Mga Istratehikong Usapin

NATO sinusubok ang kahandaan sa digmaan sa silangang bahagi na nakaharap sa Russia

Nakikilahok ang mga sundalong pinamumunuan ng France mula Belgium, Luxembourg, at Spain, kasama ang mga sundalo ng Romania, sa mga maniobra at live-fire na pagsasanay sa artileriya at mga tangke bilang bahagi ng ehersisyong Dacian Fall.

Makikitang nakaposisyon ang mga kawal ng France mula sa Corps of Engineers habang naghahanda silang pasabugin ang isang kargang pampasabog sa ehersisyong militar na Dacian Fall sa isang firing range sa Bogata, Romania, noong Nobyembre 3, 2025. [Daniel Mihailescu/AFP]
Makikitang nakaposisyon ang mga kawal ng France mula sa Corps of Engineers habang naghahanda silang pasabugin ang isang kargang pampasabog sa ehersisyong militar na Dacian Fall sa isang firing range sa Bogata, Romania, noong Nobyembre 3, 2025. [Daniel Mihailescu/AFP]

Ayon sa AFP |

Sa ilog Mures sa gitnang Romania, tumawid kamakailan ang mga armored vehicle ng France at mga truck ng Romania sa isang motorized floating bridge bilang bahagi ng malawakang ehersisyong militar na naglalayong ipakita ang kakayahan ng NATO na mabilis magpalakas ng puwersa sa silangang bahagi na nakaharap sa Russia.

Ang pagsasanay -- na matagal nang binalak at itinuturing na isang “integration exercise” para sa mga kasapi ng NATO -- ay kasunod ng pahayag ng Washington na magtatanggal ito ng ilang sundalo mula sa naturang lugar.

Ang Romania, na may 650 kilometrong border sa Ukraine, ay naging mas mahalagang estratehikong lugar mula nang sakupin ng Russia ang karatig-bansa nito noong 2022.

Sa ehersisyong Dacian Fall na isinasagawa mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 13, nakikibahagi ang mga sundalong pinamumunuan ng France mula Belgium, France, Luxembourg, at Spain sa mga maniobra at live-fire na pagsasanay sa artileriya at tangke, kasama ang mga sundalo ng Romania.

Mula nang tuluyang salakayin ng Moscow ang Ukraine, nagpadala ang France ng 1,500 sundalo sa Romania at dinoble ito para sa ehersisyong ito. Sa oras ng krisis, maaari itong tumaas hanggang 5,000 sundalo.

“Dapat nating patunayan ang kakayahan nating maging bahagi ng isang dibisyon ng NATO,” ayon kay Heneral Maxime Do Tran ng France, kumander ng 7th Armored Brigade na nakatalaga para sa Dacian Fall.

Ayon pa sa kanya, ang ehersisyong isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Romania ay sumusunod sa mga “tunay na plano sa depensa ng NATO” at nagsisilbing pahiwatig ng “estratehikong pagkakaisa” ng alyansa.

Habang bihasang idinadaong ng mga army engineer ng France ang malaking motorized barge sa pampang ng ilog Mures sa isang bahagi ng pagsasanay, mabilis namang nagtayo ng pontoon bridge ang mga engineer ng Romania mga 200 metro ang layo.

Pagkatapos, magpapalitan ng tungkulin ang mga team ng France at Romania.

“Sa Europe, may mga ilog na kailangang tawirin halos bawat 20 hanggang 30 kilometro; ang kasanayan sa pagtawid ay komplikado at bahagyang nakalimutan na,” sabi ni Col. Jerome Paris, pinuno ng French engineering detachment.

'Pagsasanay sa pagsanib-puwersa'

Mga 60 kilometro sa north, sa gitna ng mga tuyong burol, pinanood ni General Dorin Toma ng Romania -- na namumuno sa mga sundalo ng NATO sa Romania at Bulgaria -- ang mga engineer ng France habang winawasak ang mga harang na natukoy ng maliliit na quadcopter drone.

“Ito ay isang pagsasanay sa pagsasanib-puwersa,” aniya, at idinagdag na sa pagtatapos ng dalawang taong siklo ng pagsasanib ng mga puwersa, “tayo ay nasa mabuting posisyon.”

Ang hamon ay mapanatili ang antas dahil “nagbabago ang mga tao, at nagbabago rin ang mga sistema ng armas.”

“Kailangan nating mapanatili ang bilis ng galaw,” dagdag pa niya.

Tungkol sa anunsyo ng Washington na magtatanggal ito ng mga sundalo sa silangang bahagi ng NATO, sinabi ni General Toma na mula sa “pananaw militar, wala itong babaguhin,” dahil napatunayan na ng US noong 2022 na handa itong magpadala ng malaking puwersa sa bansa kahit sa maikling abiso.

Itinanggi ng Washington na ang naturang anunsyo ay tanda ng pag-atras ng mga sundalo ng US sa Europe.

Kamakailan, inanunsyo ng Ministry of Defense ng Romania na mananatili sa bansa ang 900 hanggang 1,000 sundalo ng US, mas mababa sa tinatayang 1,700 na kasalukuyang nakatalaga.

‘Kailangang magkaroon ng 'Military Schengen'

Isang komplikadong logistical operation ang pagdadala ng mga kagamitan patungong Romania, na naharap sa mga hadlang sa administrasyon.

Sa bawat bansang dinaraanan, kailangang nakasaad sa mga dokumento ang bawat plaka ng sasakyan at pangalan ng mga tauhan sa convoy, na kailangang samahan ng lokal na pulisya.

May mga mekanismo ang NATO upang “mapagaan ang mga hadlang sa administratibo at customs” sa oras ng labanan, ayon kay Lt. Col. Alexis ng France. Idinagdag niyang wala pang “Military Schengen” na nagpapahintulot sa malayang paggalaw ng mga kagamitan.

Ipinagbabawal ng sandatahang lakas ng France, maliban sa ilang kaso, ang pagsasapubliko ng buong apelyido ng kanilang mga tauhan.

Mga “mobility corridor” na may mga malinaw na ruta at pinasimpleng proseso sa administrasyon ang nakikitang solusyon.

Ang Netherlands, Germany, at Poland ay nagtatayo ng isang ruta mula sa mga daungan ng North Sea hanggang sa border ng Belarus.

“Isinasagawa na ang pagsasaayon, ngunit kailangan pa ng panahon,” ani Alexis.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *