Pandaigdigang Isyu
Siyensya sa Iran at Russia: Marurupok na institusyon at mapanganib ang epekto
Higit na nagiging mapanganib ang mga programang nuclear at missile ng dalawang bansa dahil sa mahihinang institusyon.
![Sa litratong ito mula sa Russian state agency na Sputnik, makikitang nakikipagpulong si Pangulong Vladimir Putin ng Russia sa mga siyentipiko sa Joint Institute for Nuclear Research sa Dubna, Moscow Region, noong Hunyo 13, 2024. [Alexander Kazakov/AFP]](/gc7/images/2025/08/22/51610-rus_science-370_237.webp)
Ayon sa Global Watch |
Ang pagbuwag sa imprastrukturang pang-siyensya ng Iran at Russia na bunga ng mga pagpapatalsik ng mga tauhan at pagkawalang tiwala aynagpahina sa mga institusyong sumusuporta sa kanilang programang pang-sandatahan.
Ang kanilang mga vertically integrated system na noon ay mahusay na nag-uugnay sa pananaliksik sa akademya at sa pagpapalakas ng depensa ay napalitan na ng mga komplikadong burukrasya at mga bulok na programa.
Sa Iran, ang pagpaslang kay Mohsen Fakhrizadeh, ang pangunahing nag-uugnay sa pagitan ng akademya at mga lihim na proyektong pang-sandatahan, ay nag-iwan ng puwang sa pamumuno ng Organization of Defensive Innovation and Research. Ang sunud-sunod na pagbabago sa pamunuan sa Ministry of Defense at Armed Forces Logistics, kasama ang mga eskandalo sa pagbili ng piyesang ipinapasok mula sa North Korea, ay lalo pang nagpahina sa industriya ng depensa ng bansa.
Iba ang anyo ng pagbagsak sa Russia. Ang mga pagpapatalsik at mga akusasyon ng kasong kriminal sa mga tauhan sa loob ng Rosatom at mga subsidiary nito, kabilang ang pag-aresto kay dating Deputy Defense Minister Timur Ivanov, ay sumira sa maayos na koordinasyon ng nuclear energy at strategic weapons development. Nadagdagan pa ito ng pagbubunyag sa mga anomalya sa procurement ng 12th Main Directorate, na lalong nagpababa ng tiwala ng publiko.
Parehong nakadepende ang dalawang bansa sa luma at bulok na mga imprastruktura. Sa Russia, tulad ng sa Institute of Theoretical and Applied Mechanics, lantad ang korapsyon at panghihimasok sa pulitika. Sa Iran naman, dahil sa sanctions ng ibang bansa, umaasa ito sa mga smuggled na piyesa, na nagpapabagal sa sopistikadong pananaliksik at pag-unlad. Nahihirapan din silang magtatag ng sistema para sa inobasyon, kaya’t umaasa na lang sa mga pansamantalang proyekto at lihim na mga network ng katapatan at pamimilit.
Paglikas ng mga talento at dalubhasa—"Brain drain"
Ang pagguho ng mga institusyon ay makikita sa mga nabigong pagsusuri, hindi mapakinabangang prototype, at pag-alis ng mga bihasang talento. Bagama’t pinananatili ng dalawang bansa ang anyo ng teknolohikal na pag-unlad, unti-unting nasisira ang kanilang pundasyong pang-siyesya. Nagdudulot ito ng malalim at pangmatagalang epekto—pinapataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga hindi makatuwirang nagdedesisyon, desperadong hakbang, at mapanganib na maling kalkulasyon. Dahil dito, nagiging mas delikado, hindi mas ligtas, ang mga programa sa missile at nukleyar sa ilalim ng marurupok na institusyon
Ang sistematikong pagtanggal sa mga siyentipiko, kasabay ng pagbagsak ng institusyon at panghihina ng loob ng mga dalubhasa ay lumilikha ng malabong kinabukasan para sa mga strategic weapons program ng Iran at Russia. Ang dating daan patungo sa pagpigil sa banta at makapangyarihang estado ay nagiging pasanin na lang ngayon—isang pinagtagpi-tagping pagsisikap na binubuhay lang ng propaganda at paglilihim.
Sa Iran, ang pagkawala ng mga pinuno sa larangan ng siyensya ay sumira sa kredibilidad ng kanilang mga programang nuclear at missile. Sinamantala ng Western intelligence ang kahinaang ito—pinapatigil ang mga sistema, hinaharang ang mga kargamento, at nagpapalaganap ng di-pagtitiwala. Isa ngayong malaking katanungan kung may kakayahan pa ba silang magpatakbo ng maaasahang puwersang pang-missile
Sa Russia naman, kahit may nuclear arsenal at military-industrial complex, ramdam din ang bigat. Ang digmaan sa Ukraine ay nagpalala sa brain drain, kaya’t napipilitang gumamit ng piyesang mula sa China at mga lumang disenyo. Ang mga eskandalong pampubliko, tulad ng mga pag-aresto dahil sa katiwalian at paniniktik, ay nagdulot ng kawalang-tiwala at naglantad ng mga bitak sa sistema.
Parehong nakakulong ang dalawang rehimen sa isang siklong nagpapalakas sa sarili: takot na humahantong sa malawakang pagpapatalsik, na nagpapalayas sa mahahalagang talento at nagpapahina sa estratehikong kakayahan—na lalo pang nagpapataas ng panganib ng maling kalkulasyon.
Pagkabulok sa loob at hamon sa labas
Maaaring mauwi sa pagbagsak mula sa loob—hindi sa direktang labanan—ang kanilang mga estratehiya para pigilan ang pag-atake mula sa labas. Dapat maunawaan ng mundo na desperasyon, hindi lakas, ang nagtutulak sa kanilang pagpapakitang-lakas militar. Ang pagkasira ng integridad ng agham sa mga awtoritaryong rehimen na ito ay seryosong banta sa pandaigdigang katatagan.
Ang pagbuwag sa kanilang mga sistemang pang-siyensya ay isang babala kung paano maaaring sirain ng awtoritaryanismo, paranoia, at pagkakahiwalay mula sa pandaigdigang komunidad ang pambansang seguridad.
Ang pagbagsak ng mga missile at nuclear program ng Iran at Russia ay nagpapakita ng larawan ng mga dambuhalang estratehiya na may mga ambisyong minana mula sa nakaraang pamunuan at mga malalaking arsenal ngunit tinatamaan ng pagkabulok sa loob at hamon sa labas.
Ang mga sadyang pagpaslang ay ang mas nakikitang bahagi ng mas malawak na plano ng unti-unting pagpapahina. Ang tunay na pinsala ay nasa pagguho ng tiwala sa mga institusyon, pagkakawatak-watak ng akademikong pipeline, pagkawala ng mahuhusay na isip, at laganap na takot.
Sa huli, tuluyang pinuksa ng mga salik na ito ang dating masiglang komunidad ng siyensya at winasak ang malayang pagpapalitan ng kaalaman.