Pandaigdigang Isyu
Mga taktika ng hybrid warfare ng Moscow, target ang Italya dahil sa suporta nito sa Ukraine
Kabilang sa mga pagsisikap ng Russia na pahinain ang Italya ang mga diplomatikong pag-uudyok, kampanya ng propaganda na suportado ng estado, at mga umano'y cyberattack.
![Nagtipon ang mga mamamayang Ukrainian sa sentro ng Roma noong Pebrero 23 upang patuloy na ipakita ang suporta sa Ukraine, tatlong taon matapos ang pagsalakay ng Russia. [Andrea Ronchini/NurPhoto via AFP]](/gc7/images/2025/04/14/49873-ukraine_italy-370_237.webp)
Ayon kay Tony Wesolowsky |
Ang Kremlin ay pinaiigting ang kanilang mga taktika sa hybrid warfare laban sa Italya, gamit ang pinaghalong kampanya ng maling impormasyon, cyberattacks, at diplomatikong agresyon upang pahinain ang pro-Ukraine na posisyon ng Roma at maghasik ng alitan sa mga alyansang Euro-Atlantic.
Bagama’t hindi pangunahing tagasuporta ng Ukraine sa larangan ng militar o pananalapi, naging target ang Italya dahil sa hayagang pagsuporta ni President Sergio Mattarella at Prime Minister Giorgia Meloni sa Kyiv. Ang matatag na paninindigan ni Meloni sa NATO ang kanyang pagkakaiba sa ibang right-wing European leaders.
Ang matibay na suporta ng Italya sa Ukraine at pakikiisa nito sa NATO at sa transatlantic relationship ang dahilan kung bakit naging puntirya ng Moscow ang bansa, ayon kay Emanuele Rossi, isang senior analyst sa larangan ng pandaigdigang politika, sa kanyang artikulo noong Marso 5 para sa Center for European Policy Analysis, isang think tank na base sa Washington.
Ang mga pagsisikap ng Russia na sirain ang posisyon ng Italya sa pamamagitan ng diplomatikong pag-uudyok, mga kampanya ng propaganda ng estado, at mga umano'y cyberattack ay nagpapakita ng mas malawak na estratehiya ng Kremlin na pahinain ang European unity sa gitna ng digmaan nito laban sa Ukraine, dagdag ni Rossi.
Mga pag-atake gamit ang salita sa president ng Italya
Lalong tumindi ang tensyon sa pagitan ng Italya at Russia nitong mga nagdaang buwan. Noong Marso 13, ipinatawag ni Italian Foreign Minister Antonio Tajani ang embahador ng Russia matapos ang aniya’y “di-mabilang na pag-atake gamit ang salita” mula sa diplomatic corps ng Moscow laban kay Mattarella.
Kasunod ito ng mga pahayag ni Maria Zakharova, tagapagsalita ng Russian Foreign Ministry, na inakusahan si Mattarella ng pagpapakalat ng “kasinungalingan... at maling impormasyon” matapos batikusin ni Mattarella ang Moscow sa nuclear threats nito.
Sinagot ni Zakharova noong Pebrero ang paghahambing ni Mattarella sa pananakop ng Russia sa Ukraine sa pananakop ng Nazi Germany, at inakusahan siya ng “kagulat-gulat at hayagang maling paghahambing sa kasaysayan.”
Ayon kay Mattarella: “Iyan ang proyekto ng Third Reich sa Europe. Ang kasalukuyang pananalakay ng Russia sa Ukraine ay ay may pagkakatulad.”
“Inilalarawan ng mga naratibo ng Russia ang pamahalaang Meloni bilang sunud-sunuran sa Washington bilang bahagi ng kanilang tangkang pagsamantala sa mga hidwaang politikal sa Italya," ayon kay Rossi.
“Pinalalakas ng state-sponsored media at social campaigns ang boses ng mga tutol sa paninindigan ng Italya sa Ukraine, at nagpapalaganap ng maling impormasyon upang sirain ang tiwala ng publiko at pasiklabin ang pagdududa sa pakikiisa ng Italya sa NATO at EU,” dagdag ni Rossi.
Nakaranas ng direktang banta sa cybersecurity na may koneksyon sa Russia, ang mga institusyon sa Italya. Noong Pebrero, iniulat ng media sa Italya na ang grupong pro-Russian hacker na kilala bilang Noname057(16) ay nagsagawa ng mga cyberattack sa mga website ng mga bangko, paliparan, at mga tanggapang pangrehiyonal.
Para sa Moscow, nananatiling sensitibong isyu ang suporta ng Italya sa militar ng Ukraine. Nagpadala ang Italya ng dalawang SAMP/T air defense systems, na kilala rin bilang MAMBA, isang French-Italian missile defense system na may kakayahang salagin ang ballistic missiles. Gayunman, iniulat ng Corriere della Sera noong Marso 14 na malapit nang maubusan ng missiles ang naturang sistema.
Hindi lang sa Italya, ang mga aktibidad ng Russia sa Africa ay nagdudulot din ng karagdagang pangamba. Ang lumalawak na presensya ng Moscow sa Mediterranean, Horn of Africa, Red Sea, at Sahel ay may epekto sa mahahalagang interes ng Italya, ayon sa Decode39, isang news site sa Italya.
Ang paggamit ng Russia ng mga mersenaryo at iba pang pamamaraan sa Africa ay nagbibigay-daan dito upang makontrol "ang mga rehiyon kung saan tradisyonal na aktibo o may kaugnayan ang Italya, " ayon kay Rossi.