Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa

France: sinimulan ang $1.7B upgrade ng isang estratehikong air base para mag-host ng mga nuclear bomber.

Ang Luxeuil base ang magiging ika-apat, ngunit pinakamodernong base sa France na kayang mag-imbak ng mga sandatang nukleyar.

Isang piloto ang nakaupo sa cockpit ng Mirage 2000-5F na eroplano sa base ng French air force sa Luxeuil - Saint-Sauveur noong Mayo 27. Bilang tanda ng tumitinding pangamba sa seguridad sa Europa, sinimulan ng France ang $1.7 bilyong renobasyon ng air base upang maging handa sa pagharap sa mga nuclear-armed bomber. [Jean-Christophe Verhaegen/AFP]
Isang piloto ang nakaupo sa cockpit ng Mirage 2000-5F na eroplano sa base ng French air force sa Luxeuil - Saint-Sauveur noong Mayo 27. Bilang tanda ng tumitinding pangamba sa seguridad sa Europa, sinimulan ng France ang $1.7 bilyong renobasyon ng air base upang maging handa sa pagharap sa mga nuclear-armed bomber. [Jean-Christophe Verhaegen/AFP]

Ayon sa AFP |

LUXEUIL-LES-BAINS, France -- Bilang tanda ng tumitinding pangamba sa seguridad sa Europa, sinimulan ng France ang $1.7 bilyong renobasyon ng isang air base sa liblib na mga burol sa silangang bahagi ng bansa upang maging handa ito sa pagharap sa mga nuclear-armed bomber.

Aabutin ng isang dekada ang proyekto, pero pagsapit ng 2035, ang Luxeuil - Saint-Sauveur base ay magiging doble ang laki kumpara ngayon at dito itatago ang bagong henerasyon ng mga hypersonic missile na gagamitin sa 50 Rafale fighter jets ng France.

Inanunsyo ni Pangulong Emmanuel Macron sa base noong Marso, sa parehong araw na nag-usap sina Pangulong Donald Trump ng US at Pangulong Vladimir Putin ng Russia tungkol sa digmaan sa Ukraine, na ang base na ito ang magiging unang tatanggap sa mga pinakabagong Rafale jet at sa mga ASN4G nuclear-capable air-to-ground missile ng France.

Ang Luxeuil ang magiging ikaapat, ngunit pinakamoderno, na base sa France na may kakayahang mag-imbak ng mga sandatang nukleyar.

Ang base ay may humigit-kumulang na 20 Mirage-2000 jet, na hindi na ginagawa sa kasalukuyan.

Ayon sa komandante ng base na si Col. Emmanuel Roux, ang mga hugis-triyanggulong hangar nito ay mula pa noong 1952. "Lubos na silang nagamit," dagdag ni Roux, na nagsabing nakita niya ang mga litrato ni President Charles de Gaulle na nasa base noong 1962. “Ganun pa rin ang itsura,” pabirong sabi niya.

Mawawala ang mga hangar dahil hindi kasya ang mga Rafale doon. "Kakailanganing baguhin lahat ng imprastruktura," sabi ng colonel.

Mas mabigat ang Rafale kaysa Mirage, kaya kailangang pahabain at patibayin ang runway ng Luxeuil.

Panangga sa sandatang nukleyar

Dahil binibigyan ng dagdag na proteksyon ang mga nuclear base, “kailangang palakasin namin ang mga seguridad at ang buong imprastruktura para makasabay sa modernisasyon,” sabi ni Roux, na inihalintulad ang kanyang trabaho sa “pagtatayo ng isang katedral.”

“Mayroon tayong 10 taon para itayo ang pinakamahusay na base sa France gamit ang mga eroplano na hindi pa ginagawa (sa ngayon), isang nukleyar na sandata na wala pa, at mga technician na hindi pa nag-aaral,” sabi ni Roux.

Pansamantalang isasara ang Luxeuil mula 2029 hanggang 2032 para sa mahahalagang gawain at pagdating ng mga unang Rafale.

Magiging apat na beses ang dami ng mga piloto kumpara sa ngayon, dahil may tig-dalawang crew member ang bawat Rafale. Ang 300 technician na nasa base ngayon ay lalaki hanggang 1,000 pagdating ng panahon na ganap nang gumagana ang bagong base.

“Panalo ang logistics sa digmaan,” sabi ni Roux habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng bilis sa paghahanda ng mga eroplano para sa mas mabilis na rotation ng mga paglipad. Kakayaning palitan ang makina ng Rafale sa loob ng isang oras at ang ejector seat naman ay sa loob ng 15 minuto, ayon sa kanya.

Ang mga piloto sa base, na hindi pinangalanan, ay nagsabing handa silang magdala ng mga nukleyar na sandata. "Ito ang pinakahuling gagamiting sandata, pero sa tingin ko ay handa kaming lahat na gamitin ito para protektahan ang aming mga mahal sa buhay at ang ating bansa," sabi ng isa.

Malapit ang Luxeuil sa border ng France sa Germany, Switzerland, Luxembourg, at Belgium, at maaaring maging estratehiko ang posisyon nito.

Sinabi ni Macron na dahil ang paglusob ng Russia sa Ukraine ay patuloy na umiinit at pinatitindi ang pangamba sa iba pang bahagi ng Europa, handa na ang France na simulan ang pakikipag-usap sa ibang mga bansa sa Europa tungkol sa posibleng deployment ng mga French nuclear-armed jet.

"Sisiguraduhin kong magiging malinaw at tiyak ang balangkas sa mga darating na linggo at buwan," sabi ni Macron sa isang panayam sa telebisyon noong Mayo.

Binatikos na ng Russia ang kanyang mga pahayag.

"Ang paglaganap ng mga sandatang nukleyar sa kontinente ng Europa ay hindi magdadagdag ng seguridad, katiyakan, o katatagan sa kontinente," sabi ng Kremlin spokesman na si Dmitry Peskov.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *