Mga Kalakaran sa Usaping Pandepensa
NATO ipinamalas ang nuclear drill sa harap ng banta ng Russia.
Mahigit 70 aircraft mula sa 14 na bansa at humigit-kumulang 2,000 personnel ang lumahok sa 2025 edition ng Steadfast Noon drill, ang nakatuon sa North Sea region.

Ayon sa AFP |
Isang Dutch F-35 jet ang mabilis na lumipad mula sa runway noong huling bahagi ng Oktubre sa Volkel airbase sa Netherlands bilang bahagi ng taunang nuclear exercise ng NATO na Steadfast Noon.
Ang matagal nang planadong drill na ito, na hindi gumagamit ng mga totoong nuclear bomb, ay bahagi ng regular na pagsasanay ng North Atlantic Treaty Organization upang matiyak ang kahandaan nitong gamitin ang pinakamalakas nitong sandata kung kinakailangan.
Habang tumitindi ang tensyon sa Russia dahil sa digmaan sa Ukraine at mga sunud-sunod na paglabag sa himpapawid, nagsisilbi rin ito bilang malinaw na mensahe sa Moscow tungkol sa lakas na maaaring ipakita ng NATO.
Sa unang pagkakataon, pinayagan ng NATO ngayong taon ang isang maliit na grupo ng mga mamamahayag, kabilang ang AFP, na makasama sa lugar habang isinasagawa ang dalawang linggong pagsasanay.
Mahigit 70 aircraft mula sa 14 na bansa at halos 2,000 personnel ang kasali sa 2025 iteration ng drill, na nakatuon sa North Sea region.
Ang imbitasyon sa media ay bahagi ng pagbabago sa diskarte ng Western political at military alliance, mula sa kultura ng mahigpit na pagiging lihim -- hanggang apat na taon na ang nakalilipas, hindi pa nila ibinubunyag ang pangalan ng nuclear exercise.
“Matagal nating hindi ito pinag-uusapan, pero panahon na para ipaliwanag natin ito sa publiko,” sabi ni US Air Force Col. Daniel Bunch, chief ng NATO Nuclear Operations.
“Hindi ito tungkol sa pananakot. Ito ay patunay ng tuloy-tuloy naming pagtupad sa aming misyon at pagpapakita ng buong kakayahan ng aming alyansa.”
Ang pagiging mas bukas ng NATO tungkol sa kanilang mga aktibidad na may kinalaman sa nukleyar ay kasabay ng pagbabago sa tono ng Moscow hinggil sa paggamit ng mga sandatang nukleyar, ayon sa pagtaas at pagbaba ng tensyon sa digmaan sa Ukraine.
Iginiit ni Jim Stokes, director ng NATO Nuclear Policy, na ang pinalakas na mensahe ng alyansa ay hindi naman “direktang para sa Russia.”
“Tungkol ito sa pakikipag-ugnayan sa ating lokal na mga tagapakinig,” sabi ni Stoke.
“Gusto naming ipakita na isa kaming responsableng nuclear alliance. Ginagawa namin ito nang malinaw at bukas hangga’t maaari, at hindi kami kumikilos nang agresibo.”
‘Walang duda’
Ngunit, sa karaniwang estilo ng NATO, may hangganan pa rin ang transparency nito, dahil nananatiling isa ito sa mga pinaka-iniingatang operasyon ng alyansa.
Pinanood ng mga mamamahayag ang sunud-sunod na Dutch at German jets na may kakayahang magdala ng mga tactical nuclear payload habang pumapailanlang sa himpapawid.
Gayunman, hindi pinayagang makita ng media ang mga crew habang nagsasanay sa paghahanda ng mga dummy bombs para ikarga sa mga eroplano.
Dahil sa pagiging sensitibo ng nuclear exercises, wala sa mga eroplanong lumahok ang aktwal na may dalang kahit mga replika ng mga totoong sandata.
Nakadepende ang nuclear deterrence ng NATO sa mga sandatang nukleyar ng US na nakatalaga sa iba’t ibang base sa Europa.
Ang mga kamakailang pagpasok ng Russia sa airspace ng Poland at Estonia, pati na rin ang sunud-sunod na misteryosong paglipad ng mga drone, ay nagdulot ng pangamba sa NATO.
Ngunit ayon kay Marcel van Egmond, pinuno ng Netherlands Air Combat Command, nananatiling mataas ang seguridad sa mga base na kasali sa pagsasanay.
“Wala kaming ipinatupad na espesyal na hakbang,” aniya. “Ang pagtatanggol namin sa sarili ay bahagi na ng aming misyon mula pa noon.”
Para sa mga kalahok sa pagsasanay, mabigat ang responsibilidad ng pag-aaral kung paano gamitin ang mga ganitong mapanirang uri ng sandata.
“Mabigat at mahirap ito. Malinaw na ito ang pinakamatinding panganib na maaaring kaharapin ng isang piloto,” sabi ni Dutch squadron commander Bram Versteeg.
Ngunit iginiit niya na "ang ibig sabihin ng deterrence ay dapat may kakayahan ka, dapat kapani-paniwala ka, at dapat marunong kang makipag-ugnayan."
“Kaya’t walang duda sa isip ko na kaya ito ng aking mga tao,” aniya.