Mga Istratehikong Usapin

Ang lihim na pagbagsak ng missile at nuclear research sa Russia at Iran

Dahil sa tumitinding paranoia, mga malawakang pagtatanggal ng mga tauhan at paglikas ng mga dalubhasa, ang mga programang missile at nuclear ng dalawang bansa ay humaharap sa matitinding hadlang na lampas sa mga pinsalang dulot ng digmaan.

Dumaraan ang mga kababaihan sa mga modelo ng long-range missile na gawa sa Iran at mga effigy nina (L-R) yumaong komandante ng IRGC Quds Force na si Maj. Gen. Qassem Soleimani, yumaong pangulo ng Iran na si Ebrahim Raisi, at yumaong pinuno ng Lebanese Hizbullah na si Hashem Safieddine sa International Koran Fair sa Tehran noong Marso 9. [Morteza Nikoubazl/NurPhoto via AFP]
Dumaraan ang mga kababaihan sa mga modelo ng long-range missile na gawa sa Iran at mga effigy nina (L-R) yumaong komandante ng IRGC Quds Force na si Maj. Gen. Qassem Soleimani, yumaong pangulo ng Iran na si Ebrahim Raisi, at yumaong pinuno ng Lebanese Hizbullah na si Hashem Safieddine sa International Koran Fair sa Tehran noong Marso 9. [Morteza Nikoubazl/NurPhoto via AFP]

Ayon sa Global Watch |

Dati nang tinalakay ng Global Watch ang ilan sa mga pisikal na panganib na kinakaharap ng mga siyentipiko ng Iran at Russia; ngunit hindi rin dapat balewalain ang pagguho ng sistemang pang-akademiko na sumisira sa mga sektor ng missile at nuclear research ng dalawang bansa.

Sa Iran, ang serye ng pagpaslang sa mga nuclear scientist ay lumikha ng malawakang takot at hinala.

Ang mga pagsubok sa katapatan sa gobyerno, pagbabantay ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), at ideolohikal na pagsusuri ay nagtulak sa maraming mananaliksik na manahimik o mangibang bansa. Ang pagbibigay-diin ng rehimen sa ideolohikal na pagsunod ay nagpapahina sa bukas na talakayang pang-akademiko at pumipigil sa inobasyon.

Noong 2010, pinaslang si Massoud Ali Mohammadi, isang Iranian nuclear physicist, sa pamamagitan ng bombang pinasabog malapit sa kanyang tahanan sa Tehran gamit ang remote control. Matapos ang insidente, iniulat ng kanyang mga kasamahan na lalong tumindi ang mga pananakot, kaya’t marami ang nababalisa na baka sila na ang isusunod.

Inilarawan ng mga dating nuclear researcher na tumakas sa Iran ang isang kapaligiran kung saan ang self-censorship ay nagsilbing kasangkapan upang makaligtas. Si Encieh Erfani—isang physicist sa Institute for Advanced Studies in Basic Sciences sa Iran—ay nagbitiw noong 2022 bilang protesta sa pagtrato ng rehimen ng Iran sa kanilang mga estudyante.

Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa labas ng bansa.

"Ang problema rito ay ang istruktura ng censorship ay alam mong may mga pulang linya at, batay sa karanasan, alam mong hindi mo dapat lapitan," sinabi niya sa website ng Index on Censorship para sa isang artikulo noong Disyembre.

Ipinakikita ng mga pananaw ni Erfani ang isa sa mga dahilan ng lumalalang self-censorship sa Iran. Sa isang pamayanang inilalarawan bilang "lumalampas sa mga hangganan," ayon sa Index on Censorship, ang takot na baka hindi sinasadyang matawid ang mga pulang linya ay nagpapatibay ng self-censorship at humahadlang sa tagumpay sa akadamiko.

Dagdag pa rito, ang pagpupumilit ng gobyerno ng Iran sa mahigpit na kontrol ay nagbunga ng mga eskandalo ng katiwalian sa mga institusyong pang-agham nito, na lalo pang nagpapababa ng morale at tiwala. Halimbawa, noong 2019, naharap sa mga alegasyon ng maling pamamalakad sa pinansyal at nepotismo ang Atomic Energy Organization of Iran, na nakaapekto sa mga proseso ng pagbili na mahahalaga sa nuclear development.

Russia: paglikas ng mga dalubhasa at paranoia

Ang mga sektor ng missile at aerospace ng Russia ay dumaranas ng lumalalang paglikas ng mga dalubhasa na pinabilis ng mga pressure ng digmaan at pampulitikang panunupil. Tinatayang mahigit 2,500 siyentipiko at inhinyero ang tumakas mula Russia sa pagitan ng 2022 at 2024, karamihan ay lumipat sa Europa at Asya.

Sa mga panayam, inihayag ng mga tumakas na ang pangunahing dahilan ay ang takot sa pag-uusig ng mga ahensyang panseguridad dahil sa diumano’y "kawalan ng katapatan" o "kaugnayan sa Kanluran."

Pinalala pa ito ng mga pag-aresto sa mga pangunahing scientist na pinaratangang espiya.

Ang kaso ni Anatoly Maslov, na inaresto noong 2023 dahil sa alegasyon ng pagtataksil kaugnay ng kanyang mga international collaboration, ay nagdulot ng pangamba sa komunidad ng pananaliksik. Kasabay nito, lalong hinigpitan ng Kremlin ang kontrol sa mga institusyong akademiko at inutusan ang mga unibersidad na dalubhasa sa aerospace at missile technology na putulin ang ugnayan sa mga banyagang research partner, na lalo pang nagbukod sa mga siyentipiko at humadlang sa kanilang pag-access sa makabagong pandaigdigang kaalaman.

Epekto sa siyentipikong inobasyon at pambansang seguridad

Ang mga pressure na ito ay sumisira sa mismong pundasyon ng makabagong inobasyon. Dahil sa lumalalang paranoia, malawakang pagtatanggal ng mga tauhan, at pagkaubos ng talento, ang mga programang missile at nuclear ng Iran at Russia ay humaharap sa mga matitinding hadlang na lampas sa mga pinsalang dulot ng digmaan.

Si Vladimir Marakhonov, isang physicist sa Russia na may doctorate sa physics at mathematics, ay dating mananaliksik sa Ioffe Institute ng Russian Academy of Sciences. Sa kasalukuyan, bilang isang independent scholar, ipinaliwanag niya kung bakit niya nilisan ang Russia at nagtungo sa Finland noong Setyembre 2022.

"Ang problema ay ang mga matatalino ang unang umaalis," sinabi niya sa Barents Observer sa isang panayam na inilathala noong Enero 2024. "Sa Russia, sa kasamaang-palad, uso ngayon ang paglalagay sa mga posisyon ng pamumuno hindi ng pinakamatalino, kundi ng mga taong marunong yumuko sa mga nakakataas, handang sumunod sa lahat ng ipinag-uutos sa kanila. At kapag ang boss, sa madaling salita, ay magnanakaw at walang kaalaman, pinipili rin niyang makatrabaho ang mga magnanakaw at [hindi propesyonal] tulad niya. Nangyayari rin ito sa siyensiya."

Para sa mga estudyante at propesyonal na nagbabalak pumasok sa ganitong larangan, malinaw ang mensahe: ang kapaligiran sa mga sektor ng missile at nuclear ng Iran at Russia ay mapanganib hindi lang dahil sa panlabas na banta kundi dahil na rin sa pagkukulang ng sistema.

Sa susunod na artikulo ng seryeng ito, iuulat ng Global Watch kung paanong ang pinagsamang technological precision, flexible basing, at strategic depth ng NATO ay nagbibigay ng pangmatagalang bentahe sa Arctic, bilang pantapat sa agarang kahandaan at imprastruktura ng Russia sa rehiyon.

Gusto mo ba ang artikulong ito?


Captcha *