Pandaigdigang Isyu

Labanan ng paramilitary drone sa Sudan: Iran target ang Red Sea para sa base

Habang tumitindi ang marahas na digmaang sibil sa Sudan, sinasamantala ng Tehran ang kaguluhan upang palawakin ang impluwensiya nito sa rehiyon.

Mga sundalong Sudanese noong Mayo 26, nakaupo sa tuktok ng isang nakahintong tangke matapos masakop ang isang base ng katunggaling paramilitar na Rapid Support Forces (RSF). Nilisan ng RSF ang Salha sa Omdurman, kalapit na lungsod ng kabisera ng Sudan, noong Mayo 26. Mahigit dalawang taon nang naglalaban ang hukbong Sudan at ang RSF na nagdulot ng matinding pinsala sa bansa. [Ebrahim Hamid/AFP]
Mga sundalong Sudanese noong Mayo 26, nakaupo sa tuktok ng isang nakahintong tangke matapos masakop ang isang base ng katunggaling paramilitar na Rapid Support Forces (RSF). Nilisan ng RSF ang Salha sa Omdurman, kalapit na lungsod ng kabisera ng Sudan, noong Mayo 26. Mahigit dalawang taon nang naglalaban ang hukbong Sudan at ang RSF na nagdulot ng matinding pinsala sa bansa. [Ebrahim Hamid/AFP]

Ayon sa Global Watch at AFP |

Mga pag-atake ng paramilitary drone na pinupuntirya ang kabisera ngSudan ay layuning sirain ang seguridad ng regular na hukbo at buksan ang bagong mapanganib na yugto sa digmaan, ayon sa mga analyst.

Mula Abril 2023, naglalaban ang Rapid Support Forces (RSF) at ang hukbo, na kamakailan ay muling nabawi ang ilang teritoryo at naalis ang mga paramilitar mula sa kabisera, Khartoum.

Tila lamang ang hukbo bago sumapit ang Mayo 11, nang simulang bombahin ng mga drone ang mahahalagang imprastruktura sa Port Sudan, ang sentro ng pamahalaang suportado ng hukbo sa baybayin ng Red Sea.

Sa araw araw na pag-atake sa lungsod mula noon, nais ipakita ng RSF ang lakas nito, sirain ang kredibilidad ng hukbo, putulin ang daloy ng suplay ng hukbo, at ipakita ang pagiging lehitimong pwersa, ayon sa mga tagamasid.

"Layunin nito ang pahinain ang kakayahan ng hukbo na magbigay ng kaligtasan at seguridad sa mga lugar na kanilang nasasakupan," kaya’t napahihintulutan ang RSF na palawakin ang digmaan "nang hindi pisikal na naroroon" ayon kay Sudanese analyst Kholood Khair.

Sa loob ng dalawang taon, ang mga paramilitar ay umaasa sa mga biglaang pag-atake sa lupa,na lusubin at lupigin ang depensa ng hukbo sa mararahas na kampanya ng pananakop.

Ngunit matapos mawalan ng halos buong Khartoum noong Marso, binago ng RSF ang taktika at gumamit ng pangmalayong pag-atake sa himpapawid.

Gamit ang mga armas na ayon sa militar ay mula sa United Arab Emirates (UAE), tinamaan ng RSF ang mahahalagang lugar na daan-daang kilometro ang layo mula sa kanilang mga posisyon sa laylayan ng kabisera.

Ang pagbabago ng taktika ng RSF ay itinuturing na isang "estratehikong pag-aangkop" at "kung hindi man desperasyon, ay pangangailangan," ayon kay Michael Jones, isang research fellow sa Royal United Services Institute sa London.

Estratehikong kabiguan

"Ang pagkawala ng Khartoum ay itinuturing na isang estratehiko at simbolikong kabiguan," sinabi niya sa AFP.

Bilang tugon, kinakailangang magpadala ng RSF ng "mensaheng hindi pa tapos ang digmaan," ayon kay Sudanese analyst Hamid Khalafallah.

Ang alitan sa pagitan ng hindi opisyal na pinuno ng Sudan, army chief Abdel Fattah al-Burhan, at kanyang dating deputy, RSF commander Mohamed Hamdan Daglo, ay nagdulot sa paghahati ng ikatlong pinakamalaking bansa sa Africa sa dalawang bahagi.

Hawak ng militar ang sentro, hilaga, at silangan, habang sakop ng RSF ang halos buong kanlurang rehiyon ng Darfur at, kasama ang mga kaalyado, ang ilang bahagi ng katimugan.

"Malabong mabawi ng RSF ang Khartoum o maglakbay sa lupa patungong Port Sudan, ngunit ang mga drone ay nagdudulot ng takot at kaguluhan sa mga lungsod" na dati’y itinuturing na ligtas, sinabi ni Khalafallah sa AFP.

Gamit ang mga drone at umaali-aligid na munisyon, maaari nitong "maabot ang mga lugar na hindi pa matagumpay na nasusubukang pasukin,' ani Jones.

Ayon sa isang retiradong heneral ng Sudan, kilala ang RSF sa paggamit ng dalawang uri ng drone -- mga sariling-gawang magaan na modelo na may 120mm mortar rounds na sumasabog kapag natamaan, at mga long-range drone na kayang magdala ng mga guided missiles, kabilang na ang CH95 na gawang Chinese.

Ang "Chinese GB50A guided bombs at 155mm AH-4 howitzers" na ginamit ng RSF sa Khartoum at Darfur ay mula sa UAE, ayon sa ulat ng Amnesty International na inilabas noong Mayo 15.

Pagsalba sa buhay ng mga sundalo

Ang mga ugnayang diplomatiko ng pamahalaan ng Sudan sa Gulf state ay pinutol noong Mayo 13, at inakusahan ito ng pagbibigay ng mga modernong armas na ginamit sa pag-atake ng RSF sa Port Sudan.

Paulit-ulit na itinanggi ng Abu Dhabi ang pagbibigay ng armas sa RSF, sa kabila ng mga ulat mula sa mga eksperto ng United Nations, mga politiko ng US, at mga internasyonal na organisasyon.

Kasabay nito,sinasamantala ng Iran ang kaguluhang dulot ng digmaang sibil sa Sudan para sa sariling interes.

Layunin ng Tehran na magkaroon ng permanenteng presensya sa Red Sea sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa hukbong Sudanese at pagbibigay ng direktang suporta, ayon kay analyst Tareq Alotaiba, sa isinulat niyang blog noong Marso 3 para sa Arab Gulf States Institute sa Washington.

Mahalaga ang Red Sea sa pandaigdigang ekonomiya, aniya, dahil nagdadala ito ng 15% ng pandaigdigang kalakalan sa dagat at 12% ng langis na ibinibiyahe sa dagat sa pamamagitan ng Suez Canal, na nag-uugnay sa Mediterranean Sea at Indian Ocean.

Nagdulot ng pagkakawatak-watak ang digmaang sibil sa Sudan, habang sinasamantala ng Iran ang pagkakataon upang makipagtulungan sa pamahalaan ni al-Burhan, ayon kay Alotaiba.

Habang si Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi ay hayagang nagpahayag ng suporta para sa nalulugmok na pamahalaan ng Sudan at nangakong magbibigay ng pamumuhunan, isang kasunduang militar ang maaaring tunay na layunin ng Tehran.

Hindi tulad ng Djibouti, Eritrea and Somalia -- kung saan maraming bansa ang may mga base ng hukbong-dagat -- ang Sudan ay may maliit na presensya lamang ng Russia, na ginagawang isang perpektong lokasyon para sa Iran upang palawakin ang impluwensiya nito, ayon kay Alotaiba.

Ang pagkakaroon ng base doon ay maglalapit sa mga pwersang Iranian sa daungan ng Jeddah sa Saudi.

Ang presensya sa Red Sea ay susi sa umuusbong na estratehiyang heopolitikal ng Iran sa Middle East, kung saan ang mga atake ng mga Houthis na may suporta mula sa Iran sa mga barko ay nagpapakita ng mga benepisyo ng pampulitikang kapangyarihan at pagtangkilik ng mga bansang nagsusuporta.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *