Mga Istratehikong Usapin

EU ipinahayag ang security plan sa Black Sea upang kontrahin ang Russia, palalakasin ang kalakalan

Ayon sa EU, ang planong maritime security hub ay 'magiging early warning system ng Europe sa Black Sea.'

Ang nangungunang diplomat ng EU, si Kaja Kallas, ay dumating sa isang pulong ng EU Defense Council sa headquarters nito sa Brussels noong Mayo 20. [John Thys/AFP]
Ang nangungunang diplomat ng EU, si Kaja Kallas, ay dumating sa isang pulong ng EU Defense Council sa headquarters nito sa Brussels noong Mayo 20. [John Thys/AFP]

Ayon sa AFP at Global Watch |

Nais ng European Union (EU) na palakasin ang presensya nito sa Black Sea at kontrahin ang impluwensya ng Russia sa pamamagitan ng planong ipinahayag noong Mayo 28 na layong dagdagan ang pamumuhunan at mas maprotektahan ang mga imprastrukturang pandagat.

Ayon sa EU headquarters sa Brussels, nais nitong “magtatag ng mas matibay na pakikipagtulungan” sa mga bansa sa rehiyon -- maliban sa Russia -- kabilang ang pagtatayo ng isang “maritime security hub” at pagpapalakas ng mga ugnayang pangkalakalan.

“Ang aktibong papel ng European Union ay napakahalaga sa pagsusulong ng seguridad at kapayapaan sa rehiyon ng Black Sea lalo na sa harap ng agresibong digmaan ng Russia laban sa Ukraine,” sabi ni European Commission President Ursula von der Leyen.

Ang Black Sea ay isang napakahalagang rutang pangkalakalan para sa Ukraine, isa sa mga pinakamalaking producer at exporter ng produktong pang-agrikultura sa mundo, ngunit ito ay naging sentro ng digmaang pandagat nang salakayin ito ng Russia.

Sa estratehiyang inilabas noong Mayo 28, layunin ng EU na palakasin ang pagbabahagi ng impormasyon at palawakin ang pakikipagtulungan ng mga coast guard ng Kyiv, pati na rin sa Moldova, Georgia, Türkiye, Armenia, at Azerbaijan -- karamihan sa mga ito ay naghahangad na sumapi sa 27-nation bloc.

Pakikipagtulungan sa NATO

Ang planong maritime security hub ay "magiging early warning system ng Europe sa Black Sea,” ayon kay Kaja Kallas, EU foreign policy chief sa isang press conference. Idinagdag pa niya na makakatulong ito sa pagprotekta ng mga kritikal na imprastruktura tulad ng mga offshore installations at mga kable sa ilalim ng dagat..

Kabilang sa plano ang pag-upgrade ng mga daungan, riles, at kalsada upang mapahusay ang “military mobility para makarating ang mga sundalo at kagamitan kung saan at kailan sila kinakailangan," ayon kay Kallas.

Makikinabang din ang kalakalan, ayon sa EU.

“Nais naming paunlarin ang mga bagong energy, transport, at digital corridors sa rehiyon na mag-uugnay sa amin sa Caucasus at Central Asia,” sabi ni Marta Kos, EU enlargement commissioner.

Pinalilibutan ng dalawangbansang kasapi ng EU na Romania at Bulgaria, ang dagat na ito ay bahagi ng rutang pangkalakalan na nag-uugnay sa Europe at Asia nang hindi dumaraan sa Russia--isang rutang nais paunlarin ng Brussels.

Ang pinalakas na presensya sa Black Sea, kasama ang NATO, ay makakatulong upang hadlangan ang pag-iwas ng Russia sa mga ipinataw na sanction, dagdag ni Kallas.

Ginagamit ng Russia ang tinatawag na "shadow fleet" ng mga oil tanker na may hindi malinaw na pagmamay-ari upang maipuslit ang mga ipinagbabawal na crude oil at mga produktong petrolyo.

Sa pagtatago ng mga kargamento at destinasyon, naibebenta ng mga barkong ito ang crude oil ng Russia sa mga mamimiling handang umiwas sa mga ipinataw na sanction. Kadalasan ay mga luma ang mga tanker na ito, nabiling secondhand, at nakarehistro sa mga bansang hindi nagpapatupad ng mga sanction o karaniwang regulasyon sa kaligtasan, gaya ng Gabon at Cook Islands.

Marami sa mga ito ay pagmamay-ari ng mga kumpanyang nakabase sa United Arab Emirates o Seychelles, at ilan ay pag-aari ng Sovcomflot, isang state-run shipping company ng Russia.

Upang makaiwas na matuklasan, karamihan sa mga barkong ito ay sinasadyang patayin ang kanilang automatic identification systems -- na mga pansignal (beacon) -- na kinakailangan upang maiwasan ang banggaan at masubaybayan ang galaw ng barko. Dahil dito, lalong naitatago ang kanilang mga aktibidad.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *