Bantay-Krisis
Internet blackout: Nabigong patahimikin ang sigaw ng mga Iranian para sa demokrasya
Ang internet blackout ay nilayong maging pangunahing sandata ng rehimen, ngunit ito ay naging malinaw na simbolo ng kahinaan ng gobyerno at ng takot nito sa sarilng mamamayan.
![Larawan mula sa video na kuha noong Enero 19 na nagpapakita ng mga nagpoprotestang Iranian na sinusunog ang mga motorsiklo na ginagamit ng mga tauhan ng seguridad ng rehimen. [Telegram]](/gc7/images/2026/01/21/53585-protests-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Sa desperadong pagsisikap na kontrolin ang lumalalang krisis, pinutol ng Tehran ang internet ng buong bansa noong Enero 8, na nagdulot ng kawalan ng impormasyon sa milyun-milyong tao. Ang hakbang na ito, isang gasgas na taktika mula sa playbook ng mga awtoritaryan, ay layong ihiwalay, lituhin, at durugin ang isang pambansang kilusang protesta.
Nanatiling mahigpit ang mga restriksyon sa komunikasyon.
Ang pag-aalsang ito, na dulot ng mga dekada ng panunupil at pagkabulok ng ekonomiya, ay nagbuklod sa isang lipunang hati-hati. Ang mga beripikadong video na unti-unting lumalabas sa kabila ng pagharang ay nagpapakita ng malinaw at matinding larawan ng isang bansang hayagang nag-aalsa: mga gusali ng gobyerno na nilalamon ng apoy, mga pampublikong liwasan na sinasakop ng mga determinadong tao, at mga puwersang panseguridad na nagpapakawala ng tear gas at nagpapaputok ng mga baril sa gabi.
Ang internet shutdown ay isang estratehikong desisyon, hindi bunga ng gulat o takot. Kinumpirma ng mga grupong nagbabantay, gaya ng NetBlocks at ng Internet Outage Detection and Analysis (IODA) project ng Georgia Tech, ang halos buong pagbagsak ng koneksyon, isang taktika na hinasa noong 12-araw na digmaan laban sa Israel noong Hunyo ng nakaraang taon.
Dalawa ang layunin nito: una, pigilan ang buong mundo na makita kung gaano kalawak ang matinding aksyon ng gobyerno; at ikalawa, putulin ang koneksyon na ginagamit ng mga nagpoprotesta para magplano at magpatuloy sa kanilang pagkilos.
Ngunit sa aktuwal na sitwasyon sa mga lansangan, nananatili ang likas na lakas ng kilusan.
Inilalarawan ng mga saksi ang isang kapansin-pansing malawak na hanay ng lipunan -- mga lalaki at babae, bata at matanda, mga may kaya at manggagawa -- na nagkakaisa sa iisang layunin. Sa Shahrak Gharb, isang mayamang distrito ng Tehran, ang sigaw na, “Kamatayan sa mga mananakop, maging hari o pinuno” ay malinaw na pagtanggi sa lahat ng uri ng diktadura. Sa timog na lungsod-daungan ng Bushehr, iniulat na napakarami ng mga tao kaya napilitang umatras ang mga puwersa ng seguridad.
Ibinubunyag ng tugon ng rehimen ang matinding pag-aalinlangan. Habang nagbabanta ng “walang awa” ang pinuno ng hudikatura at isinisisi ang sitwasyon sa mga pamilyar na dayuhang kaaway, tahimik namang inaamin ng mga matataas na opisyal na hindi nila alam kung paano haharapin ang sitwasyon.
Ang mga bulung-bulungan na maaaring akuin ng makapangyarihang Revolutionary Guards Corps (IRGC) ang kontrol sa seguriad sa loob ng bansa ay senyales ng posibleng mapanganib na paglala ng sitwasyon. Pinabibigat pa ang kaguluhang pulitikal ng krisis sa ekonomiya, habang ang mga welga ng mga mangangalakal sa mga makasaysayang bazaar ng Tehran, Tabriz, at Isfahan ay nagbabantang tuluyang magpahina sa isang ekonomiyang matagal nang lugmok dahil sa mga sanction at sa bumabagsak nahalaga ng salapi.
Ang bilang ng mga nasawi at pinsalang dulot sa tao, gaya ng dati, ay patuloy na tumataas.
Ayon sa Iran Human Rights NGO (IHR) na nakabase sa Norway, mahirap matiyak ang bilang ng mga namatay sa crackdown dahil sa paghihigpit sa komunikasyon. Gayunman, sinabi nito noong Enero 19 na ang mga nakalap na impormasyon ay “nagpapahiwatig na ang bilang ng mga napatay na nagpoprotesta ay maaaring lumampas pa sa pinakamataas na tinatayang bilang ng media,” na umaabot sa 20,000.
Iniulat ng Human Rights Activists News Agency na 4,029 ang kumpirmadong namatay.
Sunud-sunod ang mga pag-aresto, kabilang ang mga hatinggabing pagsalakay na tuma-target sa mga kilalang personalidad gaya ng influencer na si Amirparsa Neshat. Ipinapakita ng gobyerno ang buong lakas nito para manakot.
Ngunit hindi umuubra ang takot. Ang ipinapakitang tatag at determinasyon ng mga tao ay nagpapahiwatig na may malaking pagbabago sa kanilang pananaw at kamalayan.
Ang internet blackout ay nilayong maging pangunahing sandata ng rehimen, isang kasangkapan upang muling angkinin ang kontrol sa naratibo at sa mga lansangan.
Sa halip, ito ay naging malinaw na simbolo ng kahinaan ng gobyerno at ng takot nito sa sariling mamamayan