Mga Istratehikong Usapin
Ukraine, hinahamon ang pananaw ni Putin sa pagiging dakila ng Russia
Nag-uugat ang mga pananaw ni Putin hinggil sa pagbagsak ng Soviet Union sa malalalim na pangamba tungkol sa mga pamana at pagkakakilanlan.
![Makikita sa litratong kuha noong Disyembre 2, 2025, ang Kremlin sa pampang ng Ilog Moskva sa sentro ng Moscow. [Alex Nemenov/AFP]](/gc7/images/2026/01/26/53640-afp__20251202__86u2463__v1__highres__russiaukraineconflictus__1_-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang paulit-ulit na paglalarawan ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia sa pagbagsak ng Soviet Union bilang “pinakamalaking sakuna sa ugnayang pandaigdig” noong ika-20 siglo ay madalas na isinasantabi sa mga komentaryo sa Kanluran bilang paghahangad sa lumipas na ideolohiya o sadyang paggamit nito para sa pansariling layunin.
Ngunit sa mas malalim na pagsusuri, makikitang hindi lang geopolitics ang laman ng naratibo ni Putin -- ipinakikita nito ang malalalim na pangamba sa kanyang pamana, kakayahan at sa papel ng Ukraine sa paghubog ng makasaysayang pagkakakilanlan ng Russia.
Sa kanyang mga talumpati at sanaysay, palagiang inilalarawan ni Putin ang pagbuwag ng Soviet Union bilang isang estratehiko at eksistensyal na pagkawala.
Isinisisi niya ito sa mga probisyon ng konstitusyon na nagbigay-daan sa pagkalas ng mga republikang kasapi ng unyon, at inaakusahan ang mga lider tulad nina Vladimir Lenin at Mikhail Gorbachev ng mga seryosong pagkakamali sa pamamahala ng estado. Para kay Putin, ang pagbagsak ay hindi lamang kabiguang pang-ekonomiya o pampulitika, kundi isang malalim na sugat sa makasaysayang landas ng Russia, isang sugat sa sariling pagtingin nito bilang pangunahing puwersa sa kasaysayan ng Eurasia.
Sentro sa naratibong ito ang Ukraine, na inilalarawan ni Putin hindi bilang isang malayang bansa kundi bilang sagisag ng lakas ng Soviet sa larangan ng ekonomiya, kultura, at teknolohiya. Para kay Putin, ang kalayaan ng Ukraine ay direktang hamon sa makasaysayang pamumuno ng Russia. Ang pagkawala ng Ukraine ay sumira sa naratibo ng pagiging dakila ng Russia, na lumikha ng bersyon ng kasaysayan kung saan hindi matatag at hindi tiyak ang impluwensya ng Moscow.
Ipinapaliwanag ng dinamikang ito kung bakit madalas binabaluktot ni Putin ang mga detalye ng kasaysayan sa kanyang retorika.
Sa kanyang mga talumpati, iginiit niya na ang modernong Ukraine ay “buong-buo na nilikha ng Russia, o para mas tiyak, ng Bolshevik at Komunistang Russia.”
Ang ganitong pahayag ay binabalewala ang daang-taong pag-unlad sa kultura at politika ng Ukraine, at itinatanghal ang bansa na para bang produkto lamang ng kaayusan ng estadong Soviet. Ito ay isang estratehiyang retorika na layuning ipakita ang pagiging sentro ng Russia sa paghubog ng kasaysayan ng rehiyon.
Mula sa pananaw ng sikolohiya, pagpapakita ito ng pagseselos at malalim na pagkabigo na ang pamana ng Russia ay tila hindi buo na wala ang Ukraine.
Ang kalayaan ng Ukraine at ang mga nagawa nito pagkatapos ng Soviet era, lalo na sa teknolohiya at sa pag-angkop sa industriya, ay nagsisilbing buhay na patunay ng kakayahan nitong kumilos nang hiwalay sa kontrol ng Moscow.
Para kay Putin, ito ay direktang hamon sa kanyang pangarap na muling palakasin ang Russia, na nakasalalay sa pagbawi ng simboliko at materyal na ambag ng Ukraine sa kapangyarihan ng Soviet.
Pagbibigay-kahulugan sa mga naratibo
Ang matinding pagtutok ni Putin sa mga hinaing sa kasaysayan ay may dalawang layunin.
Sa loob ng bansa, pinatitibay nito ang kanyang pagiging lehitimo sa pamamagitan ng pagpapakita na ang problema ng Russia ay sanhi ng panlabas na pagtataksil, hindi ng sariling pagkukulang.
Sa labas ng bansa, ginagamit nito bilang katwiran ang agresibong polisiyang panlabas, sa pamamagitan ng paglalarawan sa Ukraine at Kanluran bilang mga kalaban na responsable sa paghina ng katayuan ng Russia.
Pinakikita ng naratibong ito ang krisis sa pagkakakilanlan ng Russia matapos ang Soviet era, at ginagawang batayan ng tunggalian ang makasaysayang pagkawala.
Personal din ang retorika ni Putin. Ang kanyang naratibo ay nagpapakita ng sikolohikal na pangangailangang muling ipakita ang Russia sa kasaysayan, kung saan ang kalayaan ng Ukraine ay hindi lamang politikal na realidad—ito ay banta sa pagpapatuloy ng pagiging dakila ng Russia. Sa pamamagitan ng pagtingin sa kalayaan ng Ukraine bilang kakaibang pangyayari sa kasaysayan, nais ni Putin na maibalik ang Russia bilang hindi mapapantayang sentro ng kapangyarihan sa Eurasia.
Mahalagang maunawaan ang dinamikang ito para sa mga mambabasa o manonood na nagnanais suriin ang mga naratibo ng Kremlin.
Ipinakikita ng mga pahayag ni Putin ang malalim na pangamba tungkol sa pamana at pagkakakilanlan ng Russia. Ang kalayaan ng Ukraine ay hamon sa imahe ng Russia bilang isang pinag-isa at makapangyarihang bansa, kaya’t ang alitan sa pagitan ng dalawang bansa ay hindi lang tungkol sa pulitika kundi pati mismo sa interpretasyon ng kasaysayan.
Para sa Europa at Kanluran, mahalagang maunawaan ang sikolohikal at makasaysayang aspeto ng retorika ni Putin upang makabuo ng mga epektibong tugon.
Ang kalayaan ng Ukraine ay hindi lamang politikal na realidad, ito ay simbolo rin ng katatagan at sariling kakayahang kumilos, na nagpapahina sa mga pagtatangka ng Moscow na baguhin ang kasaysayan. Ang pagsuporta sa soberanya at tagumpay ng Ukraine ay hindi lamang isang estratehikong pangangailangan kundi isa ring pagtanggi sa naratibo na ang pagiging dakila ng Russia ay nakasalalay sa pang-aalipin sa mga karatig-bansa nito.