Pandaigdigang Isyu

Turismo sa N. Korea inilunsad sa kabila ng paghihirap ng bansa

Ang matinding pagkakasalungat sa pagitan ng mga marangyang pag-unlad sa baybayin at ng malawakang pangangailangang makatao sa bansa ay nagpapahiwatig ng matinding pangangailangan ng North Korea.

Mga lokal na turista habang pinanonood ang isang lalaking dumausdos sa swimming pool sa Myongsasimni Water Park sa Wonsan Kalma Coastal Tourist Area sa Wonsan, North Korea, noong Hulyo 2. Binuksan ng North Korea ang isang malaking resort sa silangang baybayin, na iniulat na proyekto ni Kim Jong Un para sa pagtanggap ng mga turistang Russian sa katapusan ng buwan. [Kim Won Jin/AFP]
Mga lokal na turista habang pinanonood ang isang lalaking dumausdos sa swimming pool sa Myongsasimni Water Park sa Wonsan Kalma Coastal Tourist Area sa Wonsan, North Korea, noong Hulyo 2. Binuksan ng North Korea ang isang malaking resort sa silangang baybayin, na iniulat na proyekto ni Kim Jong Un para sa pagtanggap ng mga turistang Russian sa katapusan ng buwan. [Kim Won Jin/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Inilunsad ng North Korea kamakailan ang isang malawak na beach resort sa silangang baybayin -- isang marangyang proyekto na inilunsad sa gitna ng lumalalang krisis sa bansa na kinapapalooban ng kakulangan sa gamot, tumataas na malnutrisyon ng mga bata, at malawakang kagutuman.

Tinaguriang "Waikiki ng North Korea" ng media sa South Korea, ang Wonsan Kalma Coastal Tourist Area ay kayang tumanggap ng halos 20,000 bisita, ayon sa Pyongyang, na dating inilalarawan bilang "isang pandaigdigang kalidad na pook-pasyalang pangkultura."

Nagpakita si Pangulong Kim Jong Un ng matinding interes sa pagpapaunlad ng industriyang panturismo ng North Korea sa mga unang taon ng kanyang pamumuno, at ang resort area sa baybayin ang naging partikular na pokus.

Binuksan ang pook-pasyalan para sa mga lokal na turista noong Hulyo 2, ayon sa opisyal na Korean Central News Agency ng Pyongyang, inilathala nila ang mga larawan ng mga turista na nakasuot ng makukulay na swimsuit habang nagsasaya sa dalampasigan.

Pera bago bayan

Dumagsa ang mga North Korean ng iba’t ibang edad mula buong bansa na "puno ng saya sa pagdanas ng isang bagong antas ng sibilisasyon," ayon sa ulat ng KCNA.

Ang mga bisita ay "namangha sa karangyaan ng lungsod-pasyalan, kung saan higit sa 400... na mga gusaling may artistikong disenyo ang nakahanay sa puting buhangin ng dalampasigan," dagdag nito.

Gayunpaman, sa kabila ng mapang-akit na bagong resort, nananatiling nasa krisis ang malaking bahagi ng bansa.

Ipinahayag ng mga ospital ang kakulangan sa mahahalagang gamot, tumataas na malnutrisyon ng mga sanggol, at madalas na pagkawala ng kuryente o malinis na tubig sa mga rural na klinika. Ayon sa United Nations (UN), halos 46% ng populasyon ng North Korea -- mga 11.8 milyong tao --ang kulang sa sustansya.

“Humaharap ang bansa sa matagal nang kakulangan sa pagkain dahil sa lumang imprastruktura, kakulangan sa teknolohiya at kasanayan, mga kalamidad, at kakulangan sa pamumuhunan upang tugunan ang mga suliraning ito,” ani Elizabeth Salmon, espesyal na tagapag-ulat ng UN para sa karapatang pantao sa North Korea, sa isang kamakailang ulat.

Ang matinding pagkakasalungat sa pagitan ng mga marangyang pag-unlad sa baybayin at ng malawakang pangangailangang makatao sa bansa ay nagpapahiwatig ng matinding pangangailangan ng North Korea. Dahil hiwalay sa pandaigdigang ekonomiya at labis na umaasa sa mga alyansang militar -- lalo na sa Russia -- tila itinuturing ng Pyongyang ang turismo bilang isang mahalagang pinagkukunan ng banyagang salapi habang pinababayaan ang mga pangunahing pangangailangan ng sariling mamamayan.

Ayon sa Yonhap news agency ng South Korea, isang grupo ng mga turistang Russian ang nakatakdang bumisita sa naturang lugar sa North Korea sa kauna-unahang pagkakataon noong Hulyo 7.

Ayon sa unification ministry ng South Korea, na namamahala sa ugnayan sa North, ang operasyon ng pasilidad ay "inaasahang unti-unting palalawakin," kabilang na ang pagtanggap ng mga turistang Russian.

Noong huling bahagi ng Hunyo, sinabi ni Kim na ang pagtatayo ng lugar ay maitatala bilang "isa sa pinakamalalaking tagumpay ngayong taon" at magtatayo pa raw ang North Korea ng mas marami pang malalawak na pook-pasyalan "sa pinakamaikling panahon."

Sa mga naunang inilabas na larawan ay makikitang nakaupo si Kim sa isang upuan -- kasama ang kanyang anak na si Ju Ae at ang asawang si Ri Sol Ju -- habang pinanonood ang isang lalaking dumausdos sa water slide sa resort.

Limitadong turismo

Ngunit dahil sa limitadong kapasidad ng mga biyaheng eroplano, "malamang na manatiling maliit ang bilang" ng mga dayuhang turista sa bagong beach resort, ayon sa unification ministry ng Seoul.

"Tinatayang dadaan ang mga turista sa Pyongyang, at maaaring malimitahan sa humigit-kumulang 170 katao bawat araw ang bilang ng mga bisita," ayon sa ministry.

Itinuturing ng North Korea ang turismo bilang isang mahalagang pinagkukunan ng banyagang salapi, aniya, at ang Pyongyang ay maaaring nakatanggap ng ayuda mula sa Russia kapalit ng pagsuporta nito sa digmaan sa Ukraine.

Ang North Korea na may armas nukleyar ay muling binuksan ang kanilang mga border noong Agosto 2023 matapos ang halos apat na taong pagsasara dahil sa pandemya ng COVID-19, kung saan pati ang kanilang sariling mamamayan ay hindi pinayagang makapasok.

Ngunit limitado na ang turismo ng mga dayuhan bago pa man ang pandemya, ayon sa mga tour company, mga 5,000 turista mula sa Kanluran ang bumibisita bawat taon. Karamihan sa mga turistang pinayagang pumasok noong panahong iyon ay mga Chinese.

Ang ugnayang politikal, militar, at kultural ng naghihirap na bansa sa Russia ay lumalim mula nang salakayin ng Moscow ang Ukraine noong 2022.

Noong nakaraang taon, pinayagan ng North ang muling pagbalik ng mga turistang Russian sa kauna-unahang pagkakataon mula nang magsimula ang pandemya, at pansamantalang bumalik din ang mga tour operator mula sa Kanluran noong Pebrero. Walang turistang Chinese ang naitalang bumalik sa bansa.

Ang biyahe ng isang turistang tren sa pagitan ng Rason -- tahanan ng kauna-unahang legal na pamilihan ng North Korea -- at Vladivostok, Russia, ay muling nagsimula noong Mayo, ayon sa isang opisyal mula sa unification ministry ng Seoul.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *