Mga Istratehikong Usapin

Bagong Labanan? Pagdami ng mga sundalong Ruso sa Finland nagdudulot ng pangamba

Bagamat maaaring tumagal ng ilang taon bago makabuo ang Russia ng sapat na puwersa para magsimula ng pag-atake sa Finland, nagbabala ang mga analyst na ang paghahanda ay matagal nang nasimulan.

Mga sundalong Ruso na nakabase sa isang sirang gusali sa Ukraine. [Russian Ministry of Defense]
Mga sundalong Ruso na nakabase sa isang sirang gusali sa Ukraine. [Russian Ministry of Defense]

Ayon kay Robert Stanley |

Tahimik na pinalalakas ng Russia ang kanilang puwersa sa 1,340-kilometrong hangganan nila sa Finland -- isang estratehikong hakbang na nagpapahiwatig na naghahanda ang Moscow para sa posibleng digmaan laban sa NATO.

Ipinakikita ng mga litratong kuha ng satellite na sinuri ng Black Bird Group para sa The New York Times ang mga bagong kampo at pinalawak na base malapit sa hangganan ng Finland.

Ang mga hakbang na ito ay tila pagbawi sa dating pagbabawas ng mga sundalo nang ilipat sila ng Russia mula sa northern border upang tutukan ang pagsalakay sa Ukraine noong 2022.

Nagbabala ang mga analyst, na bagamat maaaring tumagal ng ilang taon bago makabuo ang Russia ng sapat na puwersa para magsimula ng pag-atake sa Finland, ang paghahanda ay matagal nang nasimulan.

“Nang pinalalakas ng mga Ruso ang kanilang puwersa sa Ukraine o sa border nito bilang paghahanda sa kanilang paglusob, napansin ng mga Finns na inalis muna ng Russia ang mga sundalo nila mula roon. Lubhang nabahala sila sa maaaring mangyari kung ibabalik ang mga sundalo, na siyang nakikita nating nangyayari ngayon.” sinabi ni Fiona Hill, isang senior fellow ng Brookings Institution, sa isang panayam sa National Public Radio noong Mayo 20.

Bagamat inaasahan umano ni Russian President Vladimir Putin na babagsak ang Ukraine sa loob lamang ng ilang araw, nananatiling hindi umuusad ang opensiba ng Moscow matapos ang tatlong taon ng digmaan.

Sa halip, tinatayang umabot na sa 975,800 ang casualty ng Russia at nawalan ito ng mahigit 10,000 tangke, 28 barkong pandigma, 372 eroplano, isang submarine, at iba pang kagamitang militar, ayon sa ulat ng General Staff ng Armed Forces of Ukraine noong Mayo 20.

Panlilinlang ba ito?

Sa kabila ng mga kabiguan, ang pagkilos ng mga sundalo malapit sa Finland ay nagdudulot ng isang mahalagang tanong: Bakit inililipat ng Russia ang mga kagamitan at lakas-militar papuntang north gayong kulang pa rin ito sa mga bihasang tauhan at kagamitan sa labanan sa Ukraine?

“Ang mga bagong dating na sundalo at kampo na malapit sa border ng Finland ay malinaw na senyales na pinalalakas ng Russia ang kanyang puwersa bilang paghahanda sa posibleng pag-atake,” sabi ni Minna Alander, isang fellow ng Transatlantic Defense and Security Program at ng Center for European Policy Analysis.

Pinalalala pa ng lokasyon ang banta.

Noong sumali ang Finland sa NATO noong 2023, dumoble ang land border ng alyansa laban sa Russia — umabot ito sa higit 2,549 kilometro, mula Norway hanggang Poland. Kaya’t sa anumang laban sa NATO, kailangan nang bantayan ng Russia ang mas pinalawak nitong linya ng depensa.

“Anumang pag-atake sa mga bansa ng NATO… nakadepende ito ngayon sa kakayahan ng Russia na sabay-sabay ipagtanggol ang buong border ng NATO at Russia,” sabi ni Alander.

Gayunpaman, ayon sa ilang analyst, ang kasalukuyang pagdami ng puwersa ay tila mas may layuning sikolohikal kaysa taktikal -- sa ngayon.

“Malinaw na may elementong panlilinlang at pananakot dito,” sabi ni Hill. “Ito ay isang mensahe para sa Finland at iba pang mga bansang nasa hangganan na naroroon ang Russia.”

Timeline ng paghahanda

Batay sa datos, tila mas lamang ang Moscow pagdating sa lakas militar.

May tinatayang higit 3.5 milyong tauhan ang militar ng Russia, kabilang ang 1.3 milyong aktibong sundalo at 2 milyong reservists.

Sa kabilang banda, may mga 24,000 aktibong sundalo at 870,000 reservists ang Finland, nasa 947,800 ang total na bilang ng kanilang militar.

Ayon sa intelligence ng NATO, unti-unti nang umiikli ang panahon ng paghahanda laban sa agresyon ng Russia.

Sa update nito noong Pebrero 2025, inilatag ng Danish Defense Intelligence Service ang tatlong posibleng senaryo pagkatapos ng digmaan sa Ukraine:

  • Isang lokal na digmaan laban sa kalapit na bansa sa loob ng anim na buwan.
  • Isang rehiyonal na labanan sa Baltic sa loob ng dalawang taon.
  • Isang malawakang pag-atake sa Europe sa loob ng limang taon.

"Nakikita ng Russia ang sarili nito na nasa isang tunggalian laban sa West at naghahanda para sa digmaan laban sa NATO," ayon sa ulat. "Hindi ibig sabihin nito na may desisyon na para magsimula ng digmaan, pero ang Russia ay nag-aarmas at bumubuo ng potensyal na makagawa ng ganitong desisyon."

Isang hiwalay na ulat ngayong buwan mula sa International Institute for Strategic Studies ang nagpapahiwatig ng mas maikling timeline. Nagbabala ito na maaaring magdulot ang Russia ng “malaking hamong militar sa mga kaalyado ng NATO, lalo na sa mga bansang Baltic, pagsapit ng 2027."

Sabi ng mga opisyal sa depensa ng Finland, inaasahan din nila ang parehong posibilidad at naghahanda sila para dito.

“Mas mataas na bilang ng mga sundalo ang magiging usapan natin,” ayon kay Brig. Gen. Pekka Turunen, direktor ng Finnish defense intelligence.

Tinataya ng Finland na may humigit-kumulang limang taon sila para maghanda bago tuluyang maging mas mapanganib ang banta mula sa Russia, sinabi niya sa The New York Times.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *