Bantay-Krisis
Ilegal na kalakalan ng hayop sa North Korea lumalago sa gitna ng kahirapan at pagpapalakas ng militar
Isiniwalat sa isang pag-aaral na ang bansa mismo ang sangkot at kumikita sa pagkuha at pagbebenta ng mga nanganganib nang maubos na mga hayop.
![Kinokolekta ng mga manggagawang Chinese ang apdo ng oso sa isa sa mga kontrobersyal na bear bile farms ng Guizhentang, isang Chinese na kumpanya ng tradisyunal na gamot sa Hui'an, Fujian ng southeast China, noong Pebrero 22, 2012. Sa kabila ng mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga hayop sa China at North Korea, nananatiling pangunahing destinasyon ang China para sa kalakalan ng hayop ng North Korea, ayon sa isang bagong pag-aaral ng University College of London. [AFP]](/gc7/images/2025/05/30/50604-chinahealthanimalrightbears-370_237.webp)
Ayon kay Tony Wesolowsky |
Tahimik na tinatanggal ng North Korea ang mga deka-dekada nang patakarang pangkalikasan habang ipinaparada ang mga bagong kagamitang militar, na naglalantad ng pagkakasalungat sa pagitan ng mga prayoridad ng rehimen at lumalalang krisis pantao sa loob ng bansa.
Inilathala noong Mayo 8 sa Biological Conservation ang isang pag-aaral na nagsiwalat na ang pinakanakabukod na bansa sa mundo ay sangkot sa "hindi napapanatili at ilegal na kalakalan ng hayop," kabilang ang pagsasamantala sa mga uri ng hayop na protektado mismo ng mga batas nito.
“Ang malawakang pagsasamantala sa mga hayop sa North Korea, na pinapalakas ng mga limitasyong pang-ekonomiya ng bansa at kakulangan sa pagkain, gamot, at mga pangunahing pangangailangan ng maraming mamamayan nito, ay isang matinding banta sa biodiversity ng North Korea at ng mas malawak na rehiyon," ani Joshua Elves-Powell, isang conservation biologist at pangunahing may-akda ng pag-aaral na mula sa University College London (UCL) geography department.
Bagamat may umiiral na sistema ng regulasyon para sa mga protektadong lugar at uri ng mga hayop,, maluwag ang pagpapatupad at madalas ang mga paglabag, ayon sa pag-aaral.
![Isang Asiatic black bear ang pinalaya sa Jirisan National Park sa South Korea. Sangkot ang North Korea sa ilegal na kalakalan ng mga hayop, kabilang ang mga pagsasamantala sa mga uri tulad ng Asiatic black bear na protektado mismo ng mga batas ng bansa, ayon sa isang pag-aaral ng University College of London. [Korea National Park Service]](/gc7/images/2025/05/30/50594-bearkorea-370_237.webp)
Ang mga nanganganib na hayop tulad ng Asiatic black bears, long-tailed goral at Eurasian otter ay hinuhuli para sa pansariling konsumo at ilegal na bentahan sa black market, na kadalasang nauuwi sa mga mamimili sa China, ayon sa pag-aaral.
"Ang China ang pangunahing internasyonal na destinasyon para sa kalakalan ng hayop ng North Korea, kabilang sa mga pangunahing produkto ang karne ng maiilap na hayop, balahibo, at mga bahagi ng katawan na ginagamit sa tradisyunal na gamot," sinulat ng UCL sa isang ulat noong Mayo 9.
Batay sa mga panayam sa mga tumakas mula sa North Korea, kabilang ang dating mga mangangaso at tagapamagitan sa kalakalan ng hayop, isiniwalat ng pagsusuri na ang mismong bansa ay sangkot at aktibong kumikita sa pagkuha at pagbebenta ng mga nanganganib na uri ng mga hayop.
Ipinaliliwanag sa pag-aaral kung paano nagpapatakbo ang North Korea ng mga wildlife farm, kabilang ang mga hayop tulad ng otter, pheasant, deer, at ang protektadong Asiatic black bear.
Pinaniniwalaang unang ipinakilala ng North Korea ang bear bile farming noong huling bahagi ng dekada 1970, isang pamamaraan na kalaunan ay ginamit din ng iba pang mga bansa sa rehiyon, kabilang ang China. Ginagamit sa tradisyunal na gamot sa Asya, ang bear bile farming ay malawakang kinondena ng mga tagapangalaga ng kalikasan at mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga hayop.
Pondo sa militar hindi sa tao
Habang isinasantabi ang proteksyon sa biodiversity, patuloy na pinalalakas ng North Korea ang kanilang militar.
Ipinakita ng Pyongyang noong huling bahagi ng Abril ang barkong pandigma na pinakamalaki at marahil ang may pinakabagong teknolohiya sa kasaysayan nito: ang 5,000-toneladangChoe Hyon-class destroyer. Ayon sa state media, ang barko ay may “pinakamakapangyarihang mga sandata” sa hukbong-dagat ng North Korea, kabilang ang mga sopistikadong missile system.
Ang pagpapakilala sa Choe Hyon-class destroyer ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pagpapakita ng lakas militar na kinabibilangan ng mga paglulunsad ng ballistic missile, at may mga bagong teknolohiya sa satellite, at pagpapalawak ng kakayahan ng mga submarino.
Noong Oktubre 31, 2024, inihayag ng Pyongyang ang isinagawang test-launch ng bago nitong intercontinental ballistic missile (ICBM), angHwasong-19. Inilarawan ito ng state media bilang “pinakamalakas sa mundo,” na sinasabing lumipad ito nang mas malayo at mas mataas kaysa sa mga naunang missile ng rehimen.
Gayunpaman, nilinaw ng mga internasyonal na eksperto na hindi naipakita sa test ang mga teknolohikal na pamantayan para sa ganap na gumaganang ICBM na kayang marating ang US. Nanatiling hindi beripikado ang guidance system, reentry technology, at payload capacity.
Kasunod nito, ang paglulunsad ng pinakasopistikadong barkong pandigma ng rehimen ay dumanas ng pagkabigo.
Ang pangalawang Choe Hyon-class destroyer ay iniulat na nasira noong inilunsad nitong buwan, ayon sa mga satellite imagery at ulat ng intelihensiya na nagpapakitang nakatagilid ito at hindi gumagana -- na sumasalungat sa pahayag ng bansa tungkol sa hindi mapipigilang modernisasyon sa militar.
Ipinakikita ng mga insidenteng ito ang isang mas malawak na pattern: habang inilalarawan ng North Korea ang sarili bilang makapangyarihang militar, madalas na lumilitaw sa katotohanan ang mga teknikal na kahinaan at pinalalabis na pahayag.
Planado ang palabas — layuning pataasin ang moral sa loob ng bansa at magpadala ng mapanghamong mensahe sa ibang bansa — kahit na kapos ang aktwal na kakayahang militar sa likod nito.
Madilim na kinabukasan
Ayon sa mga eksperto, kahit maliit na bahagi lamang ng mga pondo ang inilaan sa mga programang ito ay makakatulong upang maibsan ang matinding pangangailangan sa bansa.
Iniulat ng mga ospital ang kakulangan sa mahahalagang gamot, tumataas ang malnutrisyon ng mga sanggol, at ang mga rural na klinika ay walang kuryente at malinis na tubig.
Kamakailan, sinabi ng United Nations (UN) na halos 46% ng bansa -- o 11.8 milyong North Korean -- ang kulang sa nutrisyon.
"Hinaharap ng bansa ang malalang kakulangan sa pagkain dahil sa luma nitong imprastruktura, kakulangan sa teknolohiya at kasanayan, mga natural na kalamidad, at kawalan ng pamumuhunan sa pagharap sa mga suliraning ito," sinabi ni Elizabeth Salmon, ang UN special rapporteur para sa karapatang pantao ng North Korea, sa isang ulat sa UN Human Rights Council.
Ang patuloy na kapabayaan sa mga pangangailangang pantao at pangkalikasan ay nagdudulot sa North Korea ng madilim na kinabukasan, na walang nakikitang lunas habang nananatiling hiwalay ito sa pandaigdigang komunidad.
Binigyang-diin ng mga may-akda ng pag-aaral sa Biological Conservation na ang kahirapan sa ekonomiya ang pangunahing nagtutulak sa ilegal na bentahan ng mga hayop sa black market.
Matapos bumagsak ang ekonomiya ng North Korea noong dekada 1990 -- na nagdulot ng matinding taggutom na tinatayang nagresulta sa pagkamatay ng 600,000 hanggang 1 milyong tao -- mabilis na lumago ang impormal na ekonomiya.
Bilang tugon sa malawakang kahirapan, maraming mamamayan ang napilitang lumahok sa kalakalan ng mga produkto, kabilang na ang mga hayop, bilang paraan ng pagtaguyod ng kanilang buhay.
Bagamat bahagyang bumuti ang kalagayan sa ilang sektor, wala pang nakikitang ebidensiya ang mga mananaliksik na bumagal ang ilegal na kalakalan ng mga hayop.