Mga Istratehikong Usapin
Mga hungkag na banta ng Russia: serye ng kapalpakan
Sa halip na magpakita ng pagkakaisa, lalo pang pinalalim ng ginawa ng Moscow ang hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine at pinatibay ang determinasyon ng Kyiv na lumaban.
![Sa larawang ito mula sa Russian state agency na Sputnik, nagtalumpati si Pangulong Vladimir Putin ng Russia sa isang pagpupulong kasama ang mga nagtapos mula sa mga mataas na akademyang militar sa Moscow noong Hunyo 23. [Alexander Kazakov/Pool/AFP]](/gc7/images/2025/06/27/50957-kremlin-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang mga pahayag kamakailan ni Russian President Vladimir Putin sa St. Petersburg International Economic Forum, kung saan sinabi niyang “ang buong Ukraine ay sa atin” sa teorya, ay muling nagbunsod ng pagsusuri ng buong mundo sa mga ambisyon ng Moscow at sa nagpapatuloy nitong digmaan sa Ukraine.
Bagaman ang retorika ng Kremlin ay naglalayong ipakita ang lakas at tiyak na tagumpay, ang tunay na kalagayan ng kampanya ng Russia ay nagpapakita ng sunud-sunod na kabiguan sa estratehiya, pagkakahiwalay ng bansa sa mundo, at lumalaking pagdududa sa kakayahan nitong isakatuparan ang mga layunin nito.
Ang ilusyon ng pagkakaisa
Ang pahayag ng Kremlin na "iisa" ang mga Russian at Ukrainian ay bahagi ng naratibong paulit-ulit nang tinanggihan ng Ukraine at ng mga kaalyado nito. Paulit-ulit ding binibigyang-diin ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang natatanging pagkakakilanlan at soberanya ng Ukraine, tinuturing ang mga pahayag ng Kremlin bilang manipis na pagdadahilan sa kanilang agresyon.
Ang ideya ng pagkakaisa, kung ihahambing sa pagkawasak na idinulot ng puwersa ng Russia, ay nawawalan ng saysay. Sa halip na lumikha ng pagkakaisa, mas lalo pang pinatingkad ng mga kilos ng Moscow ang pagkakahati ng dalawang bansa at pinatatag ang determinasyon ng Ukraine na ipaglaban ang sarili.
Mga ambisyong teritoryal at palpak na estratehiya
Ang kontrol ng Russia sa tinatayang isang-kalimang bahagi ng Ukraine -- kabilang ang Crimea at ilang bahagi ng ibang pang mga rehiyon -- ay madalas ipinagmamalaki ng Moscow bilang patunay na tagumpay ng kanilang militar. Ngunit ang pira-pirasong pananakop ito ay may napakalaking kapalit. Ang paunang pananakop noong 2022, na inaasahan ng maraming analyst na matatapos agad sa isang mabilis na tagumpay, ay nauwi sa matagalang digmaan na may kasamang mga hamong lohistikal, mataas na bilang ng nasawi, at matinding paglaban mula sa Ukraine.
Ang mungkahi ng Kremlin na sakupin ng mga puwersa ng Russia ang lungsod ng Sumy upang makabuo ng buffer zone ay nagpapakita ng kawalan ng kakayahang makamit ang mas malawak na layunin. Sa halip na tiyak na tagumpay, paulit-ulit na kailangang bawasan ng Russia ang mga ambisyon nito at makuntento sa maliliit na tagumpay na hindi sapat para magbigay-katwiran sa napakalaking pinsala sa tao at ekonomiya.
Pagkakahiwalay sa mundo, pagwawalang-bahala sa kapayapaan
Ang pagtuligsa ni Ukrainian Foreign Minister Andrii Sybiha sa mga pahayag ni Putin bilang “lubusang pagwawalang-bahala sa mga pagsisikap ng US para sa kapayapaan” ay sumasalamin sa tumitinding pagkadismaya ng mga lider sa buong mundo. Habang nananawagan ang United States at iba pang mga bansa ng agarang pagwawakas ng labanan, patuloy namang inuuna ng pamumuno ng Russia ang pagpapalawak ng teritoryo kaysa diplomasya.
Dahil dito, lalong nilalayuan ng buong mundo ang Moscow. Ang mga sanction, pagkondena, at tulong militar para sa Ukraine ay lalong nagpapatibay sa paninindigan ng mga Western nation laban sa agresyon ng Russia. Ang patuloy na paggiit ng Kremlin na ang mga hakbang nito ay para sa depensa -- gaya ng pagtatatag ng mga buffer zone -- ay hindi naitago ang tunay nitong layunin ng pananalakay at ang pagkawasak na idinudulot nito.
Digmaang ubusan ng lakas
Sa kanyang talumpati noong gabi ng Hunyo 20, tinawag ni Zelenskyy ang plano ng Russia para sa rehiyon ng Sumy bilang “kabaliwan pa rin gaya ng dati,” na nagpapakita ng kawalang saysay ng estratehiya ng Moscow. Nauwi ang digmaan sa isang matagalang digmaang ubusan ng lakas, kung saan hirap ang Russia na mapanatili ang kanilang puwersa habang matatag namang ipinagtatanggol ng Ukraine ang kanilang teritoryo.
Ang ideyang “kung saan tumapak ang paa ng sundalong Ruso, atin na iyon,” ayon kay Putin, ay lalong hinahamon ng katatagan ng puwersa ng Ukraine at ng suporta ng mga pandaigdigang kaalyado. Bawat hakbang ng mga sundalong Ruso ay sinalubong ng matinding paglaban—na nagpapahina sa naratibo ng Kremlin tungkol sa tiyak na tagumpay at nagbubunyag ng kahinaan ng mga ambisyon nito.
Ang kabayaran ng kayabangan
Bagaman layunin ng retorika ng Kremlin na magpakita ng lakas, ang totoo ay inilalantad nito ang mga kahinaan at kabiguan ng kampanya ng Russia sa Ukraine. Ang ideya ng “lubusang pagwawalang-bahala” sa mga pagsisikap para sa kapayapaan ay hindi lamang isang pagkondena sa mga kilos ng Moscow, nagpapakita rin ito ng mas malawak na epekto ng kayabangan nito.
Habang tumatagal ang digmaan, muling pinapaalalahanan ang mundo na ang mga banta at pagyayabang ay hindi kailanman makakatakip sa katotohanan ng pagkabigo. Ang mga ambisyon ng Russia sa Ukraine ay hindi lamang pumalpak, kundi naging dahilan pa ng pagkakaisa ng mga bansa para sa soberanya at pagkawalang-saysay ng agresyon.
Ang pagsusuri sa retorika at mga kilos ng Kremlin ay nagpapakita na ang daan patungo sa hinaharapay hindi sa pamamagitan ng mga hungkag na banta o pag-aangkin ng mga teritoryo, kundi sa tunay na pagsusumikap na makamit ang kapayapaan -- isang layunin na mananatiling mailap hangga’t patuloy na nakakapit ang Moscow sa ilusyon ng dakilang kapangyarihan nito.