Pandaigdigang Isyu

Mula NTV hanggang Russia Today: Media sandata ng Russia

Dalawang dekada ang ginugol ng Kremlin sa pagbago ng media sa Russia, mula sa pagiging tagapaghatid ng balita hanggang sa pagiging makinarya ng awtoritaryanismo at hybrid warfare, na pumipigil sa mga mamamahayag at humuhubog ng pandaigdigang naratibo.

Nakikipag-usap si Russian President Vladimir Putin sa anchor ng Channel 1 TV na si Yekaterina Andreyeva (kaliwa) sa Kremlin noong Setyembre 27, 2005. [Vladimir Rodionov/AFP]
Nakikipag-usap si Russian President Vladimir Putin sa anchor ng Channel 1 TV na si Yekaterina Andreyeva (kaliwa) sa Kremlin noong Setyembre 27, 2005. [Vladimir Rodionov/AFP]

Ayon kay Olha Chepil |

Nang maupo sa puwesto si Vladimir Putin noong 2000, maaari pang makapanood ang mga Russian ng mga palabas sa TV kung saan malayang binabatikos ang gobyerno. Ang panahong ito ay nagwakas na makalipas lamang ang isang taon. Ang unang naging pangunahing target ng Kremlin ay ang NTV, ang nangungunang independiyenteng istasyon ng telebisyon noon.

"Sinira ang NTV at pinalayas ang may-ari nitong si [media tycoon Vladimir] Gusinsky. Pagkatapos ng dekada 2000, unti-unting inangkin ng estado ng Russia ang media," ayon kay Igor Eidman, isang sociologist na nasa exile at tinaguriang foreign agent ng mga awtoridad ng Russia.

Noong 2001, dahil sa problema sa pulitika at pinansyal, napunta sa kontrol ng estado ang nasabing istasyon.

Sinikap ni Putin na lumikha ng isang “Unified Information Space,” isang konsepto na layuning salain ang impormasyon na kunwari ay laban sa maling impormasyon, ayon sa Ukrainian political scientist na si Ihor Chalenko.

Nakikipag-usap si NTV Director General Yevgeny Kiselyov sa media sa hagdanan ng opisina ng NTV sa Moscow noong Abril 6, 2001, bago makipagpulong sa mga opisyal ng Gazprom. [Alexander Nemenov/AFP]
Nakikipag-usap si NTV Director General Yevgeny Kiselyov sa media sa hagdanan ng opisina ng NTV sa Moscow noong Abril 6, 2001, bago makipagpulong sa mga opisyal ng Gazprom. [Alexander Nemenov/AFP]

Sa realidad, ginamit ito ng Kremlin upang konsolidahin ang kapangyarihan sa pamamagitan ng sapilitang paglipat ng pagmamay-ari. Ang ORT ay naging Channel One na pinapatakbo ng presidential administration; ang NTV naman ay isinama sa Gazprom-Media, na kontrolado ng estado.

"Ipinaliwanag nila ito na diumano’y may utang ang TV channel [NTV] na umaabot sa $200 o $300 milyon. Pero sa totoo lang, isa itong pampublikong paglilinis." ani Chalenko.

Tinanggal o kinontrol din ng estado ang iba pang mga outlet gaya ng TV-6, TVS at RIA Novosti, at pinahigpit ang kontrol sa mga regional na mamamahayag. Lumitaw ang isang grupo ng mga mamamahayag na tapat sa estado -- ang Kremlin press pool -- na nagsilbing tagapagpalaganap ng linya ng gobyerno.

“Inilarawan ito ni Peter Pomerantsev bilang ‘isang napakalaking scripted reality show’ sa kaniyang aklat noong 2014 naNothing Is True and Everything Is Possible na ganito ang Russia na binubuo ni Putin.

Nasakop ng estado ang independent press, ayon kay Alexei Baranovsky, isang beteranong mamamahayag ng Freedom of Russia Legion.

"Hindi pagbagsak ng independent media ang naging sanhi ng awtoritaryanismo, kundi ang pag-usbong ng isang Chekist [KGB] state ang nagtulak para maisama ang media sa pasistang sistema ni Putin," aniya.

Propaganda bilang estratehiya

Noong dekada 2000, sinimulan ng Kremlin ang planadong paninikil laban sa malayang pamamahayag. Tatlong bahagi ang kanilang estratehiya, ayon kay Chalenko: sapilitang pagpapalit ng may-ari sa media outlets, pagtanggal sa mga editor, at paghihigpit sa internet sa pamamagitan ng batas.

"Sa loob ng sampung taon, 43 o 45 na mamamahayag ang pinatay. Hindi sila nasawi sa digmaan. Mga biktima sila ng political assassinations," ani Chalenko, na binanggit ang 2006 na pagpatay kay Anna Politkovskaya bilang hudyat ng pagbabago.

Si Politkovskaya, mamamahayag sa Novaya Gazeta at matinding kritiko ni Putin, ay kilala sa kaniyang mga ulat tungkol sa ikalawang digmaan sa Chechnya. Binaril at napatay siya sa kanyang apartment sa Moscow noong Oktubre 7, 2006 -- kaarawan ni Putin. Hindi pa rin tukoy ang mga utak sa likod ng krimen.

"Pagkaupo niya sa puwesto, agad na kumilos si Putin para bawiin ang kontrol sa naratibong umiiral sa Russia," ayon kay Eidman.

Pinalawak ng Kremlin ang kontrol hanggang sa labas ng Russia. Noong 2005, inilunsad ang Russia Today, isang English-language news channel na di kalaunan ay naging pandaigdigang daluyan ng propaganda. Noong taong 2009, binago at pinalitan ng pangalang RT.

"Pagkatapos ng 2014, ang Russia Today ay naging kasangkapan ng impluwensya, hindi lang impluwensya, kundi panlilinlang sa pandaigdigang komunidad tungkol sa kalagayan sa Russia at sa mga pakikidigma nito," sabi ni Eidman.

Ayon sa mga analyst, mahalaga ang naging papel ng RT sa hybrid warfare ng Russia: una ay sa digmaan sa Georgia noong 2008, pagkatapos ay ang annexation ng Crimea noong 2014, at ang malawakang pananakop sa Ukraine noong 2022. Nagpapalaganap ito ng mga naratibo na anti-Western, mga conspiracy theory, at pinalalabo ang katotohanan.

"Tingnan ninyo ang budget ng [RT] na palaki nang palaki sa buong mundo. Napakarami nilang pinapakalat na mapanlinlang na impormasyon kung kaya natatabunan na ang totoong impormasyon," ayon kay Chalenko. Hinubog daw ng Kremlin ang ganitong taktika noong ikalawang digmaan sa Chechnya, ginamit sa Georgia, at inulit sa Ukraine.

Ayon kay Baranovsky, natuto ang Moscow mula sa kabiguang kontrolin ang naratibo kaugnay ng pagsalakay nito sa Georgia noong 2008.

"Simula noon, naging aktibo ang pamumuhunan ng Russia sa pandaigdigang propaganda," aniya. "Bilyun-bilyong ruble ang inilaan sa RT at sa 'pag-brainwash' sa mga Europeo."

Post-truth bilang sistema

Pagsapit ng 2012, umabot na sa internet at mga paaralan ang hawak ng Kremlin sa impormasyon. Ang doktrina ng “sovereign democracy” -- demokratiko sa pangalan lang -- ang nagsilbing pampulitikang pagtatakip. Ayon kay Baranovsky, malinaw ang estratehiya.

“Ang propaganda sa telebisyon ay nakatuon sa mga grupong panlipunan na mahina, iyong mga hindi kayang unawain ang sanhi at bunga,” aniya. Dagdag pa niya, maaga pa lang ay sinasanay na ang mga bata: “Mistulang nagiging mga zombie ang mga bata sa pamamagitan ng mga paaralan, mga kindergarten, at mga aklat sa pagtuturo. Itinatanim sa kanilang pag-iisip ang mga digmaan na darating.”

Matagal nang umiiral ang panunupil sa mga kritiko ng pamahalaan, mga independent editor at mga tinaguriang “foreign agent” bago pa man ang 2012, ngunit lalo itong tumindi sa panahon ng digital surveillance. Ipinasasara ng gobyerno ang mga website, sinasakdal ang mga blogger, at ginagamit ang mga “like” sa online bilang ebidensiyang legal.

“Natalo ang mga Russian na propagandista sa Georgia [nang sinubukang kontrolin ang naratibo ng digmaan noong 2008] at doon sila tumaya sa post-truth. Ngayon, sobrang dami na ng kasinungalingan nila kaya natatabunan na ang realidad,” ayon kay Baranovsky.

Sa simula, hindi agad nakita ng maraming Russian ang mas malawak na epekto ng pagsupil sa media.

"Akala nila'y simpleng bangayan lang ito nina [oligarch Boris] Berezovsky at Gusinsky. Hindi nila naunawaan na ito ay isang malinaw na kampanya laban sa independent journalism," ani Chalenko.

Ginamit din ng Kremlin ang Russian nationalism bilang pampulitikang sandata, iniluluwas ito upang gipitin ang mga kalapit-bansa, habang nililimitahan naman ito sa loob ng bansa.

"Sa loob ng Russia, ang nasyonalismo ay umiiral lamang sa anyo ng [campy vintage clothing]," ayon kay Baranovsky.

"Sa katunayan, ang lokal na nasyonalismo ay nahati: May ilang nasyonalista na ngayon ay kabilang sa anti-Putin opposition at nakikipaglaban sa panig ng Ukraine."

Ang sistemang binuo mula 2000 hanggang 2013 ay ngayon ang sumusuporta sa digmaan, panunupil at pandaigdigang mapanlinlang na impormasyon, ayon sa mga analyst. Ipinalalabas ang propaganda ng Russia sa maraming bansa sa buong mundo.

"Kontrolado ng Kremlin kung ano ang pinanonood ng mga tao, ano ang pinakikinggan nila, at anong impormasyon ang kanilang natatanggap. Sa huli, ang larangan ng impormasyon ay mahalagang bahagi sa pagpapalakas ng awtoritaryanismo," ani Chalenko.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *