Pandaigdigang Isyu
Nuclear normalization ng North Korea: dapat hadlangan ng mundo
Ang mainit na pagtanggap ni Chinese President Xi Jinping sa lider ng North Korea sa Beijing, kasabay ng hindi pagbabanggit sa usapin ng denuclearization sa opisyal na pahayag ng kanilang summit, ay nagpapahiwatig ng isang tahimik ngunit naghuhudyat ng pagbabago ng taktika ng China.

Ayon sa Global Watch |
Ang kamakailang high-profile na pagpupulong nina North Korean leader Kim Jong Un at Chinese President Xi Jinping sa Beijing ay nagdulot ng matinding pagkabahala sa pandaigdigang komunidad.
Sa unang pagkakataon matapos ang ilang taon, hindi na binanggit sa mga opisyal na ulat ng kanilang summit ang denuclearization sa Korean Peninsula, isang malinaw na paglayo mula sa mga dating pahayag na naglalarawan sa posisyon ng China hinggil sa ambisyong nuklear ng North Korea.
Ang hindi pagbabanggit na ito ay hindi isang simpleng pagkukulang sa diplomasya; ito ay isang nakababahalang senyales na maaaring tahimik na tinatanggap ng China ang North Korea bilang isang bansang may kakayahang nuklear. Kung mapatutunayan, itinuturing itong mapanganib na yugto sa pandaigdigang pagsisikap na pigilan ang paglaganap ng mga sandatang nuklear at panatilihin ang katatagan sa rehiyon ng Asia-Pacific.
Isang nakababahalang senyales
Wala pang isang dekada ang nakalipas, nanindigan ang China at Russia kasama ng US sa United Nations Security Council, at bumoto para higpitan ang sanctions laban sa North Korea noong 2016 at 2017. Ang suporta ng Beijing ay naging mahalaga upang mapilitang makipagdiyalogo ang Pyongyang at pigilan ang kanilang ambisyong nuklear.
Sa kasalukuyan, napakalinaw ng pagkakaiba. Ang mainit na pagtanggap ni Xi kay Kim, kasabay ng hindi pagbabanggit ng denuclearization sa opisyal na pahayag ng kanilang summit, ay nagpapahiwatig ng isang tahimik ngunit kapansin-pansing pagbabago ng taktika ng China. Ang pagbabagong ito ay umaayon sa pananaw nina Xi at Russian President Vladimir Putin para sa isang kaayusang pandaigdig na hindi na pinangungunahan ng US at ng mga kaalyado nito.
Ang pagpapalampas ng China sa Pyongyang at sa bantang nuklear na dala nito sa seguridad ng Asia-Pacific ay nagpapakita na ang ganitong uri ng kawalang-tatag ay maaaring nakaayon sa estratehikong interes ng Beijing. Hangga’t nakatutulong ito sa pagpayanig sa umiiral na pandaigdigang kaayusan, tila handang pagtakpan ng China ang North Korea para proteksiyunan.
Isang mapanganib na pamantayan
Ang tahimik na pagtanggap sa pagiging nuklear ng North Korea ng pinakamakapangyarihang kaalyado nito ay nagpapadala ng mapanganib na mensahe sa mundo. Ipinapakita nito na ang pagkalat ng sandatang nuklear ay maaaring payagan o gantimpalaan pa, kung ito ay umaayon sa estratehikong interes ng mga pangunahing makapangyarihang bansa. Binabale-wala nito ang ilang dekadang pandaigdigang pagsisikap na pigilan ang pagkalat ng mga sandatang nuklear at mapanatili ang pandaigdigang seguridad.
Para sa Asia-Pacific, matindi ang epekto nito. Ang armas-nuklear ng North Korea ay direktang banta sa mga kalapit bansa kasama ang South Korea at Japan, at nagpapahina sa katatagan ng buong rehiyon. Sa pagprotekta ng Beijing sa Pyongyang, nanganganib itong magbigay-lakas sa iba pang bansa o grupo na sundan ang ganitong direksyon, na lalo pang nagpapahina sa pandaigdigang rehimen ng pagpipigil ng paglaganap ng mga sandatang nuklear.
Hindi dapat hayaan ng pandaigdigang komunidad na palampasin nang walang pagtutol ang nuclear normalization ng North Korea. Bagama’t may ilang eksperto na nagsasabing ang hindi pagbabanggit ng denuclearization sa Xi-Kim summit ay maaaring hindi pormal na pagbabago sa posisyon ng China, napakalinaw at nakababahala ng mga senyales para ipagsawalang-bahala ito.
Dapat ituon ng mga diplomatikong pagsisikap na panagutin ang Beijing sa papel nito sa pagpapatibay ng ambisyong nuklear ng Pyongyang. Kasabay nito, kailangang patatagin ng pandaigdigang komunidad ang kanilang paninindigan na ipatupad ang umiiral na sanctions at pigilan ang karagdagang pagkalat ng sandatang nuklear.
Napakataas ng panganib na nakataya. Ang rehiyon ng Asia-Pacific, na puno na ng tensyon, ay hindi makakayang mawala ang mga pamantayang matagal nang nagpapanatili ng kapayapaan.
Dapat magpadala ang mundo ng malinaw na mensahe: ang mga sandatang nuklear ay hindi maaaring gamitin bilang kasangkapan sa pananakot, at ang kanilang paglaganap ay hindi kailanman tatanggapin. Habang lumalapit ang China at Russia sa North Korea, dapat kumilos nang maagap at tiyak ang pandaigdigang komunidad upang hadlangan ang normalisasyon ng mga sandatang nuklear at ipagtanggol ang mga pamantayan ng kapayapaan at seguridad. Napakataas ng nakataya para manood lang at maghintay.