Mga Umuusbong na Krisis
Itinatag sa kasinungalingan: Paano hinubog ng Bolshevik ang makabagong Russia
Bagamat hindi eksaktong nauulit ang kasaysayan, ito ay 'magkakahawig,' ayon sa mga historians.
![Isang pulang instalasyong 'Victory' ang makikita sa Ivanteyevka, Moscow province, noong Mayo 7. [AFP]](/gc7/images/2025/06/16/50827-lenin-370_237.webp)
Ayon kay Olha Chepil |
KYIV -- Isang siglo na ang nakalipas, ginamit ni Vladimir Lenin ang mga tren upang ipalaganap ang rebolusyon sa Russia. Ngayon, ginagamit ng Kremlin ang Telegram.
Ayon sa mga historians, pareho pa rin ang mga taktika; ang mga kasangkapan lang ang nagbago. Ang mensahe ay mabilis pa rin, tinatarget ang masa, at may layuning kontrolin ang kanilang naririnig at pinaniniwalaan. Hindi raw nauulit ang kasaysayan, ngunit ito ay "magkakahawig."
Ginawang digital ng makabagong Russia ang playbook ni Lenin. Ang mga pahayagang pampartido ay naging embedded na "war correspondents." Ang kulto ni Joseph Stalin ay naging kulto ng digmaan. At sa halip na mga poster at loudspeaker, ikinakalat na ngayon ang propaganda sa pamamagitan ng algorithm -- naka-target, walang tigil, at hindi matakasan.
Sa kasalukuyan, bawat taong naninirahan sa bansa ay tumatanggap ng kanyang "propaganda sa tahanan" -- personalized, mapanghimasok, at imposibleng takasan, ayon kay Andrey Tarasov, isang historian mula Kryvyi Rih State Pedagogical University.
![Isang pasahero ang huminto sa bagong inilantad na bas-relief ni Stalin sa Taganskaya subway station sa Moscow noong Mayo 15, bahagi ng patuloy na pagsisikap na muling bigyang dangal ang diktador at muling isulat ang kasaysayang Soviet sa makabayang paraan. [Alexander Nemenov/AFP]](/gc7/images/2025/06/16/50828-afp__20250515__46tp2zp__v1__highres__russiapoliticshistorysocial-370_237.webp)
![Pinarangalan ng School No. 2 sa Nizhny Odes, Komi Republic, Russia, ang yumaong si Sergei Timofeyev na napatay sa Avdiivka, Ukraine, sa isang larawang ipinaskil sa social media noong Disyembre 11. [VKontakte]](/gc7/images/2025/06/16/50829-schools_2-370_237.webp)
"Ang mga klasikong teknik ay nariyan pa rin. Ang mga anyo at kasangkapan lang ang nagbago," sinabi niya Global Watch.
1917: kapanganakan ng ganap na kasinungalingan
Nang makuha ni Lenin at ng mga Bolshevik ang kapangyarihan, bala ang ginamit sa mga kalaban -- at pahayagan naman para sa iba. Isa sa kanilang unang hakbang ay ang pagbabawal sa malayang pamamahayag at ang pagtatatag ng monopoly ng gobyerno sa "katotohanan."
"Noong Nobyembre 9, 1917 pa lang, personal na isinulat ni Lenin ang mga prinsipyong ito: mas maraming kasinungalingan, mas maraming pagbaluktot, mas maraming 'katotohanang pawang kasinungalingan,'" ayon kay Pavlo Hai-Nyzhnyk, historian at senior researcher sa National Academy of Sciences ng Ukraine.
Ayon kay Hai-Nyzhnyk, ang pahayag na ito ang nagbunsod ng Soviet propaganda -- isang sistematikong pagsusumikap na baguhin ang realidad at bumuo ng isang alternatibong mundo.
"'Lupa sa mga magsasaka; pabrika sa mga manggagawa,' 'Kapayapaan sa lahat ng mga mamamayan' -- mga mapanlinlang na slogan. Pinaniwalaan ito ng publiko at inari bilang sariling tagumpay, nang hindi itinatanong: 'Paano ito ipatutupad?'" aniya sa Global Watch.
Isang kampanya ng propaganda ang nagsimula, ang kauna-unahan sa kasaysayan na may ganito kalawak na saklaw.
Mga pahayagan, polyeto, poster, at mga tren ng propaganda na may mga tagapagsalita at mga artista ang naging susi sa maagang mensaheng Soviet. Pravda at Izvestiaang naging pangunahing daluyan ng mensahe, na naglalathala lamang ng nilalamang aprubado ng partido.
"Sa kawalan ng alternatibo, ang taong may hawak na pahayagan ay isang nang tagaudyok ng kaguluhan. Isa itong makapangyarihang sandata ng panlilinlang," ani Tarasov.
Ayon sa mga historian, hindi layunin ni Lenin na basta ipaalam ang katotohanan sa masa, kundi hubugin sila. Sa What Is To Be Done?, iginiit niyang dapat gumanap ang partido bilang isang "vanguard" o nangungunang grupo na magdadala ng "tamang kamalayan" sa mga taong hindi pa mulat sa sarili nilang pangangailangan.
"Nilinis ni Lenin ang mundo sa pagtatanggal ng mga 'masasamang espiritu' -- naging parang isang panrelihiyon. Dito nabuo ang mito ng 'banal na misyon' ng rehimen. Ngayon, ganoon din: Ang Kremlin ay tila nakikipaglaban sa 'Satanismo,' 'kasalanan' at ang 'Kanluran,'" ayon kay Hai-Nyzhnyk.
Ang mga modernong propaganda train ay nasa anyo na ngayon ng mga Telegram channel, YouTube at mga pro-Kremlin na "war correspondents." Pareho pa rin ang ideya, ngunit sa digital media na.
"Siguradung-sigurado na gumagana ulit ang mekanismong ito. Ngayon, nadagdagan na ito ng internet at makabagong teknolohiya," sabi ni Tarasov.
Mula kay Lunacharsky hanggang TikTok
Maagang kinilala ng mga Bolshevik ang sine bilang kasangkapan sa malawakang panghihikayat. Nang tawagin ni Lenin ang pelikula bilang "pinakamahalagang sining," ang ibig niyang sabihin ay ang kapangyarihan nito bilang propaganda, ani Hai-Nyzhnyk.
Pinangunahan ni Anatoly Lunacharsky, ang kauna-unahang people's commissar of education, ang nanguna sa propaganda sa kultura, at sinabing ang artistic na pagmemensahe, hindi ang hayag na mga slogan, ang susi sa paghubog ng kamalayan ng publiko.
"Anuman ang pelikulang ginagawa, tungkol man sa buhay ng mga magsasaka o pag-ibig, ang kinakailangang 'butil' na dapat ipasok sa isipan ng publiko ay palaging kasama," ani Hai-Nyzhnyk.
Sa ganitong paraan isinilang ang pelikulang Battleship Potemkin, mga live performance para sa napakaraming manonood, at isang bagong visual na wika batay sa simbolismo at pahiwatig.
Ayon sa mga historian, sinusunod pa rin ng Kremlin ang parehong lohika ng propaganda: si Pangulong Vladimir Putin ang tagapagtanggol ng bansa, ang mga kalaban ay inilalarawan bilang mga taksil, at ang mga Ruso ay ipinakikitang isang nagkakaisang bayan sa gitna ng pagsalakay.
"Ang lahat ng diktatoryal o autokratikong rehimen ay palaging gumagamit ng thesis na 'Tayong lahat ay ipinagkanulo, pinalilibutan tayo ng mga kaaway at ayaw nilang magkasundo tayo,'" ani Hai-Nyzhnyk.
"Kaya, upang magkaroon ng kapayapaan, kailangan nating patayin ang lahat."
Nang mamatay si Lenin, lalo pang pinatindi ni Stalin ang kontrol at pinalawak ang propaganda bilang isang puwersang magagamit sa lahat ng aspeto ng buhay.
Namayani ang kulto ng personalidad: ipinagbunyi si Stalin bilang "ama ng mga bansa," isang henyo na may alam sa lahat ng bagay. Ang kanyang larawan ay makikita sa mga paaralan, pabrika at mga apartment.
Pinalitan ng Bolshevismo ang relihiyon: mga bituin kapalit ng mga krus, si Stalin kapalit ng Diyos, at ang Pioneers (isang pambansang organisasyong humuhubog ng isipan ng kabataan) kapalit ng Sunday school, ani Tarasov.
"Kung titingnan natin ang pangunahing interes nina Stalin at Putin, makikita nating magkahawig sila sa maraming aspeto," sabi ni Dmitry Gainetdinov, deputy director general for scholarly work sa National Museum of the History of Ukraine in the Second World War, sabi niya sa Global Watch.
"Ginagabayan sila ng parehong mga geopolitical guidelines: imperyalismong Ruso, [Russia bilang isang] napakamakapangyarihan."
Ang propaganda ng mga Stalinista ay lumikha ng palagiang banta -- isang lohika na, ayon sa mga historian, ay patuloy pa ring nagpapakilos sa rehimen ni Putin hanggang ngayon.
Ang kulto ng tagumpay, walang-humpay na mobilisasyon
Ang World War II ang nagsilbing pundasyon para sa isang bagong national myth: ang tinaguriang Great Patriotic War. Mula noong 1945, ayon sa mga historian, inilarawan ang tagumpay ng Soviet Union bilang sagrado -- binibigyang-diin ang kabayanihan habang isinasantabi ang pagdurusa ng tao.
Pinalakas ng propaganda ng kabayanihan ang moral at naging susi sa mobilisasyon -- isang estratehiyang muling binuhay sa digmaan ng Russia laban sa Ukraine, ayon kay Gainetdinov, sa pamamagitan ng mga bagong “bayani” at mga pahayagang pangkampo para sa mga sundalo sa malalayong front.
"Ang aming museum ay may modernong pahayagan ng makabagong hukbong Ruso na tinatawag na Red Star kung saan halos buong nilalaman ay direktang kinopya mula sa 1943 issue ng Red Star," sabi ni Gainetdinov.
"May headline ito sa unang pahina na nagsasabing, ‘Mananatili ang kanilang katapangan sa loob ng maraming siglo,’ at iba pa. ... Wala talagang bagong naidagdag ang modernong Russia."
Upgrade ng totalitaryanismo: mga digital na kasinungalingan
Ang propaganda sa kasalukuyan ay mas mabilis, mas nakaka-engganyo, at mas mahirap takasan.
Ang mga kurikulum sa paaralan, makabayang pelikula, mga aprubadong aklat sa kasaysayan ng estado, at maging ang mga TikTok video ay nagsisilbi ngayon sa iisang layunin: ang alisin ang alternatibong pananaw.
“Digital na ang censorship ngayon. Mga bot, troll, deepfake na video, at mga ‘frontline magazine’ -- lahat ay nagkakaisa sa pagkilos,” ayon kay Tarasov.
Nagbago na ang mga kasangkapan nitong nakalipas na siglo, ngunit ayon sa kanya, iisa pa rin ang layunin. Ang makabagong propaganda ay pinapagana ng mga channel sa Telegram, network ng mga bot, mga nilalamang nilikha gamit ang artificial intelligence [AI], at mga kampanya sa social media na nakatuon sa kabataan.
"Ang Russia ay gumagamit ng AI at mga social network upang sirain ang tiwala sa mga eleksyon, demokrasya, at sa katotohanan mismo," sabi ni Tarasov.