Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
France minamadali ang paggawa ng mga combat robot dahil sa digmaan sa Ukraine
Simula 2021, pinag-aaralan na ng French army ang paggamit ng mga ground robot. Pero dahil sa giyera sa Ukraine, kung saan binabago ng mga drone ang paraan ng pakikidigma, lalo pang bumilis ang pag-unlad ng mga ito.
![Naka-display ang isang eksperimentong robot na aso sa event na CoHoMa Challenge sa kampo ng French Gendarmerie sa Beynes, kanluran ng Paris, noong Mayo 6. [Ludovic Marin/AFP]](/gc7/images/2025/05/19/50386-france_robot-370_237.webp)
Ayon sa AFP |
Nasa tamang iskedyul ang sandatahang lakas ng France sa pagbuo ng mga robot na handang lumaban sa digmaan pagsapit ng 2040, ayon sa mga lumahok sa isang test na pinagsama ang militar, mga inhinyero, mananaliksik, at mga defense contractor.
Inaasahan namin ag isang makabuluhang pag-unlad sa loob ng tatlong taon, kung saan ang unang kakayahan ng ground robot ay magiging handa nang gamitin ng aming mga pwersa," ayon kay Heneral Bruno Baratz, kumander ng army ng hinaharap na pakikidigma.
Sa katatapos na kumpetisyong tumagal ng ilang linggo — ang ikatlong ganitong ehersisyo mula nang itakda ng sandatahang lakas ang target para sa 2040 apat na taon na ang nakalilipas — sinubukan ng mga robot na may mga paa, gulong, at caterpillar treads na daanan ang mga balakid at iwasan ang mga bitag sa isang base sa kanluran ng Paris upang subukan kung kaya nilang ipagtanggol ang lugar laban sa puwersa ng kalaban.
Mula sa pagmamanman hanggang sa pag-aalis ng mga bombang nakatanim sa lupa, “malaki na ang naitutulong ng mga robot para maprotektahan ang aming mga yunit,” ayon kay Gen. Tony Maffeis, chief ng technical branch ng army, sa CoHoMa challenge.

“Ngayon, kailangan naming patunayan na mas magiging epektibo sila kapag nakaharap na ang kalaban,” sabi niya.
“Dapat makatulong ang robot sa labanan, hindi maging sagabal,” dagdag pa ni Maffeis, na binigyang-diin ang mga hamon na sagabal sa paggamit ng mga robot sa aktwal na operasyon -- lalo na kapag mabato o hindi pantay ang daan.
Ang ganitong kompetisyon ay “nakakatulong upang mailapat at subukan ang mga robot sa totoong sitwasyon,” sabi ni Baptiste Lepelletier, isa sa mga kalahok.
Robotics 'mabilis ang paglago' sa Ukraine
Simula 2021, pinag-aaralan na ng French army ang paggamit ng ground robots, pero dahil sa giyera sa Ukraine, kung saan -- mas mura at mas maraming drone ang ginagamit -- mas bumilis ang kanilang pag-unlad.
“Talagang mabilis ang paglago ng mga ground robotic sa Ukraine, pero nananatili itong komplikado at hindi pa ganap na na-develop, kaya mahalagang pag-aralan kung ano ang puwede nitong maging gamit sa totoong laban,” sabi ni Gen. Pierre Schill, chief of staff ng army.
Isa sa mga problema ay hindi sila nagagamit nang maayos kung walang aerial drone na gumagabay..
Nagpakita ang Thales, isang defense company ng France, ng robot na may launch pad para sa drone na kayang maghanap ng mga balakid at gumawa ng mapa ng ruta.
Ayon sa militar, nakagamit na sila ng ilang teknolohiyang nagmula sa dalawang naunang CoHoMa challenge, pero mas malalaking pagbabago pa ang inaasahan sa mga susunod na taon.
Pero bago gamitin sa labanan, unang gagamitin ang mga ito sa logistics, sa mga convoy ng drone, o robotic mules na nagdadala ng kagamitan.