Mga Istratehikong Usapin
Pag-atake ng Taliban sa kalayaan at koneksyon sa internet
Ang paliwanag ng Taliban na ipinagbawal ito para raw "maiwasan ang imoralidad" ay malinaw na pagtatangka lamang upang higit pang higpitan ang kontrol sa daloy ng impormasyon.
![Isang convoy ng mga kawani ng seguridad ng Taliban ang nagparada sa mga selebrasyon ng ika-apat na anibersaryo ng pag-takeover ng Taliban sa Herat, Afghanistan, noong Agosto 15, 2025. [Mustafa Noori/Middle East Images via AFP]](/gc7/images/2025/09/24/52084-tali-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang desisyon ng Taliban na magpatupad ng malawakang pagbabawal sa fiber-optic internet sa buong Afghanistan ay tanda ng nakababahalang paglala ng kanilang pagsupil sa access sa impormasyon at kalayaan sa pagpapahayag.
Sa mga lalawigan gaya ng Balkh, Baghlan, Badakhshan, Kunduz, Nangarhar at Takhar na ngayon ay naputol na sa internet, milyon-milyong Afghan ang humaharap sa digital isolation, iniulat ng The Associated Press. Bagaman gumagana pa rin ang mobile internet, ang pagbabawal sa fiber-optic connectivity ay sumisira sa operasyon ng pamahalaan, mga pribadong negosyo, pampublikong institusyon at mga kabahayan, na nag-iiwan sa imprastruktura at ekonomiya ng bansa sa kaguluhan.
Ang paliwanag ng Taliban na ang pagbabawal ay para umano "iwasan ang imoralidad"’ ay malinaw na pagtatangka lamang upang higit pang higpitan ang kontrol sa daloy ng impormasyon. Sa pagputol ng access sa fiber-optic internet, hindi lamang nililimitahan ang kakayahan ng mga mamamayan na malayang makipagkomunikasyon, kundi pinatatahimik din ang anumang pagtutol at ang malayang media. Mariing kinondena ng Afghanistan Media Support Organization ang hakbang na ito, at nagbabala na ito ay isang "banta sa kalayaan sa pagpapahayag at sa gawain ng media."
Ang blackout na ito ay hindi lang simpleng pagkontrol ng impormasyon, ito ay tuwirang pagkontrol sa mga tao. Kapag walang maaasahang internet, napuputol ang koneksyon ng mga Afghan sa mundo: wala silang access sa balita, edukasyon, at mahahalagang serbisyo. Sa isang bansang hirap na sa pagbagsak ng ekonomiya at malalang krisis pang-humanitarian, lalo pang inihihiwalay ng pagbabawal na ito ang Afghanistan mula sa pandaigdigang komunidad.
![Isang bandila ng Taliban ang nakawagayway sa isang rooftop malapit sa mga kagamitang pang-telekomunikasyon na nagbibigay ng serbisyo sa internet sa Mazar-i-Sharif, sa Balkh Province. Pinahinto ng mga lokal na awtoridad ang Wi-Fi service doon. [AFP]](/gc7/images/2025/09/24/52086-talib-370_237.webp)
Epekto sa ekonomiya at lipunan
Hindi matatawaran ang pinsalang dulot ng pagbabawal na ito sa marupok na ekonomiya ng Afghanistan. Ang fiber-optic internet ang nagsisilbing pinakapundasyon ng makabagong komunikasyon, mahalaga para sa operasyon ng mga negosyo, pagpapatakbo ng mga tanggapan ng pamahalaan, at paghahatid ng serbisyo ng mga institusyong publiko. Ang pagsasara nito ay nagdudulot ng malaking sagabal, mula sa mga transaksiyong pinansyal hanggang sa mga sistemang pangkalusugan, na lalo pang nagpapabigat sa kinahaharap na krisis pang-ekonomiya ng bansa.
Para sa pribadong sektor, ang pagbabawal ay isang matinding dagok. Ang mga negosyante, maliliit na negosyo at mga tech startup na umaasa sa matatag na internet connection ay patuloy na nakikipagbuno para magpatuloy sa operasyon. Ang pagkawala ng koneksyon ay hadlang din sa mga pandaigdigang organisasyong pantulong, na umaasa sa digital communication upang maayos na makapag-ugnayan sa relief efforts sa isang bansang kung saan milyon ang humaharap sa kakulangan sa pagkain at kahirapan.
Ang fiber-optic network ng Afghanistan, na umaabot ng higit 1,800km, ay naging simbolo ng progreso sa isang bansang matagal nang pinahihirapan ng kawalang-tatag. Noong nakaraang taon lamang, inanunsyo ang mga plano para palawakin pa ito ng karagdagang 488km, na nagbigay ng pag-asa para sa mas maayos na koneksyon at pag-unlad. Ang desisyon ng Taliban na buwagin ang progreso na ito ay matinding paalala ng kanilang mga paurong na polisiya at kawalan ng malasakit sa kapakanan ng kanilang mga mamamayan.
Pandaigdigang implikasyon
Ang pagbabawal ng Taliban sa internet ay hindi lamang usapin ng Afghanistan, ito rin ay isang pandaigdigang alalahanin. Sa isang mundong magkakaugnay, ang pagsupil ng digital access sa isang bansa ay may epekto sa mga border.
Ang blackout ay nagtatakda ng mapanganib na halimbawa para sa mga authoritarian regime na naghahangad kontrolin ang impormasyon at patahimikin ang pagtutol. Nagbubukas din ito ng tanong tungkol sa kakayahan ng pandaigdigang komunidad na tumugon sa ganitong mga hakbang at suportahan ang mga Afghan.
Hindi dapat ipikit ng mundo ang mga mata. Mas higit pa rito ang nararapat para sa mga Afghan, at ang kanilang karapatang makakonekta, makipag-ugnayan, at umunlad ay dapat ipagtanggol.