Pandaigdigang Isyu
Ipokritong Moscow kinondena ang pag-atake ng US sa Iran pero binomba ang mg sibilyan sa Kyiv
Ang pag-atake ay agad naging mitsa upang tuligsain ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa pagiging ipokrito ng Moscow matapos nitong binatikos ang United States sa pagbomba sa mga pasilidad nukleyar ng Iran.
![Inaalis ng mga rescuer ng Ukraine ang mga sirang bahagi ng isang apartment building habang nagsasagawa ng paghahanap sa lugar na lubhang nasira matapos tamaan ang Kyiv noong Hunyo 23, sa gitna ng patuloy na pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Naglunsad ang Russia ng 352 drone at 16 na missile laban sa Ukraine sa loob ng isang gabi, na ikinamatay ng hindi bababa sa pitong tao sa kabisera ng Kyiv at mga kalapit na lugar. [Genya Savilov/AFP]](/gc7/images/2025/06/24/50928-urkaine_drone-370_237.webp)
Ayon sa AFP at Global Watch |
Ilang oras lamang matapos kondenahin ni Russian President Vladimir Putin ang mga US air strike sa Iran bilang “walang dahilan” at “hindi makatarungan,” sinimulan ng kanyang militar ang isang malaking pambobomba sa Kyiv sa magdamag, pinulbos ang kabisera ng Ukraine gamit ang mga drone at missile sa isa sa pinakamalaking pag-atake nitong mga nakaraang buwan.
Nagsasalita sa Moscow noong Hunyo 23 sa isang pagpupulong kasama si Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi, binatikos ni Putin ang mga hakbang ng America, sinasabing: "Hindi makatarungan ang ganitong walang dahilang agresyon laban sa Iran."
Gayunpaman, hindi niya binanggit ang sabay-sabay na pag-atake ng Russia sa Kyiv noong umagang iyon.
"Isa na namang malawakang pag-atake sa kabisera. Posibleng ilang bugso ng mga drone ng kaaway," sinabi ni Kyiv military administrator Tymur Tkachenko sa Telegram noong Hunyo 22 matapos magsimula ang pag-atake.
Inihayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na pinasimulan ng Russia ang 352 unmanned aerial vehicle -- kabilang ang mga drone na idinisenyo ng Iran -- at 16 na missile laban sa Ukraine, dagdag pa niya naang ilan sa mga sandatang ito ay ibinigay sa Moscow ng North Korea..
'Nakakatakot'
Ang mga mamamahayag ng AFP ay narinig ang mga drone na lumilipad sa himpapawid ng kabisera at mga pagsabog na umalingawngaw habang nagpapatuloy ang pambobomba magdamag.
Si Kyiv resident Natalia Marshavska, na hindi nakatulog dahil sa pag-atake, ay inilarawan sa AFP kung paano ang ugong ng isang drone ay unti-unting lumakas hanggang sa ito’y marinig na direktang nasa itaas nila.
"Napansin kong nasa mismong itaas na pala namin. Pagkatapos, may pagsabog -- nangyari lahat sa loob lang ng ilang segundo," aniya.
Inihagis siya ng pagsabog sa kabilang silid at nabasag ang mga bintana ng kanyang apartment bago nagsimulang kumalat ang makapal na usok sa paligid, dagdag niya.
"Nakakatakot."
Ayon sa Russian army, gumamit sila ng mga precision weapon at unmanned aerial vehicle sa pag-atake ng mga pasilidad militar ng Ukraine, at sinabing “lahat ng itinakdang target ay nawasak.”
Ang pag-atake ay agad naging mitsa upang tuligsain ni Zelenskyy sa pagiging ipokrito ng Moscow:
“Matapos ang mga [US] air strike sa mga pasilidad nukleyar ng Iran, nagkaroon ng matinding protesta mula sa Moscow -- pakitang-taong kinondena ng pamunuan ng Russia ang mga aksyong ‘missile-at-bomba’” sinabi niya sa isang post sa X. “Ngayon, tahimik ang Moscow matapos magsagawa ang Russian army ng mapanlinlang na pag-atake gamit ang mga Russian-Iranian Shahed drone at missile laban sa imprastrukturang sibilyan sa Kyiv at sa iba pa naming mga lungsod at komunidad.”
Pinuri ng Moscow ang ugnayan sa Iran
Isang araw lamang bago ang pag-atake sa Kyiv, ang Foreign Ministry ng Russia ay naglabas ng matinding pahayag laban sa mga US air strike sa mga pasilidad nukleyar ng Iran.
“Ang iresponsableng desisyon na gamitan ng mga missile at bomba ang mga teritoryo ng isang soberanyang bansa, kahit ano pang mga dahilan, ay matinding paglabag sa internasyonal na batas, sa Charter ng U.N., at sa mga resolusyon ng U.N. Security Council,” ayon sa pahayag ng ministry sa kanilang website.
Inilarawan pa ng pahayag ang operasyon ng US bilang “isang mapanganib na pagpapalala” na nagpapahina sa seguridad ng rehiyon at buong mundo.
Sumang-ayon si Kremlin spokesperson Dmitry Peskov sa naturang pananaw ilang sandali bago ang pulong ni Putin kay Araghchi:
"Nagkaroon ng panibagong pag-igting ng tensyon sa rehiyon, at siyempre, kinokondena namin ito at ipinapahayag ang aming labis na pagdadalamhati kaugnay nito.”
Sa kabila ng matitinding pahayag ng Russia, hindi nag-alok si Putin ng tulong sa Tehran. “Inaalok namin ang aming serbisyo bilang tagapamagitan,” ayon kay Peskov, at idinagdag niya na ang anumang suporta ay “nakadepende sa pangangailangan ng Iran.”
Nang tanungin kung maaapektuhan ng mga US air strike sa Iran ang ugnayan ng Moscow at Washington, itinanggi ni Peskov ang pag-aalala: “Magkaibang mga isyu iyon.”
Inilagay ni Putin ang kanyang sarili bilang tagapamagitan ng Iran at Israel, bagamat tinanggihan ito ng mga opisyal ng US. Sa pagpupulong noong Hunyo 23, ipinahayag ni Araghchi ang pasasalamat sa Moscow para sa kanilang pagkakaibigan:
"Ang Russia ay katuwang at kaagapay" ng Tehran, aniya, na pinupuri ang “napakalapit at matagal nang" ugnayan ng dalawang bansa.
Hindi ipinaliwanag ni Putin kung anong uri ng suporta ang maaaring ibigay ng Russia, isinaad lamang: “Kami... ay nagsusumikap na tumulong sa sambayanang Iranian.”
Samantala, habang nananatiling hindi inilulunsad ang mga missile ng Iran, ang mga drone ng Russia -- na karamihan ay batay sa disenyo ng Iran -- ang patuloy na bumabagsak sa mga lungsod ng Ukraine.