Pandaigdigang Isyu
Suportang nuklear ng Russia, nakaamba sa likod ng usapan ng Iran–US sa Oman
Habang nagpapalitan ng mga hindi tuwirang mensahe ang Washington at Tehran sa Muscat, nagbubunsod ng pangamba ang tahimik at hindi lantad na pagbabahagi ng Moscow ng kaalamang nuklear, mga materyales, at pondo na maaaring magpabilis sa pag-unlad ng programang atomiko ng Iran.
![Ipinapakita sa isang litrato ang ilang kopya ng pang-araw-araw na pahayagang Iranian na ibinebenta sa isang tindahan ng pahayagan sa Tehran, na nag-uulat tungkol sa unang round ng usapan ng Iran at US noong Pebrero 7. [Atta Kenner/AFP]](/gc7/images/2026/02/12/54546-afp__20260207__96h37wh__v1__highres__iranusdiplomacy-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang pinakahuling round ng negosasyong nuklear ng US at Iran sa Oman, na ginanap noong Pebrero 6, ay tanda ng maingat na muling pagsisimula ng usapan matapos ang ilang buwang walang usad na tensiyon.
Nangyari ang mga pag-uusap na ito kasabay ng isang malaking usapin sa pagkontrol sa armas noong linggong iyon: sinabi ng US na nagwakas na ang kasunduang New START noong Pebrero 5at hinikayat din nito ang pagbuo ng isang mas malawak na “bagong sistema” ng kasunduan na sasaklaw hindi lang sa Russia kundi pati sa Tsina.
Tinawag ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi ang mga pag-uusap sa Oman bilang isang “good start,” at idinagdag na nakatuon lamang ang mga ito sa programang nuklear ng Tehran, habang isinantabi ang mga ballistic missile bilang “non-negotiable.”
Kinatawan nina Steve Witkoff at Jared Kushner ang Washington sa usapan, habang si Badr Albusaidi, Foreign Minister ng Oman, ay pabalik-balik sa mga silid upang maghatid ng mensahe sa magkabilang panig, dahil hindi direktang nag-uusap ang mga kinatawan sa Al Alam Palace sa Muscat.
Pinuri ni President Donald Trump ang mga talakayan bilang “very good,” ngunit nanatili pa rin ang mga banta ng aksiyong militar, kasabay ng babala sa Supreme Leader ng Iran na dapat siyang maging “very worried.”
Ngunit sa ilalim ng mga pampublikong palitang ito ay may umiiral na masalimuot na ugnayan ng Iran at Russia na madalas hindi napapansin sa mga pangunahing ulat.
Higit pa sa mga lantad na kasunduan sa mga reactor ang papel ng Moscow, kabilang dito ang palihim na paglilipat ng sensitibong datos nuklear, mga raw material, at suportang pinansyal na maaaring magpabilis sa kakayahan ng Iran.
Ang ugnayang ito, na nabuo habang parehong umiiwas sa mga sanction, ay nagbabanta na pahinain ang anumang marupok na progreso sa Oman.
Lihim na palitan ng teknolohiya ng dalawang bansa
Matagal nang nagbibigay ang Russia ng kaalamang nuklear sa Iran, ngunit ang mga kamakailang pangyayari ay nagpapahiwatig ng mas malalim at bihirang naiuulat na palitan.
Noong 2025, lumagda ang Moscow at Tehran sa isang komprehensibong kasunduang estratehiko na nagbibigay-diin sa pinalawak na ugnayang nuklear para sa sibilyan, kabilang ang pinagsamang kaalaman sa paggawa ng nuclear fuel.
Ayon sa mga eksperto, ibinahagi umano ng Russia ang mas sopistikadong mga pamamaraan sa pagpapayaman ng uranium, na maaaring makatulong sa Iran -- na makarating sa puntong kaya nitong gumawa ng materyal na pang-armas nang hindi pa ganap na gumagawa ng sandatang nukleyar.
Higit pa ito sa Bushehr reactor, kung saan naglalaan ang Russia ng mababang antas ng na-enrich na uranium na fuel at ibinabalik ang mga nagamit na fuel rod upang maiwasan ang panganib ng pagkalat ng sandatang nuklear.
Ang mas malawak na “tulay” sa pagitan ng Tehran at Moscow ay kinabibilangan ng organisadong edukasyon at palitan -- mga estudyanteng Iranian na nagsasanay sa mga institusyong teknikal ng Russia sa ilalim ng kooperasyong kaugnay ng Bushehr, at mga sumunod na kooperasyon sa unibersidad na sumusuporta sa palitan ng guro at mga pinagsamang programa.
May mga ulat na nag-aalok ang Moscow na i-export ng Iran ang sobra nilang uranium na mataas ang enrichment at gawing fuel para sa mga nuclear reactor—isang hakbang na maaaring magkubli ng lihim na pagsisikap sa paggawa ng sandata.
Kasama rin sa ganitong pagbabahagi ang mga sangkap na may dobleng gamit para sa mga centrifuge, na nagmumula sa malawak na dominasyon ng Russia sa pagpoproseso at pagpapalit-anyo ng uranium -- na kumokontrol sa hanggang 46% ng buong kapasidad ng mundo sa pagpapayaman ng uranium.
Ginagamit naman ng Iran ang ugnayang ito upang palakasin ang pasilidad nitong Fordow, na tahimik na inililipat mula sa pagpapayaman ng uranium tungo sa produksyon ng mga isotope sa ilalim ng gabay ng Russia.
Nakakaiwas ang mga paglilipat na ito sa malawakang pagsusuri dahil isinasailalim ang mga ito sa mga kategoryang “sibilyan.”
Gayunman, umaayon ang mga ito sa estratehiya ng Iran na panatilihin ang breakout potential nito, na tinatayang aabot lamang sa ilang linggo para sa isang payak na sandata kung walang hadlang. Habang binibigyang-diin ng pag-uusap sa Oman ang pagiging bukas at malinaw sa impormasyon, tahimik namang sinisira ng mga pagpasok ng teknolohiya mula sa Moscow ang mismong prinsipyong ito.
Nabunyag ang mga tulong-pinansyal
Ang suportang pinansyal ay isa pang mahalagang bahagi ng alyansang ito, na madalas natatabunan ng mga kasunduan sa drone at armas.
Nangako ang Russia ng $25 billion para magtayo ng apat na bagong reactor sa Bushehr at sa mga lugar tulad ng Sirik at Karun, habang binabawasan ng Tehran ang utang nito upang mapabilis ang pag-usad ng mga proyekto.
Ang pondong ito, na dumadaan sa Rosatom, ay tumutulong sa Iran na pagaanin ang pagkawala ng kita dahil sa nga sanction, na umaabot sa bilyun-bilyong dolyar kada taon mula sa nawalang kita sa langis.
Nakikinabang din ang Moscow sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagkuha ng mga kontrata at paggamit sa Iran upang kontrahin ang impluwensiya ng US sa Middle East.
Bilang kapalit, nagbibigay ang Tehran ng kagamitang militar para sa mga operasyon ng Russia sa Ukraine, na bumubuo ng isang sistemang palitan na umiiwas sa mga sanction nakabatay sa dolyar.
Umabot sa rurok ang pinansyal na ugnayan na ito noong 2025 nang imungkahi ng Russia ang pag-alis ng pinayamang imbakan ng uranium ng Iran, isang hakbang na maaaring magbigay ng dagdag na oras sa Tehran sa gitna ng masusing pagbabantay sa Oman.
Ngunit maaari itong magpalala ng tensyon, lalo na kung ang mga ibinabahaging materyales ay may kasamang mga isotope na sensitibo at maaaring gamitin sa paggawa ng armas nuklear.
Habang humahaba ang mga negosasyon sa Oman, kung saan itinutulak ni Araghchi ang pag-alis ng mga sanction at iginigiit naman ni Trump ang masusing pagpapatunay ng mga limitasyon, lalo pang lumalaki ang impluwensiya ng Russia.
Hindi lamang sinusuportahan ng ugnayang ito ang programa ng Iran, kundi pinatitindi rin ang mga panganib sa isang hindi matatag na rehiyon.
Kung hindi matutugunan ang mga nakatagong ugnayang ito, mananatiling mababaw ang anumang kasunduang mabubuo sa Oman.
Tinitiyak ng tulong ng Moscow -- teknikal, materyal, at pinansyal -- ang katatagan ng programang nuklear ng Iran at ginagawang panlabas na anyo lamang ang mga pag-uusap para sa mas malalim na pagpapatatag ng kanilang kapasidad. Kailangang masusing siyasatin ng buong mundo ang mga ugnayang ito upang maiwasan ang paglaganap ng armas nuklear.