Pandaigdigang Isyu

Mula datos hanggang depensa: Epekto ng Continental Internet Exchanges sa mundo

Ang mga CIE ay higit pa sa mga teknikal na tagumpay, sila ang sandigan ng panlipunan, pang-ekonomiya, at pambansang seguridad.

Litrato ng fiber optics na nagdadala ng datos sa pamamagitan ng internet. Ang matatag na imprastruktura ng internet ay isang pangangailangan para sa pambansang depensa, pag-unlad ng ekonomiya, at pagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan. [Andrew Brookes/Connect Images via AFP]
Litrato ng fiber optics na nagdadala ng datos sa pamamagitan ng internet. Ang matatag na imprastruktura ng internet ay isang pangangailangan para sa pambansang depensa, pag-unlad ng ekonomiya, at pagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan. [Andrew Brookes/Connect Images via AFP]

Ayon sa Global Watch |

Sa kasalukuyang digital na panahon, ang matatag na imprastruktura ng internet ay hindi lamang kaginhawaan, ito ay isang pangunahing pangangailangan para sa pambansang depensa, pag-unlad ng ekonomiya, at pagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan.

Ang mga Continental Internet Exchanges (CIX) ay umuusbong bilang mahalagang imprastraktura na nagpapalawak ng koneksiyon, nagsusulong ng inobasyon, at nagpapalakas ng seguridad sa Africa, South America, Asia, at sa rehiyong Indo-Pacific. Sinusuri ng editoryal ang mga halimbawa ng mga proyektong CIX na humuhubog sa pamumuhay nga mga mamamayan at nagpapalakas sa pambansang depensa ng mga rehiyong ito.

Pagtatag ng kasarinlan at seguridad sa pamamagitan ng CIX sa Africa

Ang CIX ng African Union ay isang malaking hakbang tungo sa digital na kasarinlan at seguridad. Sa mahigit 100,000km ng fiber-optic cables at 47 data center sa mga pangunahing lungsod, tinutulungan ng CIX na mapanatili sa loob ng kontinente ang internet traffic, at mabawasan ang pagdepende sa mga Western tech giant.

Pinapahalagahan ng African Digital Protocol (ADP) ang mga lokal na wika at pananaw, upang matiyak na ang digital ecosystem ng Africa ay sumasalamin sa yaman ng kanilang kultura. Sa larangan ng pambansang depensa, pinaiigting ng CIX ang koneksiyon at koordinasyon ng mga puwersang panseguridad.

Halimbawa, sa Nigeria, ang pinahusay na koneksiyon ay nagbibigay-daan sa mga ahensiyang panseguridad na mas epektibong subaybayan at tugunan ang mga banta ng terorismo. Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng internet traffic sa loob ng kontinente, binabawasan ng CIX ang mga kahinaang kaugnay ng pagdaloy ng datos mula sa labas, na tinitiyak ang seguridad ng mga sensitibong impormasyon.

Sa Rwanda, ang pamumuhunan ng gobyerno sa imprastraktura ng ICT, kabilang ang 4G LTE network na sumasaklaw sa mahigit 95% ng populasyon, ay nagdala ng lubusang pagbabago sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Naabot na ng telemedicine ang mga rural na lugar, at tinutulungan ng mga online learning tools na punan ang kakulangan sa edukasyon. Bukod sa pagpapabuti ng buhay ng mamamayan, nagbubuo rin ito ng isang grupong may kaalamang digital na handang sumuporta sa pambansang depensa at paglago ng ekonomiya.

IX.br, nagpapaunlad at magpapatibay ng seguridad sa South America

Ang IX.br ng Brazil ay isa sa pinakamalaki at pinakamaunlad na plataporma ng internet exchange sa South America, na may higit sa 30 site na nagpabibilis sa lokal na traffic exchange. Pinapababa ng imprastrukturang ito ang latency, pinalalakas ang posisyon ng Brazil bilang digital hub, at pinahuhusay ang pambansang seguridad.

Halimbawa, ang mas mabilis at mas maaasahang internet ay nagbibigay-daan sa militar ng Brazil na mas epektibong makapagsagawa ng disaster response at mas mahusay na ma-monitor ang mga border. Lalo ring pinatatag ng BELLA Program, na pinondohan ng European Union, ang digital na koneksiyon sa pagitan ng Europe at Latin America gamit ang high-speed na EllaLink submarine cable.

Sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga network ng pananaliksik at edukasyon, pinatitibay ng inisyatibang ito ang kolaborasyon at binabawasan ang pagdepende sa mga panlabas na network. Halimbawa, sa Argentina, nakikipagtulungan na ngayon ang mga unibersidad sa mga institusyon sa Europe, na nagbubukas ng oportunidad para sa inobasyon sa mga larangan tulad ng cybersecurity at teknolohiyang pangdepensa.

Sa Chile, ang Patagonia IXP (PATIX) sa malayong rehiyon ng Punta Arenas ay nagsisilbing mahalagang tulong para sa mga lokal na komunidad at pambansang depensa. Sa pamamagitan ng low-latency traffic exchange, natutulungan ng PATIX ang maliliit na negosyo at pinadadali ang access sa mga pangunahing serbisyo. Higit pa rito, pinalalakas nito ang mga network ng komunikasyon sa mga malalayong lugar, na nagbibigay-daan sa agarang aksyon ng emergency response team sa oras ng natural disaster o banta sa seguridad.

Pag-unlad ng internet sa Asia, mula DE-CIX hanggang BRI

Ang pakikipagtulungan ng India sa DE-CIX ay nagbigay-daan sa pagtatayo ng internet exchanges sa Mumbai, Delhi, Kolkata, at Chennai, na nagpabibilis ng internet at nagpapababa ng latency sa lokal na traffic. Ang imprastrukturang ito ay sumusuporta sa mabilis na paglago ng digital ecosystem sa India, kabilang ang mga bagong kalahok sa merkado tulad ng Starlink.

Sa larangan ng depensa, ang pinahusay na koneksiyon ay tumutulong sa Indian Armed Forces na mas epektibong makipag-ugnayan at makapagsagawa ng operasyon, lalo na sa mga malalayong hangganan. Bukod pa rito, pinatatag din ng Bangkok Neutral Internet Exchange (BKNIX) ang digital na imprastruktura ng Thailand mula pa noong 2014.

Sa pamamagitan ng pangalawang exchange point sa Chiang Mai, pinabuti ng BKNIX ang koneksiyon para sa mga negosyo at mamamayan. Para sa pambansang depensa ng Thailand, sinisiguro ng imprastrukturang ito ang ligtas at maaasahang komunikasyon, na nagpapahintulot sa agarang aksyon laban sa mga banta sa seguridad at natural disaster.

Ang mga inisyatibo para sa imprastrakturang panrehiyon, habang kadalasan nakatuon sa pisikal na pag-unlad, ay unti-unting nagsasama ng digital na koneksiyon. Sa pag-uugnay ng Asia, Africa, at Europe, pinalalakas nito ang kalakalan, pinasisigla ang integrasyong pang-ekonomiya, at pinatitibay ang seguridad sa rehiyon. Halimbawa, ang mas mahusay na koneksiyon sa Kazakhstan ay nagbibigay-daan sa gobyerno na epektibong mabantayan at maprotektahan ang mahahalagang imprastraktura.

Digital na imprastruktura: pundasyon ng depensa sa rehiyon ng Indo-Pacific

Nakikita sa Indo-Pacific ang pag-usbong ng mga internet exchange initiatives na nagpabubuti ng koneksiyon at nagpapatibay sa pambansang depensa. Sa Australia, ang pamumuhunan sa digital na imprastruktura ay nagbibigay-daan sa ligtas at mabilis na komunikasyon ng mga pwersang pandepensa. Sa New Zealand naman, pinalalakas ng mga internet exchange ang pagtugon sa mga kalamidad, na nagpapahintulot sa agarang aksyon ng mga emergency services sa oras ng krisis.

Ang mga bansang tulad ng Malaysia at Singapore ay gumagamit ng mga internet exchange upang palakasin ang kanilang digital ecosystem. Halimbawa, ang DE-CIX Kuala Lumpur ng Malaysia ay nag-uugnay sa mga lokal na negosyo sa pandaigdigang network, na nagsusulong ng inobasyon at paglago ng ekonomiya. Mula sa pananaw ng depensa, tinitiyak ng mga exchange na ito ang ligtas na mga channel ng komunikasyon, na nagpapababa sa mga panganib na kaugnay ng external data routing.

Internet exchange: pagbabago at seguridad

Ang tunay na halaga ng mga CIE ay nakasalalay sa dalawang aspeto: sa pamumuhay ng mamamayan at sa pambansang depensa. Sa Africa, ang mga kabataang negosyante sa Nairobi ay nakapaglulunsad ng mga tech startup nang hindi nahahadlangan ng malaking gastusin sa international data routing, habang ang mga ahensiyang panseguridad sa Nigeria ay mas epektibong nababantayan ang mga aktibidad ng terorismo.

Sa Brazil, ang isang may-ari ng maliit na negosyo sa São Paulo ay madaling makapag-ugnay sa pandaigdigang merkado, habang ang militar ay mabilis na nakatutugon sa mga kalamidad. Sa India, ang isang estudyante sa isang liblib na baryo ay maaaring dumalo sa mga online na klase at magkaroon ng access sa world-class na edukasyon, habang ang mga puwersang pandepensa ay kayang siguraduhin ang seguridad sa mga border gamit ang pinahusay na mga network ng komunikasyon.

Ang mga proyektong ito ay hindi lamang nakatuon sa teknolohiya, kundi pati na rin sa tao at seguridad. Sa pagpapabuti ng koneksiyon, nagbubukas ang mga ito ng bagong oportunidad, nababawasan ang di-pagkakapantay-pantay, at pinalalakas ang kakayahan ng bansa sa depensa.

Habang patuloy na inuuna ng mga bansa ang digital na imprastruktura, lumalawak ang potensyal para sa inobasyon, pag-unlad, at seguridad, na nagbubukas ng daan para sa isang lalong konektado at matatag na kinabukasan.

Ang mga CIE ay higit pa sa mga teknikal na tagumpay, sila ang sandigan ng panlipunan, pang-ekonomiya, at pambansang seguridad. Sa pagpapahalaga sa lokal na pangangailangan, pagsusulong ng inobasyon, at pagpapalakas ng depensa, itinatayo ng mga inisyatibang ito ang pundasyon para sa isang mas ligtas, mas konektado, at mas maunlad na mundo.

Marami pang hakbang at hamon ang daranasin, ngunit sa patuloy na pamumuhunan at pagtutulungan, darating ang mga benepisyo ng mga “digital highways” sa bawat dako ng mundo.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *