Pandaigdigang Isyu

Inilalantad ng datos ng mga tunggalian ang higit na marupok na sistemang pangseguridad

Ipinakikita ng umaakyat na bilang ng mga nasawi at ng malaking dami ng mga tunggaliang may kaugnayan sa estado kung bakit hindi na maaaring ituring ng mga pamahalaan ang mga digmaan bilang mga nakabukod na krisis.

Nakaupo ang mga aso sa likuran ng isang sasakyang naipit sa trapik, habang tumatakas ang mga tao mula sa Tyre sa Southern Lebanon at naghahanap ng kanlungan sa mas hilagang lungsod ng Sidon noong Hunyo 9, 2026 matapos maglabas ng babala ang Israel para sa paglikas. [Mahmoud Zayyat/AFP]
Nakaupo ang mga aso sa likuran ng isang sasakyang naipit sa trapik, habang tumatakas ang mga tao mula sa Tyre sa Southern Lebanon at naghahanap ng kanlungan sa mas hilagang lungsod ng Sidon noong Hunyo 9, 2026 matapos maglabas ng babala ang Israel para sa paglikas. [Mahmoud Zayyat/AFP]

Global Watch |

Ipinapakita ng pinakabagong datos ng mga hidwaan na ang mundo ay nagiging mas marahas, mas watak-watak, at mas mahirap patatagin.

Noong 2025, nagtala ang Uppsala Conflict Data Program ng 65 na hidwaang nakabase sa estado, ang pinakamataas na bilang mula nang magsimula ang pagtatala nito noong 1946. Dumoble rin sa dalawang magkasunod na taon ang mga hidwaang namamagitan sa mga estado, na umabot sa walo, habang 13 ang umabot sa antas ng digmaan, na nangangahulugang nagdulot ang mga ito ng hindi bababa sa 1,000 na pagkamatay na may kaugnayan sa labanan sa loob ng isang taon sa kalendaryo.

Malaki ang naging kapalit nito sa buhay ng tao. Humigit-kumulang 244,600 na tao ang napatay sa organisadong karahasan noong 2025, kung kaya't ito'y itinuturing na ikalawang pinakamadugong taon mula noong nangyari ang Rwandan genocide noong 1994.

Ang mga bilang na ito ay may halaga na higit pa sa larangan ng digmaan.

Makikita sa isang larawan ang resulta ng mga airstrike ng Israeli sa lugar ng Burj al-Chamali malapit sa timog na lungsod ng Tyre noong Hunyo 2, 2026. [Kawnat Haju/AFP]
Makikita sa isang larawan ang resulta ng mga airstrike ng Israeli sa lugar ng Burj al-Chamali malapit sa timog na lungsod ng Tyre noong Hunyo 2, 2026. [Kawnat Haju/AFP]

Ipinapakita ng mga ito kung paanong ang mga digmaan, mga tunggalian sa loob ng bansa, at mga pagsalakay sa mga sibilyan ay sabay-sabay na sumusubok sa mga ruta ng kalakalan, mga pamilihan ng enerhiya, mga sistema ng alyansa, at mga kasangkapan sa pamamahala ng krisis, kasabay nito, may paulit-ulit ding mapapansin na mas malawak na mga alalahanin ukol sa marurupok na mga estratehikong chokepoint ng enerhiyaat mga pinagtatalunang supply chain.

Ang isyu ngayon ay hindi na kung ang isang hidwaan ay maaaring makagambala sa katatagan, kundi kung ang ilang magkakapatong na hidwaan ay maaaring magpahirap sa mga magkakaparehong pandaigdigang mga sistema.

Nagiging sistemiko ang karahasan

Ipinapakita ng datos na ang hidwaan ay hindi lamang kumakalat, kundi nagiging mas magkakaugnay.

Ang digmaan ng Russia laban sa Ukraine ay nanatiling pinakamadugong tunggalian noong 2025, kung saan nagtala ang UCDP ng hindi bababa sa 94,700 na nasawi. Umabot ito sa humigit-kumulang 62% ng lahat ng mga pagkamatay na may kaugnayan sa labanan sa buong mundo.

Ang mga digmaan sa Gaza at Sudan ay nanatiling kabilang sa mga pinakanakamamatay. Kasabay nito, ang mga direktang sagupaan sa pagitan ng Iran at Israel, India at Pakistan, at Israel at Syria ay sumasalamin sa mas malawak na pagbabalik ng karahasan sa pagitan ng mga estado.

Inilarawan ni Shawn Davies, isang senior analyst ng UCDP, ang kalakaran bilang isang “malinaw na pagtaas ng mga tunggalian sa pagitan ng mga estado” at sinabing ang mga kamakailang pag-unlad ay nagpapahiwatig ng “tumaas na tensyon sa pagitan ng mga bansa at mga pagbabago sa pandaigdigang kaayusan ng seguridad.”

Ang pinakamatinding paglala ay makikita sa mga naganap na karahasan laban sa mga sibilyan.

Nagtala ang UCDP ng humigit-kumulang 76,500 na pagkamatay sanhi ng karahasan mula sa isang panig noong 2025, isang pagtaas ng higit sa 400% mula sa nakaraang taon. Karamihan sa pagtaas na ito ay dulot ng Sudan, lalo na matapos ang mga masaker na nauugnay sa pagbagsak ng El Fasher sa Darfur.

Sinabi ni Therese Pettersson, isang senior UCDP analyst at project leader, na ang mga bilang ay sumasalamin sa “napakataas na antas ng nakamamatay na karahasan” at sa isang dramatikong pagtaas ng mga pagsalakay na nakapuntirya sa mga sibilyan.

Nagkaroon ng isang bahagyang pagbuti. Ang mga pagkamatay mula sa mga tunggaliang hindi pang-estado ay bumaba sa humigit-kumulang 14,500, ang pinakamababang antas mula noong 2013.

Ngunit hindi binabago ng pagbabang iyon ang mas malawak na larawan. Ang karahasang nakabase sa estado ay nananatiling napakataas. Tumataas ang mga tunggalian sa pagitan ng mga estado. Ang mga pagkamatay ng sibilyan ay bumalik sa mga antas na mahigit tatlong dekada nang hindi naitatala.

Ginagawa nitong mas mahirap pangasiwaan ang mga hidwaan.

Ang isang digmaan na pumipinsala sa imprastruktura ng enerhiya ay maaaring magpataas ng mga presyo kahit sa mga lugar na malayo sa frontline ng labanan. Maaaring maantala ng isang krisis sa karagatan ang pagpapadala. Ang isang tunggalian sa loob ng bansa ay maaaring magdulot ng pagdagsa ng mga refugee, pagkakalantad sa mga parusa, kakulangan sa pagkain, at pampulitikang panggigipit sa mga kalapit na estado, habang ang karahasang may kaugnayan sa likas na yaman ay maaari ring magpalala sa mga kompetisyon para sa mga kritikal na mineral.

Sa ganitong kapaligiran, ang kawalang-katatagan ay hindi nananatiling nakapaloob nang matagal. Kumakalat ito sa mga pamilihan, hangganan, at mga supply chain.

Sumasailalim sa matinding pagsubok ang mga alyansa

Ang bagong datos ay hindi nagpapatunay na nabigo ang mga umiiral na istruktura ng seguridad. Ipinapakita nito na mas mabigat ang mga hamong kanilang hinaharap.

Mula noong 1945, ang mga pormal na alyansa at pagatatalaga ng mga puwersang militar sa mga estratehikong lugar ay nakatulong sa pagbawas ng posibilidad ng direktang digmaan sa pagitan ng malalaking kapangyarihan sa ilang rehiyon. Ang nakasaad sa Artikulo 5 ng NATO ang nananatiling pinakamalinaw na halimbawa nito: ang pagsalakay sa isang kaalyado ay itinuturing na pagsalakay sa lahat, kaya’t napipilitang isaalang-alang ng sinumang kalaban ang panganib ng mas malawak na tugon.

Pinapataas nito ang halaga ng agresyon, ngunit ang pagpigil ay hindi awtomatiko.

Depende ito sa kahandaan, pagkakaisa sa pulitika, mapagkakatiwalang kakayahang militar, at mabilis na koordinasyon. Mas nagiging mahirap na panatilihin ang mga kondisyong ito kapag ang mga pamahalaan ay sabay-sabay na humaharap sa mga panggigipit sa Europe, Middle East, Africa, at Asia.

Ang panganib na idinudulot nito ay hindi lamang na mas maraming digmaan ang nagaganap, kundi na ang mga bansang ito ay nagkokompitensya para sa parehong mga reserbang militar, mga mapagkukunan ng intelihensiya, atensiyong diplomatiko, at kakayahang pampulitika.

Ang isang pamahalaan na tumutugon sa isang teatro ng operasyon ay maaaring mas kaunti na ang mga mapagkukunang-yaman para sa iba. Ang krisis sa isang rehiyon ay maaari ring makaapekto sa mga kalkulasyon sa ibang bahagi, lalo na kung naniniwala ang mga karibal na nasagad na ang atensyon at kapasidad ng potensyal na kaalyado.

May mga bentahe pa rin ang mga sistema ng alyansa na mahirap tumbasan ng mga indibidwal na estado. Sinusuportahan nito ang pagbabahagi ng pasanin, pagpapalitan ng intelihensiya, pinagsamang pagpaplano, at koordinadong pagbibigay ng mga hudyat.

Ngunit may mga kahinaan din sila. Maaaring hindi pantay ang pagbabahagi ng intelihensiya. Maaaring mabagal ang pagpaplano ng koalisyon. Maaaring hindi makaagapay ang kapasidad ng industriya ng depensa sa pangangailangan. Maaaring mas mahirap panatilihin ang pagkakaisa sa pulitika habang dumarami ang mga krisis.

Mahalaga ang balanseng iyon.

Maaaring pataasin ng mga alyansa ang gastos sa eskalasyon, ngunit hindi nila maaalis ang panganib. Maaari nilang pabagalin ang paglaganap ng hidwaan, ngunit hindi nila ganap na mapipigilan ang karahasang dulot ng lokal na mga hinaing, panlabas na suporta, mga ilegal na network, o pagbagsak ng awtoridad ng estado.

Ang mga datos ng 2025 ay nagpapahiwatig ng mas mapanghamong estratehikong kapaligiran. Maaaring mas mahusay na makayanan ng mga estadong may matibay na ugnayan ang mga biglaang pagyanig, ngunit maging sila ay nahaharap sa mas mataas na gastos, mas mahigpit na mga takdang panahon, at mas mahihirap na desisyon.

May direktang aral na mapupulot dito. Ang hidwaan ay hindi na isang serye ng magkakahiwalay na emergency. Ito'y nagiging magkakaugnay na sistema ng panggigipit.

Ang mga bansang pinakamabilis na makaaangkop ay ang mga nag-uugnay ng pagpigil, katatagang pang-ekonomiya, at pamamahala sa krisis bago dumating ang susunod na pagyanig.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Patakaran sa Pagkomento