ay mag-iiwan ng bakas ng "makasaysayang pag-unlad sa geopolitika pagkatapos ng Cold War” na posibleng magpamalas ng makabuluhang pagpapalawak ng bakas militar ng Russia.

Noong Pebrero, sinabi ng dating Foreign Minister ng Sudan na si Ali Yusuf Ahmed al-Sharif, na ang Sudan ay may "lubos na kasunduan" sa Russia at ang plano ay “walang hadlang” na hinaharap, sa isang news conference kasama si Russian Foreign Minister Sergey Lavrov sa Moscow.

Hindi nagtagal sa tungkulin bilang foreign minister si Al-Sharif. Itinalaga siya ni Hen. Abdel al-Fattah al-Burhan noong nakaraang Nobyembre at sinibak sa puwesto noong Abril 17. Hindi umabot ng limang buwan ang kanyang panunungkulan sa tungkulin.

Ang Transitional Sovereignty Council ay pinamumunuan ni Al-Burhan at ang malaking bahagi ng Sudan ay nasa kanyang kontrol, subalit hindi lahat.

Bansang nasa krisis

Ang mga pahayag ni Al-Sharif ay nagmungkahi na ang mga planong matagal nang binubuo ng Russia para magtayo ng base sa Port Sudan ay patuloy na umuusad pagkatapos ng ilang taong pagkaantala.

Sa kabila ng kumpiyansa ni Al-Sharif, hindi pa kinumpirma ng Kremlin ang pagpirma ng kasunduan. Hindi rin malinaw kung ang Sudan, isang bansang tinatamaan ng digmaang sibil at kaguluhang politikal, ay may kakayahang tuparin ang naturang kasunduan.

Ang mga negosasyon sa pagitan ng Moscow at Khartoum ay nagsimula noong 2017 sa ilalim ng dating Presidenteng Omar al-Bashir. Napagkasunduan ng dalawang panig ang isang paunang kasunduan noong 2020 ngunit hindi ito naisakatuparan. Mula noon, ang Sudan ay bumulusok sa kaguluhan, kung saan nakipaglaban ang hukbo laban sa paramilitaryong Rapid Support Forces (RSF) sa isang digmaang sumiklab noong Abril 2023.

Itinuturing na ito ngayong pinakamatinding krisis pangmakatao sa mundo, ayon sa United Nations. Hindi bababa sa 20,000 katao ang nasawi at 12 milyon ang nawalan ng tirahan, kabilang ang humigit-kumulang 3 milyon na tumakas patungo sa mga karatig-bansa.

Ang awtoridad ni Al-Burhan sa Sudan ay tinutulan hindi lamang ng RSF kundi pati ng mga grupong oposisyon at mga sibilyan na tumatanggi sa hindi halal na pamumunong militar.

Bilang resulta, ang pahayag ni al-Sharif na "walang hadlang" ang kasunduan sa base ay hindi pa ganap na tinatanggap ng lahat.

Pagkasira ng ibang mga kasunduan

Sa katunayan, lumalala ang labanan sa kapangyarihan sa loob ng Sudan. Noong Abril 15, inihayag ni RSF commander Hen. Mohamed Hamdan Dagalo na magtatayo ang kanyang mga puwersa ng sarili nilang pamahalaan sa mga lugar na kanilang nasasakupan, na maaaring magdulot ng paghahati ng bansa sa dalawang panig.

Naranasan na ng militar ng Sudan ang pagkasira ng mga banyagang kasunduan. Noong Nobyembre ng nakaraang taon, ibinasura ng Sudan ang isang $6 bilyong kasunduan sa port sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa mga akusasyong nagbibigay ang UAE ng armas sa RSF. Ipinapakita ng insidenteng ito kung gaano kabilis maaaring mawasak ang mga panlabas na kasunduan sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa loob ng Sudan.

Bukod sa kaguluhang politikal, masalimuot ang lohistika ng pagtatayo ng isang naval base sa isang war zone.

"Simula ng pagbukas ng Suez Canal noong 1869, maaaring wala nang mas stratehikong anyong-tubig sa mundo na mas mahalaga pa sa Red Sea," banggit ni analyst James McGregor sa isang artikulo para sa Jamestown Foundation, isang US think tank noong Marso 6.

Ngunit binigyang-diin ni McGregor ang mga hamon sa operasyon na haharapin ng Russia.

"Mayroon ding usapin tungkol sa suplay na dumadaan sa lupa mula Khartoum patungong Port Sudan, na pangunahing umaasa sa isang kalsada na dati nang hinarangan ng mga nagpoprotestang Beja," isinulat niya, na tinutukoy ang isang grupong tribo sa silangang Sudan na may matagal nang hinaing sa ekonomiya at pulitika.

Mga kabiguan ng Russia

Bukod sa mga suliraning lohistikal na dulot ng transportasyong panlupa, haharap din ang Russia sa iba pang mga hamon, paliwanag ni Paton Nikiforov, isang political analyst sa Middlee East. Wala umanong maaasahang planta ng kuryente sa Sudan na kayang mag-supply ng enerhiya para sa isang malaking bagong pasilidad pandagat, aniya.

"Mahirap sabihin kung ang Moscow, na nakatutok sa pagbabalik ng mga base bilang isang mahalagang katangian ng makapangyarihang militar, ay unang sumuri ng mga panganib o nagpatuloy lamang ng kilos," isinulat ni Nikiforov sa isang artikulo na inilathala noong Pebrero 25 sa Riddle Russia, isang online na journal.

"Bago pa ang pagbabago ng kapangyarihan sa Syria at ang pagsalakay sa Ukraine, ang pag-supply ng isang pasilidad ay hindi madaling gawain. Ngayon, mas lalong masalimuot ito."

Ang hangarin ng Russia na palawakin ang impluwensiya nito sa Africa at Middle East ay lalong tumindi dahil sa mga kabiguan kamakailan.

Ang pagpapatalsik kay Pangulong Bashar al-Assad ng Syria noong nakaraang Disyembre ay nagdulot ng pagdududa sa hinaharap ng mga pasilidad pandagat at panghimpapawid ng Russia sa Syria. Kasabay nito, patuloy na nababaon ang Moscow sa giyera nito sa Ukraine, lalo pang pinipiga ang kanilang militar at ekonomikong kakayahan.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *