Mga Istratehikong Usapin

China pinopondohan ‘nang malaki’ ang digmaan ng Russia — Finland defense minister

Ang mga bansang Nordic, kabilang ang Finland, ay pinaiigting ang kanilang kooperasyon sa depensa upang tugunan ang mga banta sa hinaharap at palakasin ang kakayahan ng NATO sa hilaga.

Sina Tore Sandvik (kaliwa), Defense Minister ng Norway; Thorgerdur Katrin Gunnarsdottir, Foreign Minister ng Iceland; at Pal Jonson (kanan), Defense Minister ng Sweden, ay nakikinig habang nagtatalumpati si Antti Häkkänen (ikalawa mula sa kanan), Defense Minister ng Finland, sa isang press conference sa pulong ng mga defense minister ng Nordic Defense Cooperation (NORDEFCO) sa Helsinki, Finland noong Nobyembre 12, 2025. [Emmi Korhonen/AFP]
Sina Tore Sandvik (kaliwa), Defense Minister ng Norway; Thorgerdur Katrin Gunnarsdottir, Foreign Minister ng Iceland; at Pal Jonson (kanan), Defense Minister ng Sweden, ay nakikinig habang nagtatalumpati si Antti Häkkänen (ikalawa mula sa kanan), Defense Minister ng Finland, sa isang press conference sa pulong ng mga defense minister ng Nordic Defense Cooperation (NORDEFCO) sa Helsinki, Finland noong Nobyembre 12, 2025. [Emmi Korhonen/AFP]

Ayon sa AFP |

Pinopondohan ng China nang malaki ang kampanyang pandigma ng Russia, na nagpapataas ng banta sa seguridad sa Europe at nagsisilbing hamon sa NATO, ayon kay Finnish Defense Minister Antti Häkkänen.

Sa panayam ng AFP noong Nobyembre 12, sinabi ni Häkkänen na “napakalayo na” ang narating ng pagtutulungan ng Russia at China, at na “sa kasalukuyan ay malaki ang pinopondo ng China sa war chest ng Russia.”

"Hindi makakapagdigma nang matagal ang Russia gamit ang sarili nitong mga yaman.. Ang India, siyempre, ay nagbibigay rin ng pondo sa ibang paraan, ngunit ang China ay sadyang ginagawa ito,” sinabi ng ministro matapos makipagpulong sa kaniyang mga Nordic counterparts sa Helsinki.

“Nagbibigay ito ng mga kagamitang militar, nakikipagtulungan sa industriya ng depensa, at nag-oorganisa ng magkasanib na military exercises at iba pang malalaking aktibidad sa Arctic, Indo-Pacific, at mga rehiyon sa Europe,” dagdag niya, na tinawag itong isang malaki ngunit kaya namang pamahalaang hamon para sa Kanlurang alyansang militar na NATO.

Pinalalakas ng mga bansang Nordic ang kanilang pagtutulungang pandepensa upang tugunan ang mga banta sa hinaharap habang sinusuportahan ang kakayahan ng NATO sa hilaga, sinabi ni Hakkanen,.

“Ngayong araw, tinalakay na namin ang paggamit ng 250 Nordic fighter aircraft mula sa mga air force bilang isang pinag-isang puwersa,” ani niya.

Ang Finland, Sweden, Iceland, Norway, at Denmark ay nagpaplano na triplehin ang produksyon ng bala at bumuo ng mga military mobility corridor sa Nordic region, dagdag pa niya,

Ipinahayag din ng mga bansang Nordic at Baltic noong Nobyembre 13 na mag-aambag sila ng $500 milyon sa isang programa na itinatag para bumili ng mga armas mula sa US para sa Ukraine.

Ilalaan ang pondo para sa kagamitang militar at bala alinsunod sa Prioritized Ukraine Requirements List (PURL) ng NATO, ayon sa pinagsama-samang pahayag ng Finland, Denmark, Estonia, Iceland, Latvia, Lithuania, Norway at Sweden.

Ang mekanismong nagpapahintulot sa pagbili ng mga stockpile ng US ay inilunsad nina US President Donald Trump at NATO Secretary General Mark Rutte noong Hulyo.

“Ang pinagsama-samang pangakong ito na mag-ambag sa PURL initiative ay lalo pang magpapatibay sa paninindigan ng mga bansang Nordic at Baltic sa pagsuporta sa Ukraine,” ani Hakkanen.

“Importanteng matanggap kaagad ng Ukraine ang mahahalagang kagamitang pandepensa,” dagdag niya.

Hakbang ng Russia laban sa Finland?

“Ang digmaang agresyon ng Russia ay isang pangmatagalang banta sa seguridad ng Europe, sa transatlantic na komunidad, at sa pandaigdigang kaayusang nakabatay sa mga patakaran,” ayon sa pinagsamang pahayag.

"Hindi namin papayagang magtagumpay ito."

Ang Finland, na may 1,340-km (830-milya) na border sa Russia, ay itinigil ang ilang dekada ng hindi pagkakahanay sa militar sa pamamagitan ng pagsali sa NATO noong 2023, kasunod ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

Maraming haka-haka na maaaring naghahanda ang Russia para sa posibleng aksyong militar laban sa Finland kapag natapos na ang digmaan nito sa Ukraine.

Paulit-ulit na binalaan ng Moscow ang Finland tungkol sa mga kahihinatnan mula nang sumali ito sa NATO.

Noong Mayo, sinabi ng Finnish Defense Forces sa AFP na “ang Russia ay nagtatayo ng mas maraming imprastruktura upang makapagpadala ng mas maraming sundalo kapag natapos na ang digmaan (sa Ukraine).”

Isang grand duchy mula pa noong 1809, idineklara ng Finland ang kalayaan mula sa Russia noong 1917 -- para lamang matagpuan ang sarili na lumalaban sa pagsalakay ng Soviet noong 1939.

Matindi ang ipinakitang paglaban ng Helsinki ngunit napilitan itong isuko ang malaking bahagi ng silangang lalawigan ng Karelia sa isang kasunduang pangkapayapaan sa Moscow.

Ang bansang may 5.6 milyong mamamayan ay nakapagpanatili ng malakas na hukbo sa paglipas ng mga taon, na may lakas-panlaban na 280,000 sundalo at karagdagang 870,000 reservists.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *